Panahon na ng tag-init kaya mas minamabuti ni Bhel ang matulog na lang nang maghapon sa kanyang kwarto imbes lumabas kapag day-off niya. Nguni’t nahalata ito ng kanyang amo kaya kinatok siya sa kanyang kwarto at kinausap nang diretsahan.
Ang sabi ng amo, “Bhel, it's your day off, you need to go out. If you don't go out, you need to pay me for using your room during your day-off."
Hindi alam ni Bhel kung ano ang isasagot sa tinuran ng kanyang amo, kaya naligo na lang siya para makaalis.
Matagal na niyang napapansin na nagbago na ang trato ng mga amo sa kanya mula nang makipag-usap ang mga ito sa mga kapwa Intsik na magulang sa paaralan ng kanyang alaga. Naisip niya na baka ayaw nilang magbayad ng long service sa kanya kaya sila nag-umpisang magbago ngayong patapos na ang kanyang pangalawang kontrata.
Dahil dito ay nag-umpisa na rin siyang humanap ng bagong amo para handa siya sakaling sabihan siya na hindi na siya ire-recontract. Sabagay sabi niya, nahihirapan na din siya sa alaga, lalo na sa oras ng pagkain. Inaabot ito ng isang oras kapag kumakain dahil puro laro ang nasa isip. Kahit gabi na at marami pa siyang kailangang tapusin sa kusina ay kailangang makipaglaro siya sa bata, dahil kung hindi siya papayag ay makakarinig siya ng hindi magandang salita buhat sa mga amo.
Magtitiis na lamang daw siya hanggang matapos ang kontrata dahil hindi na niya talaga maintindihan ang pag-uugali ng mga amo. Dati naman daw ay super bait ang mga ito, pero ngayon ay ibang-iba na sila.
Si Bhel ay may asawa’t anak at mula sa Western Visayas. Siya’y naninilbihan sa mga among Intsik na nakatira sa Tai Wai. –Marites Palma