Demanding
01 June 2016
Nakatanggap si Kathy ng tawag minsan sa isang Pilipinang DH na inilapit ng dating kakilala sa Hong Kong na nasa ibang bansa na. Ayon sa tumawag, gusto na daw nitong umalis sa amo na pinagsilbihan niya ng isang buwan pa lang. Nang tanungin ni Kathy kung bakit ay isang mahabang litanya ang pinakawalan ng kausap, sa tonong nanghihihingi ng awa. Unang una sa mga reklamo nito ay ang pag-uwi daw ng amo ng hatinggabi mula sa trabaho. Napupuyat daw lagi ang Pilipina dahil siya ang nagbabantay sa bagong silang na sanggol ng amo. Nang tanungin ni Kathy kung anong oras siya gumigising kinabukasan ay sumagot ito ng alas sais, sabay litanya ulit ng mga pinagdadaanan nitong hirap. Ayon pa sa Pilipina, nagkabukol siya sa likod dahil sa pagkarga-karga sa alagang sanggol. Nang sabihin ni Kathy na malabong ang pagkarga sa bata ang dahilan ng kanyang bukol sa likod, lalo na at isang buwan pa lang siya sa mga amo ay agad itong sumagot na "fit to work" naman daw ang sinabi sa kanyang medical certificate bago siya umalis para magtrabaho sa ibang bansa. Marami pang reklamo ang Pilipina na hindi umani ng simpatiya kay Kathy, dahil pawang mababaw ang dahilan, katulad ng maiingay diumano ang dalawa pang anak ng amo na 12 at 16 taong gulang. Aminado naman ang kausap na napakabait ng mga amo, at tinapat siya na malaking halaga ang ibinayad sa agency para lang makuha siya. Walang tigil din ang mag-asawa sa pagtatrabaho para masuportahan ang pangangailangan ng tatlong anak. Sa kabila nito ay handa pa rin daw ang mga amo na pakawalan si Kathy basta magbigay siya ng pasabi. Payag din ang mag-asawa na patingnan siya sa doktor dahil sa inirereklamo niyang bukol sa likod. Hindi na nakatiis si Kathy sa pagsasabi na parang hindi handa ang kausap na manilbihan sa Hong Kong. Agad naman itong umamin na parang ganoon na nga, kaya pati ang ina nito ay nagsabi na umuwi na lang siya sa Pilipinas. Ang problema ng Pilipina ay dinala daw siya ng kanyang agency sa isang pautangan, at pinapirma para sa $10,000 na utang. Ang $ $8,500 ay kinaltas para daw sa kanyang placement fee, at ang $1,500 ay ibinigay sa kanya para panggastos. Sinabihan na lang ni Kathy ang kausap na pumunta sa Philippine Overseas Labor Office para magpatulong na mabura ang kanyang utang at baka kahit nakauwi na siya sa Pilipinas ay ipahabol pa rin siya sa kolektor doon. -- DCLM