Ang sorpresa pala ay pupunta sila ng Hong Kong dahil nakapagpa-reserve si Ryan sa restaurant ng pamosong French chef na si Joel Robuchon, sa L’ Atelier de Joel Robuchon na matatagpuan sa Landmark sa Central. Pahirapan daw ang pagkuha ng booking sa naturang restaurant, na may 3 Michelin stars dahil marami ang dumarayo dito, at matagal na ring gustong masubukang kumain dito ni Juday. Ang iba pang restaurants nito bukod sa HK ay matatagpuan sa ibang bansa gaya ng Bangkok, Bordeaux, Las Vegas, London, Macau, Monaco, Paris, Singapore, Taipei, at Tokyo.
Umalis ang mag-asawa sa Pilipinas ng 7:15 ng umaga upang mananghalian sa Hong Kong, pero bago raw humabol sa reservation nilang 12:30 ng tanghali, sinabi ni Ryan na kailangan nilang sumaglit sa IFC ( International Finance Centre), dahil ito raw ang talagang sadya nila, at on the side lang ang pagbisita nila sa pamosong reataurant. Pinuntahan nila ang sikat na chocolate store na Godiva kung saan kinausap ni Ryan ang isang babae na nagpakilala kay Juday bilang kaibigan ng kanyang personal secretary na si Tippy. May iniabot na paper bag ang babae, na nang silipin ni Juday ay nabigla siya dahil ang laman nito ay black truffles, isang uri ng edible mushroom na ubod ng mahal at hindi basta mabibili o mahahanap.
Nagpatulong pala si Ryan kay Tippy na makahanap ng truffles, at eksakto namang may kaibigan ito na alam kung paano makakakuha nito sa Hong Kong. Kaya daw pala nagmamadaling pumunta sila ng Hong Kong ay upang malanghap ni Juday ang amoy nito habang sariwa pa. Matagal nang gustong masubukan ni Juday na magamit ito sa pagluluto, kaya napaiyak siya sa tuwa sa ginawa ni Ryan.
Sa maikling sandali nila sa Hong Kong na parang magkasintahan, at ang ginawa lang ay maglakad na bitbit ang isang trolley bag, kumain at sumakay ng train, bago bumalik ulit ng airport para makabalik sa Pilipinas kinagabihan, hindi malilimutan ni Juday ang masayang date nilang mag-asawa at ang magandang sorpresa ni Ryan sa kanya.
Parehong mahilig magluto ang mag-asawa, at nag-aral pa sila sa culinary school. Si Juday ay nakapaglabas na ng sariling cookbook, ang “Judy Ann’s Kitchen”. Kasalukuyang tinatapos ng aktres ang indie film na “Kusina” na kalahok sa Cinemalaya Film Festival sa taong ito.
VINA, KINASUHAN SI CEDRIC
Sinampahan ng kaso ni Vina Morales ang dati niyang karelasyon na Cedric Lee noong June 3 a San Juan Prosecutor’s Office dahil diumano sa sapilitan nitong pagtangay sa kanilang anak na si Ceana mula sa kanilang tinitirhan nilang mag-ina. Nasa ibang bansa noon si Vina at nagbabakasyon kasama ng kanyang bagong boyfriend na si Marc Lambert..
Ayon kay Vina, nilabag ni Cedric ang visitation rights na itinakda ng korte na tuwing Sabado lang niya ito pwedeng madalaw. Noong una raw ay ayaw na sana niyang magsalita, pero marami raw ang nagtatanong kaya napilitan siyang ihayag ang katotohanan.
Siyam na araw daw na kasama ni Cedric si Ceana bago ito ibinalik sa kanyang pamilya, pamamagitan ng korte, noong May 23. Sa edad na pitong taon, nalilito raw ang kanyang anak at na-traumatize sa nangyari. Kaya ngayon ay matapang na raw siyang lalaban para sa kanyang anak at sa matagal nang pambu-bully sa kanya ni Cedric at sa kanyang pamilya.
Dahil sa mga naging pahayag ni Vina, sinampahan naman siya ng anim na kasong libel ni Cedric.
Si Cedric ay isang mayamang negosyante na naging pangunahing suspect sa pambubugbog sa comedian/actor/TV host na si Vhong Navarro noong 2014.
Samantala, humingi ng tulong si Vina sa kanyang dating boyfriend na si Robin Padilla. Sa kanyang Instagram page, nag-post siya ng larawan ni Robin na may caption na “Binoe, away ako. Sabi mo pag away ako, sumbong ako sa ‘yo, “Utol Kong Hoodlum”.
KRISTINE, KAPUSO NA
Muling masisilayan sa TV ang isa sa may pinakamagagandang mukha sa showbiz, si Kristine Hermosa. Mapapanood siya sa bagong comedy series na “Hay, Bahay” sa GMA Network. Makakasama niya sa show ang kanyang biyenang si Vic Sotto, AiAi dela Alas, at ang kanyang mister na si Oyo Sotto.
Alam ni Kristine na marami sa kanyang mga fans ang naghihintay na muli siyang mapanood sa ABS CBN, kung saan siya nagsimula at sumikat ng husto, pero nilinaw niya na matagal na siyang walang kontrata bilang Kapamilya, kahit na noong may project pa siyang ginagawa doon. Nagpaalam din daw siya ng maayos at sinabing makakasama niya sina Vic at Oyo at sinabi naman daw ng network na ok lang, kung saan siya masaya.
Ang isa pang dahilan kaya napapayag siyang muling umarte ay dahil comedy ang “ Hay Bahay”. Ayaw na daw muna niyang gumawa ng drama dahil umiiwas siya sa mga iyakan. Siguro ay napagod na rin daw siya sa dami ng mga nagawa na niyang drama. Kaya nga nang makasama raw siya sa Enteng Kabisote movie noon ay nag-enjoy siya nang husto dahil parang naging pahinga na niya ito dahil may teleserye rin siyang ginagawa noon na kasabay ito.
Kasalukuyang dinadala ni Kristine ang pang-apat na anak nila ni Oyo, na ayon sa balita ay isa na namang baby boy. Ang mga anak nila ni Oyo ay sina Kristian Daniel, Ondrea Bliss at Kaleb Hanns.
Ilan sa mga teleseryeng ginawa ni Kristine na tumatak sa mga manonood ay ang Pangako Sa ‘Yo, Sana’y Wala Nang Wakas, Gulong ng Palad, Prinsesa ng Banyera, Till Death Do Us Part at Sandaling Kailangan Mo Ako.
MISS PHILIPPINES EARTH 2016
Nanalo ang Filipina German na si Imelda Schweighart, 21, bilang Miss Philippines Earth 2016 sa ginanap na coronation night sa UP Theatre noong June11. Siya ang magiging pambato ng Pilipinas sa Miss Earth 2016 sa October, na gaganapin sa Pilipinas.
Gaya ni Miss Universe Pia Wurtzbach, ilang beses na ring sumali sa mga beauty contests si Sweighart. Nasa top 15 finalists siya sa Bb. Pilipinas 2013, at nagtamo ng special award. Sinubukan din niyang mag-artista, gamit ang pangalang Imee Hart, at napanood sa tv show na Bagets ng TV5, at naging co-host ni Willie Revillame sa Willing Willie noong 2010 – 2011.
Maganda ang naging sagot niya sa question and answer portion, bagama’t tila memoryado ang sagot: “My climate change advocacy is banning genetically modified organisms (GMO) and genetically modified seeds, because I believe in natural food in order to feed our mind, body, and soul. So if we really want to feed our minds and become smarter, let’s support banning GMO, President Duterte”.
Samantala, pinag-usapan naman ang naging sagot ng isa sa top 12 candidates na si Bellatrix Tan ng Zamboanga, nang pinakuha sila ng hashtag mula sa isang bowl at magsalita tungkol sa nabunot na issue. Ang napili niya ay #El Nino, La Nina: “El Nino, is what we are facing right now. If we do simple things like planting trees, then we will not experience drought, right? So, if we start now, we will achieve La Nina. Thank you”.