Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bagong liderato

05 July 2016

Simula sa buwang ito ay may bago na tayong pangulo. At gaya ng 15 pangulong nagdaan, nasa harapan ni Rodrigo Duterte ang pagkakataon upang maghabi ng isang mahusay na pamahalaan.
Lahat tayo, bilang Pilipino, ay dapat humanay sa likod niya upang siya ay magtagumpay. Ito ay hindi para sa kanya, kundi para sa atin, dahil ang tagumpay ng kanyang administrasyon ay tagumpay nating Pilipino. Tayong lahat ay dapat maging bukas ang isipan sa posibilidad na dala niya ang maganda nating hinaharap.
Pero dapat din tayong maging mapagmasid, dahil baka saan lang tayo dalhin.
Ang pagpapatakbo ng isang bansa ay hindi lamang umiinog sa paglaban sa krimen at droga, o pagsugpo ng katiwalian. May ekonomiya rin na dapat pangalagaan, may gobyerno na dapat maayos na patakbuhin, may relasyon sa ibang bansa na dapat ingatan, at may mga interes ang Pilipinas na dapat bantayan.
Ang pinakamalaking interes natin sa ngayon ay ang West Philippine Sea. Nakatakdang magbaba ng hatol ngayong buwan ang arbitration court sa The Hague, Netherlands, tungkol sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa pagkamkam ng China sa halos buong South China Sea, kasama na ang karagatang dapat ay sakop ng Pilipinas.
Base sa mga salita ni Duterte—gaya ng pagma-malaki niya na isang railway system ang itatayo ng China sa Luzon—baka mawalang saysay kung manalo man ang Pilipinas sa kaso. At tutol siya sa modernisasyon ng militar; dahil ba upang patuloy na walang kakayahan ang Pilipinas na lumaban kahit ito ay inaapi?
Nagparamdam rin si Duterte na ipalilibing niya ang sinipang diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, kahit marami ang tutol dahil sa mga krimeng ginawa nito sa bayan noong martial law at bilyong dolyar na ninakaw niya sa kaban ng bayan. Gusto ba niyang ipakita na kaya niyang suwayin ang kagustuhan ng mamamayan?
Gaya ni Duterte, ika-16 na pangulo si Abraham Lincoln ng Estados Unidos. May habilin siya na dapat tandaan: “Stand with anybody that stands right, stand with him while he is right and part with him when he goes wrong.”
Don't Miss