Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Inaangkin ang kanyang mga luto

29 August 2016

Metikuloso sa paghahanda at pagluluto ng pagkain ang mga amo ni Mae, palibhasa’y chef ang lalaki at food blogger naman ang babae. Hindi naman problema kay Mae ito dahil mahilig at magaling talaga siyang magluto, kaya isang hamon ang turing niya sa maselang panlasa ng mga amo.
Bawat hapunan nila ay mistulang handa sa isang mamahaling restawran, mula sa pagluluto hanggang sa pag aayos at pagsisilbi ng pagkain sa plato. Tuwina ay napapansin din ni Mae na laging kinukunan ng kanyang among babae ang mga pagkaing iniluluto niya. Sa isip niya, marahil ay talagang nagugustuhan ng kanyang amo ang pag-aayos at paghahanda niya ng mga pagkaing niluluto niya. Kadalasan ay mula sa cookbook ang mga putaheng inihahanda niya kaya lalong nahahasa ang kanyang galing.
Minsan, habang naglilinis si Mae ay napasulyap siya sa laptop ng kanyang amo na naka log-in sa Facebook, at napansin niya ang mga larawan ng kanyang mga niluto na naka-post sa isang page doon. Agad niyang hinanap ang Facebook page sa sarili niyang telepono at nakita niya na mula pala sa blog ng amo niya ang mga litratong naka-post doon. Iyon nga lang, ang mga putaheng pinupuri ng mga follower ng page ay inangkin ng amo na sarili niyang luto. Isa-isang binasa ni Mae ang mga comment doon at tila tumataba ang kanyang puso dahil panay papuri ang mga nandoon.
Natatawa na lang siya dahil tila isang impostor ang kanyang amo sa pagtanggap ng mga magagandang puri sa mga nilutong hindi naman siya ang gumawa. Naisip niya na kaya pala kung minsan ay nagtatanong ang kanyang amo ng mga detalye kung paano niya niluto ang putahe.
May isa pang comment na sinagot ng amo base sa ginawa nitong pagtatanong sa kanya. Nang ikuwento ito ni Mae sa isang kaibigan ay pabirong sinabi nito sa kanya na na kung sa isang manunulat ay may ghost writer, siya naman daw ang ghost chef ni Ma’am. -Jo Campos

Don't Miss