Nagkakuwentuhan ang magkaibigang Jessa at Kayla nang tumawag si Kayla kay Jessa upang magtanong kung may alam na amo ang kaibigan. Alam ni Jessa na matagal na si Kayla sa kanyang among mag-asawang Intsik at nagtaka ito kung bakit aalis na siya sa mga ito. Dito nagsimulang magkuwento si Kayla sa nangyari. Sinabi umano ng kanyang among lalaki na kailangang mas maaga siyang magsimulang magtrabaho, na hindi naman problema kay Kayla dahil madali naman daw siyang mag-adjust ng oras kahit siya ay stay-out sa kanyang mga amo. May sakit din na malubha ang kanyang among babae at ang kasama niyang Pinay ang stay-in sa mga ito. Ang hindi nagustuhan ni Kayla ay nang sabihin ng among lalaki na babawasan ang kanyang sahod sa dahilang hindi naman daw buong araw ang trabaho niya. Agad na tumutol si Kayla dahil sa 15 taon niyang pagtatrabaho sa mga ito ay ngayon lang ito nangyari, samantalang ginagawa naman niya ang kanyang tungkulin nang maayos. Nag-usap silang muli ng amo at hinamon niya ang ito ng termination. Tila naman naging hamon ito sa kanyang amo at ora mismo ay gumawa ito ng termination letter para sa Immigration at agad na tinapos ang paglilingkod ni Kayla sa kanya. Binayaran naman nito ang kaukulang benepisyo ni Kayla na maayos na nagpaalam sa kanyang among babae na ang turing sa kanya ay kapatid na. Dahil sa awa ni Kayla sa among babae na pinagsilbihan niya ng mahigit 15 taon ay mabigat sa kalooban niya na iwan sila. Ngunit sabi nga ni Jessa sa kaibigan, walang pagkakaiba ang kanyang amo sa iba. Ang turing nila sa atin ay kasambahay lamang at gaano man katagal tayong nanilbihan sa kanila, gaano man kabuti ang ating pag-aalaga at pakikisama sa kanila, isa pa rin tayong mga bayarang katulong lamang. Parang kapag naibigay na ang mga benepisyo at bayad sa ating pagsisilbi, wala na silang pananagutan o utang na loob na dapat tanawin, himutok niya. - Jo Campos