Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Hinaing ng nars sa ibang bansa

02 June 2016

Ni Lorna Pagaduan

Kamakailan ay nagkaroon ng pagpupulong ang mga Pilipinong nars sa Hong Kong, kasama ang ilang natitirang miyembro ng Filipino Nurses Association-Hong Kong (FNA-HK), sa tanggapan ni Labor Attache Jalilo Dela Torre. Karamihan sa mga dumalo ay mga rehistradong nars sa Pilipinas ngunit piniling mamasukan dito bilang kasambahay dahil sa kawalan ng trabahong angkop sa kanilang tinapos na kurso.
Bagamat sila talaga ang pakay ng pagpupulong dahil naaayon ito sa programang “reintegration” ng pamahalaan ng Pilipinas, may ilan ding dumalo na nakatapos ng kursong BS Nursing, nguni’t hindi pa pasado sa eksamin para maging RN o rehistradong nars.
Tinalakay ni Labatt de la Torre and nurse development program o NDP na itinatag sa ilalim ng National Center for Reintegration ng Department of Labor and Employment para himukin ang mga nars na nasa ibang bansa na umuwi na para manilbihan doon.
Binanggit din niya ang mga oportunidad para sa mga nars sa iba’t-ibang bansa katulad ng Australia, New Zealand at Germany.
Marami sa mga rehistradong nars na dumalo ang natuwa sa pagkakataon na makabalik at magamit ang kanilang propesyon, nguni’t may mga agam-agam din dahil sa posibilidad na maaaring hindi sila kuwalipikado base sa ilang panuntunan at kinakailangan sa ospital. Kabilang dito ang karampatang karanasan sa paglilingkod sa isang ospital, at pati na rin ang panuntunan tungkol sa bilang ng pasyente |sa pagamutan kung saan sila namasukan. Nabanggit din ang madalas na hinihinging patunay na nakatapos sila ng kinakailangang seminar para sa pagsasanay bilang nars, bukod pa sa mas mabigat na panuntunan na dapat ay naipasa nila ang ilang pagsusulit bago makapag-aplay.
Sa kabuuan, napagmuni-muni ng mga dumalo na dahil sa higpit ng kumpetisyon sa larangang kanilang pinasok, kinakailangan talaga nilang mamuhunan para sa ikaaangat ng kanilang kaalaman tungkol sa propesyon.
Dahil dito ay napagkasunduan nila na magsagawa ng mga seminar o pagsasanay sa basic life support o BLS, o cardio-pulmonary resuscitation o CPR, at iba pa.
Kanya-kanyang suhestiyon ang mga dumalo base sa kanilang mga karanasan, tungkol sa kung anong tanggapan ang maaring lapitan at kausapin para sa mga pantas-aral at pagsasanay na gaganapin dito sa Hong Kong.
Hiling din nila na sana ay mabigyan ng prayoridad ang mga balik-manggagawang nars na gustong magtrabaho sa mga ospital sa Pilipinas. Nananawagan din sila na alisin ang puwersahan at may bayad na pagboboluntaryo bago makapag-aplay sa mga ospital.
Ang iba naman ay nag-iisip isip na iwan na lang ang pagiging nars at magturo dahil sa binanggit ni Labatt de la Torre na maaari nang magturo sa elementarya at high school ang sinumang nakatapos ng ilang kursong science sa unibersidad, kabilang na ang mga nars.
Ang mangilan-ngilang nakatapos ng BSN bagamat sila’y di pa lisensiyado ay ang pagkakaroon muli ng nurses licensure examination o NLE dito sa Hong Kong. Ito rin ang pangunahing layunin ng FNA-HK, na ilang taon nang tumutulong sa mga nagtapos ng BSN na makapasa sa pagsusulit upang maging ganap nang nars.
Sa pagtatapos ay bumuo ang mga dumalo ng isang “core group” na siyang pansamantalang mangangasiwa sa mga napagkasunduang solusyon sa mga suhestiyon at hinaing na isiniwalat sa pulong.
Nangako naman si Labatt dela Torre na pagtutuunan muna ng panahon ang hinaing at solusyon bago muling magpapatawag ng pagpupulong. Ang mga miyembro naman ng FNA-HK ay nagkasundo na muling paiigtingin ang pangangalap ng lagda para sa hiling na NLE, at magsimula nang maghanda para dito.

----
Ang ating panauhing manunulat sa isyung ito ay isang registered nurse sa Pilipinas ngunit mahigit 18 taon nang naninilbihan sa Hong Kong bilang domestic helper. Nagtapos siya ng BS Nursing sa Pines City Colleges sa Baguio City noong 1995 at naging lisensyadong nars sa parehong taon. Nagtrabaho siya sa Specialist Group Hospital and Trauma Center, bago nagpasyang mangibang bayan. Sa ilalim ng kanyang termino bilang pangulo ng Filipino Nurses Association (FNA)- Hong Kong noong 2009 ay ginanap dito ang kauna-unahang Nurses Licensure Examination o NLE. Sa kanyang ulat, tinalakay niya ang agam-agam ng mga nars sa alok ng pamahalaan na umuwi na sila sa Pilipinas para doon magtrabaho, o samantalahin ang alok ng ilang bansa na punan ang mga trabahong angkop sa kanilang pinag-aralan.- Ed
Don't Miss