Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pambibiktima sa mga DH, bunga ng diskriminasyon?

19 July 2016

Tila binabale-wala ng maraming employment agency ang mga batas ng Hong Kong ukol sa pagkuha ng mga dayuhang kasambahay. Ang obserbasyong iyan ay batay sa nagsusulputang mga kaso ng panloloko at pamimiga ng mga ahensiya.
Nitong mga nakalipas na linggo lamang ay ilang uri ng kasong pang-aabuso ng mga ahensiya ang itinawag sa aming pansin ng mga biktimang humihingi ng tulong
Pinakamalaki sa mga ito ang kaso ng Emry’s Employment Agency, ang nagpapasok ng pinakamaraming Pilipinong domestic helper sa Hong Kong, at 30 taon na sa industriya.
Mahigit 500 katao diumano ang naakit ng may-ari ng Emry’s sa alok nitong mga trabaho raw sa Britain at Canada, na ang sahod ay higt  na malaki kaysa sa kasalukuyan nilang suweldo dto.
Bagamat paulit-ulit na nagbababala ang pahayagang ito sa mga kababayan natin upang mag-ingat sila sa mga ganitong alok sa Hong Kong, marami pa rin ang nalilinlang dahil sa kagustuhang kumita ng malaki.
Nababahala kami sa lakas ng loob ng mga ahensiya na manlinlang ng mga aplikante, o di kaya’y manghuthot sa kanila.
Sa katunayan, bago sumambulat ang balita ukol sa Emry’s ay marami nang sumbong ang natanggap namin ukol sa mga ahensiyang naningil ng libu-libong dolyar na bayad sa mga aplikante at kinalaunan ay wala palang maibigay na trabaho sa kanila.
Nariyan ang Vicks Maid Consultancy Services na nag-alok ng mga trabaho sa Shenzhen na hindi naman pala totoo, at ang Excellent Nannies na tulad ng Emry’s ay naningil na ng hanggang $50,000 sa mga aplikanteng pa-Canada ngunit makalipas ang tatlong taon ay naririto pa rin at naghahabol mabawi ang perang ibinayad nila.
Bukod sa mga ahensiyang nalilinlang ng mga aplikante, naririyan din ang mga sumisingil nang labis-labis o di kaya’y tahasang lumalabag sa mga batas ng Hong Kong lalo na yaong ukol sa pagkumpiska ng pasaporte, Hong Kong ID, kontrata, o maging ATM ng mga kasambahay.
Sa mga darating na araw ay ipatutupad na ng Labour Department ng Hong Kong ang binuo nitong Code of Practice for Employment Agencies na magsisilbing gabay sa matuwid na pangangalap ng mga dayuhang katulong.
Hangad ng pamahalaan ng Hong Kong na maging malinis, maayos at naaayon sa batas ang pagkuha ng mga lokal na ahensiya ng mga dayuhang katulong– na ang karamihan ay mula sa Pilipinas - para  maglingkod sa mga tahanan dto habang ang mga mag-asawa ay pumapasok sa opisina o abala sa pagharap sa mga negosyo.
Sensitibo ang Hong Kong pagdating sa mga pangyayaring nakasisira sa larawan ng pangunahing lungsod na ito sa pandaigdigang entablado, lalo na sa pagpapatupad sa batas nito laban sa mga katiwalian sa gobyerno o sa pribadong sektor
Gayundin, sensitibo ang gobyerno sa hinaing ng mga lokal na manggagawa pagdating sa karapatan nila sa tamang pasahod at bilang ng oras ng pagtatrabaho.
Ngunit malaki ang pagkukulang ng gobyerno sa pagpapatupad sa mga batas sa pagtrato o pagprutekta sa mga dayuhang katulong. Ilang ulit nang nangyari ang panloloko o labis-labis na pagsingil ng mga ahensiya sa mga katulong ngunit iilan pa lang ang nakakasuhan sa korte sa mga ito.
Kadalasan ay sa ilang dosenang nagreklamo ay iisang kaso lamang na tila ehemplo ang lilitisin ng hukuman at hahatulang nagkasala ang isang tiwaling ahensiya. Ngunit pagmumultahin lamang ng ilang libong dolyar ito at aalisan ng lisensiya.
Kung ang panloloko sa ibang negosyo ay itinuturing ng gobyerno na isang aksyong kriminal at pinarurusahan ng mabigat, bakit hindi nito gawing kriminal ang panloloko ng mga ahensiya sa mga dayuhang katulong?
Kung ang isang dayuhang katulong na pinagbintangan ng amo na nagnakaw ng lumang damit o pekeng alahas ay nakukulong, bakit ang mga may-ari ng isang ahensiyang nagkamal ng milyun-milyong dolyar dahil sa panlilinlang o panghuhuthot sa mga katulong ay tampal sa kamay lamang ang pataw na parusa
Hindi ba malinaw na may diskriminasyon?
Don't Miss