Sa pagdiriwang ng ika-25 taon ng drama anthology na “ Maalaala Mo Kaya?”, nagkaroon ng tsansa na makadaupang palad ng host nitong si Charo-Santos-Concio ang mga OFWs sa kanilang paglilibot sa iba’t ibang panig ng mundo, gaya ng Madrid at Hong Kong. Naibahagi ng ilan nating mga kababayan ang iba’t ibang kuwento ng kanilang buhay, katulad din ng mga nagpapadala ng liham at napiling maisadula ang kanilang mga buhay sa programa.
Bilang bahagi ng mga iba’t ibang kuwento sa MMK, naglabas sila ng special album ng mga awitin na pinamagatang “MMK Life Songs” sa tulong ni Jonathan Manalo ng Star Music. Kalakip din ng mga awitin ang ‘reflections’ na mismong isinalaysay ni Charo. Kabilang sa album ang unang single nitong Desiderata, isang orihinal na tula ni Max Ehrmann na isinalin sa Filipino ni Enrico Santos.
Ang mga awitin sa album ay ang mga sumusunod:
1. "Desiderata” - Charo Santos, Lea Salonga, Martin Nievera, Gary Valenciano, Lani Misalucha, Ogie Alcasid, Zsa Zsa Padilla, Sharon Cuneta at TBUP Choir.
2. "Because You Loved Me” - Kyla at Jona
3. "I’ll Be There For You” - Juris
4. "You” - Sharon Cuneta
5. "Iingatan Ka” - Janella Salvador at Jenine Desiderio
6. "She’s Always a Woman” - Piolo Pascual
7. "Gaya ng Dati” -Gary Valenciano
8. "Piece by Piece” - Charice at KZ Tandingan
9. "I’ll be There” - Darren Espantoand at Jed Madela
10. "Handog” - Aiza Seguerra at Noel Cabangon
11. "Sana” - Julia Concio, Piolo Pascual at Charo Santos
Bonus Tracks: “Desiderata” at “Maalaala Mo Kaya”.
CELEBRITY BABIES
Tatlong celebrity babies ang isinilang noong August 8, 2016.
Isinilang ng dating Ateneo volleyball player na si Fille Cainglet-Cayetano ang pangalawang anak nila ng film at TV director at dating congressman na si Lino Cayetano. Ang kanilang baby girl ay pinangalanan nilang Fille Renee. Nai-post sa Twitter ang larawan ni Lino na karga ang panganay nilang anak na si Phillip Ino, dalawang taong gulang, habang masayang tinitingnan ang kanilang baby girl sa nursery ng St Luke’s Global Hospital sa Taguig, kung san nanganak si Fille.
Ang aktres na si Tanya Garcia ay nagsilang din ng isang baby girl, na pinangalanan nilang Madeleine ng kanyang asawang si Mark Lapid, isang dating aktor at governor ng Pampanga. Ito ang pangatlong anak nila. Ang dalawa pa nilang anak ay sina Mischa Amidala (9) at Matilda Anika (5).
Samantala, August 8 din nagsilang ang girlfriend ni James Yap na si Michela Cazzola sa kailang unang supling, si Michael James o MJ, sa St Luke’s Global sa Taguig. Ang kanilang baby boy at tumimbang ng 6.5lbs, at normal delivery, bagama’t inabot ng 18 hours ang pagle-labor ni Michela. Excited si James na alagaan ang kanilang anak, dahil masusubaybayan daw niya ang paglaki nito at makakasama niya sa bahay.
May dalawang anak na si James sa mga dating karelasyon, kabilang na si James, Jr., o Bimby, na anak niya sa dating asawang si Kris Aquino. Hindi daw niya alam kung alam na ni Bimby na kuya na siya dahil matagal na daw niya itong hindi nakikita at nakakausap.
Ngayon pa lang ay gusto na ni James na sumunod sa yapak niya bilang basketbolista ang kanyang bunso, kaya balak niyang pag-aralin ito sa Amerika at doon maglaro ng basketball. Ayon pa sa kanya, malakas daw ang dugong Italyano kaysa Pinoy, dahil ang kamukha daw ng kanilang anak ay ang ama ni Michela. Nabanggit din ni James na wala pang napapag-usapan tungkol sa kasal dahil sa ngayon ay nakatutok muna sila sa pag-aalaga sa kanilang anak. Pero, alam daw niyang doon din patutungo ang kanilang relasyon.
Inaabangan na ang mga susunod na mga brand new mommies na sina Toni-Gonzaga-Soriano at Mariel Rodriguez- Padilla na malapit nang magsilang ng kani-kanilang mga panganay na anak.
EUGENE, BALIK-PELIKULA
Nagsimula nang mag-shooting si Eugene Domingo para sa kanyang pagbabalik-pelikula, matapos ang dalawang taong pamamahinga. Ito ay para sa sequel ng “Ang Babae sa Septic Tank” na ginawa niya noong 2011, at naging hit sa Cinemalaya at umani ng mga award sa Pilipinas at sa iba’t ibang film festivals na sinalihan sa ibang bansa.
Ang huling pelikula niyang ginawa ay ang Barber’s Tales, at pagkatapos ay nagdesisyon muna siyang mag-concentrate sa kanyang TV show na Dear Uge, na nasa 3rd season na sa GMA Network.
Makakasama ni Uge sa ABSST movie sina Cai Cortez, Kean Cipriano, Khalil Ramos at ang You’re my Foreignoy winner (ng Eat Bulaga) na si Gui Adorno. Ang isa pa original cast nito na si JM de Guzman ay hindi pa sigurado kung makakasama rin nila. Si Marlon Rivera ang naatasang muling mag-direk ng sequel.
SNAFFU RIGOR, 69
Namatay na ang beteranong mang-aawit at composer na si Roberto Nicholas “Snaffu” Rigor, 69, sa sakit na lung cancer noong August 4. Si Rigor ay sumulat ng maraming awiting OPM (original Pilipino music) noong 60s at 70s. Dati siyang miyembro ng mga bandang Ramrods, Cinderella, Backdoor, Blackbuster at The 70’s Superband, at isang respetadong music industry executive. Ang mga dating kasamahan niya sa The 70’s Superband ay sina Nonoy Tan, na chairman ngayon ng Filscap ( Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc), Rey Magtoto, Monet Gaskell, Mon Espia at magkapatid na Nitoy at Jun Mallilin.
Ilan sa mga sikat na awitin na nilikha ni Rigor ay ang mga sumusunod: "T.L Ako sa 'Yo" (music and lyrics) - recorded by Cinderella, "Bato sa Buhangin" (lyrics) - recorded by Cinderella, "Bulag, Pipi at Bingi" (music and lyrics) - recorded by Freddie Aguilar (Grand Prize winner ng 2nd Metropop Music Festival noong 1979), "Macho Gwapito" (lyrics) - recorded by Rico J. Puno, "Mr. Dreamboy" (music and lyrics) - recorded by Sheryl Cruz, "Boy, I Love You" (lyrics) - recorded by Cherie Gil at covered din ni Donna Cruz, "Eto Na Naman" (lyrics) - recorded by Gary Valenciano, "Gusto Kita" (lyrics) - recorded by Gino Padilla, "Paano ang Puso Ko" (lyrics) - recorded by April Boy Regino, "Larawang Kupas" (music and lyrics) - recorded by Jerome Abalos, "Bumper to Bumper" (music and lyrics) - recorded by Love Anover, "Byaheng Jeepney" (music and lyrics) - recorded by Nicole & Cris, "Jowadik" (music and lyrics) - recorded by Nicole & Cris, at "Tambalan" (music and lyrics) - recorded by Nicole & Cris.
CIRCUS BAND AT NEW MINSTRELS REUNION
Ang sikat na grupo ng mang-aawit noong 70’s at 80’s na The New Minstrels at Circus Band ay magkakaroon ng reunion sa susunod na buwan. Pinamagatang “See You in September”, ang kanilang special show ay itatanghal sa The Theatre ng Solaire Resorts Hotel and Casino sa Sep 2.
Kaabang–abang para sa kanilang fans ang muli nilang pag-awit ng kanilang mga hit songs noon gaya ng “All of My Life” ni Louie Reyes, “You’ll Never Find Another Love Like Mine ni Ding Mercado, Nat King Cole songs medley ni Eugene Villaluz ng New Minstrels. Siyempre, hindi magpapatalo ang Circus Band members na sina Jacqui Magno sa kanyang “Bridges”, Pat Castillo ng kanyang bersyon ng “Somewhere in Time” at Ray-Ann Fuentes sa awiting “She Believes in Me”. Ilan pa sa mga awitin na maaring abangan ay “McArthur Park”, Disco Queen Medley, Natalie Cole Medley, 60s Boyband medley, at marami pang iba.