Pinaghahanap ang inang OFW
27 July 2016
Hindi makapaniwala si Lovie sa isang status na nabasa niya na Facebook. May inang hinahanap ng kanyang mga anak sa Hong Kong dahil hindi na raw nagparamdam mula pa noong 1999, nang mamatay ang kanilang tatay. Unti-unti daw nitong binawasan ang padalang suporta para sa kanilang apat na magkakapatid hanggang sa tuluyan nang kinalimutan sila. Hirap na hirap daw sila habang lumalaki, mabuti na lamang at mababait ang kanilang lolo at lola na siyang nag-aruga at nagpalaki sa kanilang apat. Hindi mapigil ni Lovie ang pagtulo ng luha nang mabasa ang kwento ng mga magkakapatid. Lalo pa siyang naawa dahil sa kabila ng hirap na dinanas nilang magkakapatid ay hindi pa rin nila magawang kamuhian ang kanilang ina. Ngayon na may kanya kanya na silang pamilya ay naisipan nilang hanapin ang kanilang nawawalang Ina dahil sobrang naawa na sila sa kanilang lolo at lola, Kahit ngayong matatanda na ang mga ito ay ang kanilang anak, ang ina ng mga bata, ang lagi pa ring iniisip. Ayon sa magkakapatid, hindi na para sa kanila ang kanilang paghahanap kundi para sa kanilang mga mahal na lolo at lola. Naisip ni Lovie na may mga magulang palang ganun na kayang iwanan ang mga maliliit na anak. Masuwerte pa rin daw ang ina dahil hunahanap pa rin siya ng mga anak kahit iniwan niya sila. Panalangin niya ngayon na sana ay magtagpo na rin ang mag-iina dahil sa awa sa mga anak nito. Si Lovie ay tubong Cagayan Valley may dalawang anak at may dalawang apo na, at kasalukuyang naninilbihan sa Kowloon Bay. - Marites Palma