Kinumpirma ni Jason Francisco na hiwalay na sila ng kanyang asawang si Melai Cantiveros. Sa kanyang litanya gamit ang Instagram account ng kanilang dalawang taong gulang na anak na si Amelia Lucille, inilabas ni Jason ang himutok na nagsimula dahil sa hindi raw nasunod ang usapan tungkol sa paglabas ni Melai sa katatapos na TV series na “We Will Survive”.
Hindi nagustuhan ni Jason na naiba ang takbo ang kuwento ng WWS, dahil ang pagkasabi daw ni Melai ay sa umpisa lang ito may kapareha. Hindi raw niya gaanong nasubaybayan ang show nito dahil naging abala din siya sa ‘My Super D” TV series, pero naging madalas na ang pag-aaway nilang mag-asawa nang malaman niya na nabago ang istorya ng WWS. Ang isa pang dahilan ay naging abala nang masyado si Melai, lalo na noong sa Bicol pa sila nagte-taping, hanggang hindi na sila nag-uusap at hiwalay na ng kwartong tinutulugan.
Hindi sinabi ni Jason kung pinagselosan niya si Carlo Aquino, na nakapartner ni Melai sa naturang TV series na pinagbibidahan din nina Pokwang, Jeric Raval, Maris Racal, at John Steven de Guzman. Pero base sa itinakbo ng TV series sa direksyon ni Jeffrey Jeturian, wholesome at pam-pamilya ito at dapat pang ipagmalaki ni Jason si Melai dahil nabigyan ito ng tsansa na maipakita ang husay niya sa drama.
Marami ang nagkomento na masyadong mababaw ang dahilan ni Jason para hindi pagkatiwalaan ang asawa na makipagpareha sa iba. Pareho nilang ginusto ang pumasoks sa showbiz mula nang sumali sila at mabuo ang loveteam nilang Melason sa PBB noong 2009, kung saan nanalo si Melai. Ikinasal sila noong 2013, tatlong buwan matapos aminin ni Melai na buntis na siya. Marami ring napahanga si Melai nang manalo ito sa season 1 ng Your Face Sounds Familiar, kaya nabigyan pa ng sunod-sunod na projects. Sa ngayon ay may regular morning show siya, ang “Magandang Buhay”, bilang co-host nina Jolina Magdangal at Karla Estrada.
LOVI, KAPUSO PA RIN
Tatlong taon ang bagong pinirmahang exclusive contract ni Lovi Poe sa GMA Network noong July 26.
Bilang panimula, malapit nang ipalabas ang bagong TV series ng tinaguriang ‘premier actress” ng Kapuso Network na “Someone to Watch Over Me”. Makakasama niya sa bagong drama series na ito sina Tom Rodriguez at Max Collins.
Sa loob ng 10 taon pagtatatrabaho niya bilang Kapuso, nagpapasalamat daw si Lovi dahil sa patuloy na paghubog sa kanyang career ng kanyang home network mula pa noong nagsimula siyang magtrabaho dito noong 2006, nang ipakilala siya sa “Bakekang”.
Nakatakda ring ipalabas ang pelikulang pagtatambalan nina Lovi at Derek Ramsay, ang “The Escort” ng Regal Films. Abala rin siya sa pagsusulat ng mga kanta para sa susunod niyang album. Balak din nilang sundan ang naunang concert nila ni Solenn Heusaff na “Fantasies”.
Samantala, paano na kaya ang TV series ng Kapamilya Network na “Someone To Watch Over Me” rin ang title at pinagbibidahan nina Judy Ann Santos, Richard Yap at Diether Ocampo? Papalitan na kaya ang titulo nito sa pagre-resume ng taping nila sa susunod na taon? Naumpisahan na nilang gawin ito, pero biglang nabuntis si Judy Ann kaya kinailangan niyang magpahinga. Nagdesisyon ang ABS- CBN na hintayin na ang pagbabalik ni Juday kesa ibigay sa iba ang project.
Sa ngayon ay ayaw muna daw niya i-pressure ang sarili na pumayat, kaya sa susunod na taon na niya balak gawin ang TV series.
FHM VICTORY PARTY
Kumpara sa mga nagdaang taon, mas simple ang ginanap na FHM 2016 Victory Party para sa FHM 100 Sexiest Women na ginanap sa Valkyrie night club sa Taguig. Si Jessy Mendiola ang tinanghal na “sexiest” sa taong ito, pero iilan lang ang dumalo sa mga nasa listahan ng top 100.
Sa top ten, ang mga dumalo ay sina Jessy, Rhian Ramos(5), Kim Domingo (8) Rachel Anne Daquis (10) at Marian Rivera (9). Wala sina Nadine Lustre (2), Jennylyn Mercado (3), Angel Locsin (4), Arci Munoz (6), at Glaiza de Castro (7).
Ang iba pang rumampa sa stage ay sina Roxanne Barcelo, Rochelle Pangilinan, Margo Midwinter, Sam Pinto, Daiana Menezes, Aiko Climaco, Bangs Garcia, Dawn Chang, Sunshine Garcia, at Sunshine Cruz.
Hindi gaanong sexy ang mga suot ng mga rumampa, na ang karamihan ay mga naka-gown pa. Si Jessy ay mala-amasona ang pulang kasuotan, at ginaya pa ang sinabi ni Miss Universe Pia Wurtzbach, na “I am confidently beautiful with a heart”, pero pinalitan niya ito ng “sexy with a heart”.
DI NA MULI, PANALO SA PHILPOP 2016
Tinanghal na grand prize winner ang awiting “Di N Muli” ng composers na sina Wally Acolola at Jazz Nicolas, at inawit ng bandang Itchyworms sa Philpop 2016 na ginanap noong July 24 sa Kia Theatre. Nanalo sila ng Php 1 million cash prize.
First runner-up, at Maynilad People’s Choice ang awiting “Lahat” ni Soc Villegas, na ininterpret ni Jason Dy. Second runner-up ang komposisyon ng magkapatid na Miguel at Paolo Guico na “Tinatangi” na inawit nina Bayang Barrios at Cooky Chua, na nakuha rin ang PLDT-Smart Best Music Video. Nanalo ng Php500,000 ang first runner up, at Php 250,000 para sa second runner up.
Si Yassi Pressman, na isa sa mga interpreters ng mga awitin na nakasama sa finals, ay ginulat ang mga manood dahil bigla itong dumating at dire-diretso sa stage upang awitin ng “Dumadagundong” na likha nina Mike Villegas at Brian Cua. Ang akala kasi ng marami ay papalitan na si Yassi dahil kasalukuyang kabilang siya sa mga latest batch ng housemates sa Pinoy Big Brother (PBB) na ginaganap sa Vietnam. Balitang nagrereklamo ang mga kasamahan ni Yassi sa kanyang ginawang pagtakas sa bahay ni Kuya. Naging guest singers sina Aiza Seguerra, Ogie Alcasid at dating winners na sina Thyro Alfaro at Yumi Lacsamana. Sina Bela Padilla at ang Boys Night Out ang mga naging hosts ng programa.
ALDEN, MAY LIBRO NA
Nauuso na sa mga celebrities ang paglalabas ng sari-sariling mga libro. Ang pinakahuli ay ang libro ni Alden Richards, na sa kabila ng pinagkakaabalahan ay nagkaroon pa ng oras para dito. Ang libro niyang “In My Own Words” ay inilunsad noong July 21. Ito raw ang regalo niya sa kanyang mga fans, kasabay ng unang anibersaryo ng loveteam nila ni Maine Mendoza.
Inilahad niya sa sa libro ang mga pinagdaaanan niya mula nang pumasok siya sa showbiz, ang kanyang mga pananaw sa buhay at pag-ibig, at sa samahan nila ni Maine sa harap at likod ng kamera.
Ilan sa mga celebrities na nakapaglabas na mga libro ay sina: Rita Avila – 8 Ways to Comfort with Grace (2008), Ramon Bautista – Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo? (2012), Boy Abunda – Make Your Nanay Proud (2014), Miriam Quiambao- He Can Catch You When You Fall (2014), Alex Gonzaga- Dear Alex, Break Na Kami, Paano? (2014), Bianca Gonzalez – Paano Ba ‘To? How to Survive Growing Up. (2014), Solenn Heusaff & Georgina Wilson – Besties (2015), Liz Uy – Stylized, Judy Ann Santos- Judy Ann’s Kitchen (2015), Wenn Deramas – Direk 2 Da Poynt (2016), Regine Velasquez – Bongga sa Kusina ang Sarap Diva (2016) at Vice Ganda – President Vice, Ang Bagong Panggulo ng Bansa (2016).