Mahigit anim na buwan pa lang si Leah sa kanyang mga among Briton ngunit pakiramdam niya ay 10 taon na siyang nagtatrabaho sa mga ito. Halos hilahin na niya ang mga araw nang sa ganoon ay matapos na ang kanyang dalawang taong kontrata at makalipat siya sa iba. Bagama’t mahigit 14 na taon sa siyang nagtatrabaho dito sa Hong Kong, ngayon lang niya naranasan ang ganitong sitwasyon.
Kamakailan lang ay nalaman niyang may malubhang sakit ang kanyang among babae, bagay na nakadagdag sa kanyang alalahanin. Hindi maiwasan ni Leah na di maapektuhan sa kalagayan ng kanyang amo dahil naaawa siya dito, lalo at may mga anak ito na maliliit pa.
Hindi akalain ni Leah na dadapuan ng malalang sakit ang kanyang amo dahil wala pa itong 40 anyos at malusog naman kung tingnan. Ngunit isang araw ay bigla na lang silang nagulat lahat nang malaman ng amo na may stage 4 cancer ito. Sa isang iglap ay nabago ang lahat sa loob ng pamamahay at pamumuhay ng pamilyang pinaglilingkuran niya.
Bukod sa dagdag trabaho ang paghahanda ng mga pagkain na makakatulong sa maysakit, bawa’t kilos nila sa loob ng bahay ay nabago din. Minsang nagkasipon at ubo si Leah ay pinagbawalan siya na mamalagi sa loob ng bahay, bagamat patuloy pa rin siyang pinagtrabaho sa halip na makapagpahinga para gumaling. Hindi nga lang siya pinalapit sa among maysakit, ngunit halos buong maghapon ay hindi siya tumigil sa pagtatrabaho.
Bukod sa paghahatid at pagsama sa kanyang amo sa pagpunta sa doktor, si Leah din ang namamahala sa pagluluto at paghahanda ng mga pagkaing kailangan nito. Kung minsan tuloy ay halos wala nang oras si Leah para maghanda ng sarili niyang pagkain.
Payo nga ng kanyang kaibigan ay huwag siyang masyadong magpa-apekto sa nangyayari sa mga amo at baka pati siya ay magkasakit. Dahil sa mga payo ay ginugugol ngayon ni Leah ang oras ng kanyang pahinga sa pakikinig sa mga paborito niyang mga awitin at pagbabasa ng libro upang mapanatag ang kanyang isip. Si Leah ay isang dalaga at nagtatrabaho sa Mid Levels. --Jo Campos