Para kay Lorie, masuwerte pa rin siya dahil kahit na hindi naging maganda ang kanyang karanasan sa malupit na amo ay maraming tumutulong sa kanya. Baguhan lang si Lorie sa Hong Kong. Dumating siya dito noong Pebrero upang magtrabaho sa among Intsik sa Lantau. Sa unang suweldo pa lang niya ay nagtaka siya dahil napalaki ng kaltas dito at nang itanong niya kung bakit ay sinagot siya ng amo na base umano ang sahod niya sa kanyang pagtatrabaho. Hindi na lang umimik si Lorie at tinanggap ang sahod kahit ito ay kulang. Lumipas ang ilang buwan at hindi pa rin siya pinalalabas upang mag day off kaya’t binanggit niya ito sa amo ngunit nagalit lamang ito. Hindi rin binabayaran ang mga day off na pinagtrabahuhan niya. Nagpasya si Lorie na magtiis sa ganitong kalakaran dahil takot siyang mawalan ng trabaho, ngunit isang araw ay bigla na lang siyang pinalayas ng palalong amo. Tahasang sinabi nito na mag impake na siya ng kanyang mga gamit at lumayas, at kung hindi ay tatawag daw ito ng pulis. Hindi alam ni Lorie kung anong kasalanan ang kanyang nagawa upang palayasin siya ng amo. Ngunit dahil sa takot ay agad ding umalis si Lorie dala ang kanyang mga gamit. Walang ibinigay sa kanya ang kanyang amo ng kahit ano. Walang suweldo, air ticket o release letter. Sa kabutihang palad ay may kababayan siyang nagmalasakit at dinala siya sa isang grupo na tumutulong sa mga OFW na may problema. Dinala siya ng grupo sa Labour Department at Immigration. Agad naman siyang nabigyan ng kaukulang visa para makapanatili sa Hong Kong habang naghihintay ng araw ng paghaharap nila ng kanyang amo sa Labour Department. Handa si Lorie na harapin ang kanyang amo at sabihin lahat ng kanyang dinanas at makuha ang mga benepisyong nararapat para sa kanya. Ngunit dahil hindi siya puwedeng magtrabaho habang naghihintay na matapos ang kanyang kaso ay umaasa na lang siya sa mga abot na tulong ng kapwa Pinay. Ang iba ay nagbibigay ng pagkain at ang iba naman ay kaunting pera para sa kanyang mga pangangailangan. Napakalaki ng pasasalamat ni Lorie sa mga kapwa Pinay na tumutulong sa kanya at nagpapayo na ipaglaban niya ang kanyang karapatan. Umaasa din si Lorie na makakahanap siya ng bagong amo, at kung maaari ay iyong makatao at hindi sakim. –Jo Campos