Di makapaniwalang pinagkatiwalaan ulit
19 June 2016
Nagtataka si Lyn sa isang kababayan na dating OFW sa Hong Kong nang malaman na nakuha ito bilang sekretarya ng kanilang barangay. Alam kasi niya na napatunayang nagkasala sa pagnanakaw ang kababayan at nakulong sa Hong Kong ng ilang buwan dahil dito. Tanong niya sa sarili, wala na bang ibang karapat-dapat na maging sekretarya ng kanilang barangay? Bakit iyon pang nakulong sa salang pagnanakaw ang itinalaga sa pwesto? Hindi ba daw isinasaalang-alang ang record ng isang magiging opisyal? Lalong nainis si Lyn nang marinig niya na sinabi ng sekretarya minsan na ang hawak-hawak nitong Php10,000 mula sa pondo ng barangay ay nawala sa isang kasalan na kanyang dinaluhan. Sabi ni Lyn, kahit ngayon pala ay magaling pa rin ang dating OFW pagdating sa pera. Nag-iisip siya ngayon kung ano ang dapat niyang gawin para matanggal sa pwesto ang di mapagkakatiwalaang kababayan. Pero alam niyang mahirap dahil kilala din sa kanilang barangay ang mga magulang ng naturang OFW. Si Lyn ay naninilbihan ngayon sa New Territories. – Marites Palma