Nagising si Tess at ang mga amo niya dahil sa tuloy-tuloy at malakas na tunog ng fire alarm sa kanilang building, dakong alas kuwatro ng umaga. Nagmamadaling binuhat ng among babae si baby at takot na takot na inutusan ang lahat na lumabas at dumaan sa fire exit. Nataranta din ang mga magulang ng amo na kasalukuyang nagbabakasyon sa kanila, dahil hindi mahanap- hanap ng matandang babae ang kanyang bra sa kalituhan. Sinabihan naman ito ng anak na walang problema kung wala siyang bra dahil matanda na siya. Si Tess naman ay inisip na dalhin ang kanyang bag na kinalalagyan ng kanyang mga dokumento, pero nang makita ang amo na walang dala ay dali dali na rin siyang lumabas hawak lang ang kanyang mobile phone. Pagdating nila sa fire exit ay huminto ang alarm kaya huminto din sila. Hinanap ng among babae ang kanyang ina, at nalamang nasa 34th floor na pala ito habang sila ay hindi pa nakakababa. Tinawag nito ang ina para umakyat muli, kasabay ng pagtunog ulit ng alarm, at pagtigil ng lift. Lalong natakot ang among babae at pinagpipilitang bumaba papunta sa tinawag na “refuge” floor. Pagkababa ng isang hagdanan ay naisip bigla na tawagan ang guwardiya. Noon lang nila nalaman na wala namang sunog, at false alarm lang ang nangyari. Sa isip ni Tess, mukha naman talagang walang sunog dahil wala silang narinig na fire trucks, at ang iba pang nakatira sa kanilang floor ay hindi naman naglabasan. Sobra lang kasi ang pagka-nerbyosa ng kanyang amo. Nagtawanan na lang silang lahat nang makita ang kanilang mga suot dahil halatang tumakbo sila palabas mula sa kanilang pagkakatulog. Humingi na paumanhin ang among babae dahil sa pagka-tarantahin nito. Kinabukasan ay kinausap ng kanyang mga amo ang management ng kanilang building na ayusin ang fire alarm para hindi matakot at mainis ang mga nakatira doon. Si Tess ay itong buwan nang naninilbihan sa mga amo sa Tai Wai. – Marites Palma