Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

‘Paalam, Ate Violy’

21 July 2016

Patuloy ang pagdagsa ng mga mensahe ng pakikiramay sa Facebook account ni Violeta Pascual sa biglaan niyang pagpanaw noong Martes ng hapon, Hulyo 12, nang dahil sa sakit na lung cancer.
Inulila ni Violeta o Violy na isang biyuda, ang dalawa niyang anak na sina Dane at Danel Pascual.
Si Violy kasama ang anak na sina Dane (l) at Danel (r)
Ayon sa nakababatang kapatid ng yumao na si Emma Celso, lubhang napakabilis ng mga pangyayari. Na-admit si Violy sa Queen Mary Hospital noong Abril, at hindi na siya naka-uwi sa kanyang amo. Noong Mayo 23 ay ninais niyang umuwi na lang sa Pilipinas para doon ipagpatuloy ang pagpapagamot, at makapiling na rin ang mga anak. Ito rin ay payo ng mga doctor na nag-asikaso sa kanya sa Queen Mary at sa Tung Wah Hospital kung saan siya inilipat bago siya umuwi.
Matapos ang isang buwan ay kinailangan ni Violy na sumalang sa radiation therapy dahil sa matinding sakit na nararamdaman, at sinundan ito ng dalawang operasyon sa ulo. Isasalang na sana siya sa pangatlong operasyon ngunit hindi na ito nakayanan ng kanyang katawan.
Marami ang nabigla sa pagpanaw ni Violy, bagamat marami din ang may alam na matagal na itong maysakit.
Kilala si Violy sa komunidad dahil aktibo siya sa iba-ibang organisasyon, katulad ng Balikatan sa Kaunlaran Hong Kong Council, kung saan siya dating bise-presidente, sa Rhapsody Hong Kong, Filcomsin, Kababaihang Rizalista, at ang dating Pinay Justice.
Naging presidente din siya ng The Sun Organization, at nagsulat ng pitong taon sa The SUN, at pagkatapos ay sa Friends International magazine.
Si Violy ay nagtrabaho sa Hong Kong ng 28 taon, at ang dalawang naunang dekada dito ay ginugol niya sa iisang amo. - Cristina Cayat

Habilin ni Violy sa mga kapwa ina
Aniya, kailangang laging may balanse sa pagtatrabaho at pangangalaga ng kalusugan. Hindi raw dapat na isakripisyo ang kalusugan para lang kumita ng malaki at nang may maipantustos sa pamilya.
Gayundin, napaka importante daw ng pagsali sa mga usaping pang pinansyal para mahawakan nang maigi ang kinikita at nang hindi na sila magtagal sa pangingibang-bayan.
 “Dapat ay matuto ka munang humawak ng pera para makapag-enjoy ka bago magkasakit”, ito ang mariin niyang turan habang nakikipag-usap sa mga kaibigan.
Malaki daw ang naitulong ng iba-ibang organisasyon na nagtuturo ng tamang paghawak ng pera para mapagtanto niya ang mahalagang aral na ito. Kabilang sa mga sinalihan niyang grupo na nagbigay ng aral sa kanya tungkol dito ang Leadership and Social Entrepreneurship ng Ateneo School of Government, Enrich Hong Kong, CARD OFW Foundation, at BSK.
Ayon kay Violy, nabuhay ang kanyang pag-asa na makapag-umpisang muli sa Pilipinas dahil sa mga turo ng mga grupong ito. Balak niya sanang umuwi na nang tuluyan ngayong Oktubre ng taong kasalukuyan sa pagtatapos ng kanyang kontrata.
Biglang paghahanda sa planong pag-uwi, nag-aral siya ng iba ibang kursong pangkabuhayan. Kumuha siya ng agriculture, pananahi, at paggamit ng computer, na itinuturo sa ilalim ng livelihood program ng OWWA o Overseas Workers Welfare.
Sa kabila ng kanyang paghahanda, hindi niya ipinagkailang marami siyang naging maling desisyon kaya hindi siya nakauwi agad para samahan ang kanyang mga anak, kaya naman mahigpit ang bilin niya na ipaabot sa ibang ina ang kanyang natutunan.
“Matutong hawakan ang pera nang maayos para hindi magtagal dito,” sabi niya.
Ito rin marahil ang hinaing ng kanyang panganay na anak na si Dane, na ang saloobin ay ipinahayag niya sa kanyang Facebook account. Ayon kay Dane, ang pinakamalaking pinanghihinayangan niya ay hindi naranasan ng kanyang ina ang mag-aruga sa kanila, at gampanan ang pagiging tunay na ina. –CC


Don't Miss