Pagtulong sa kapwa ang nag-udyok sa isang grupo ng 12 OFW na nagtapos ng dalawang taong kurso na associate in information technology sa isang paaralan sa Hong Kong na tumalima sa kahilingan na mamahagi ng kaalaman tungkol sa pagkuha ng overseas employment certificate o OEC, gamit ang internet.
Laging laman kasi ng mga balita ang walang katapusang problema na dulot ng patakaran na kailangang kumuha ng OEC ang mga OFW na magbabakasyon sa Pilipinas para sila makabalik sa trabaho. Ang resulta, kapag dagsa ang gustong umuwi sa mga panahong katulad ng Mahal na Araw, pagtatapos sa eskwela o Pasko, inaabot ng maghapon ang pagpila para sa kapiranggot na papel na nagkakahalaga ng $20.
Isang paraan para maiwasan ang pilahan ay ang pagrehistro sa Balik Manggagawa Online (o BM Online), kung saan ipapasok ang mga personal na detalye ng isang manggagawa para makakuha siya ng OEC. Kapag tagumpay ang pag-re-rehistro ay maari na siyang magbayad sa ilang itinalagang bangko para makuha ang dokumento na gagamitin niya para makaalis ng bansa at malibre sa pagbabayad ng buwis at iba pang bayarin sa paliparan.
Ngunit dahil sa ilang mga problemang lumitaw sa pagrehistro sa BM Online, bukod pa sa hindi lahat ng OFW ay maalam sa paggamit ng computer, marami ang patuloy na nagtitiyaga na pumila para dito.
Si assistant labor attache Henry Tianero na itinalaga bilang tagapamahala ng BM Online ang gumawa ng paraan para mahikayat ang grupong ito na tumulong sa pagpapaliwanag ng mga benepisyo ng paggamit ng internet para umiwas sa pila.
Unang sumabak sa boluntaryong pag-aayuda ang grupo noong Marso 27. Ang bilin sa kanila ay tulugan ang kanilang mga kapwa OFW na maintindihan ang kahalaga-han ng pagre-rehistro sa BM Online, at pati ang paggamit ng computer kung hindi pa nila ito alam. Tumutulong din ang grupo na makagawa ng email account ang aplikante para makarehistro.
Katulad din ng ginawa nilang pagsisikap upang makapagtapos ng kurso habang naninilbihan bilang kasambahay sa Hong Kong, naninilbihan ang grupo sa mga kapwa OFW tuwing Linggo.
Ayon sa kanila, madalas silang napapaharap sa mga taong mainipin, masusungit, lubhang seryoso o maproblema at mahirap umintindi sa paliwanag, bagamat mayroon din na malawak ang pag-iisip at hindi lubos ang pasasalamat sa kanilang pagtulong.
Pilit na lang daw silang nagtitimpi kapag napapasabak sa mga problemadong OFW. Todo ngiti pa rin sila at mahinahong nakikipag-usap at nagpapaliwanag sa kung ano ang dapat gawin ng mga aplikante para sa susunod na pagkuha nila ng OEC.
May mga pagkakataong napapahiya daw sila dahil tinitingnan sila mula ulo hanggang paa ng isang aplikante, pero ngiti lamang ang pwede nilang isukli sa mga matatalim na tingin sa kanila. Kung kakayanin ay dinadaan na lamang nila sa biruan ang usapan para nila makuha ang loob ng kanilang tinutulungan. Hindi daw sila pwedeng magtaray dahil pangalan ng gobyerno ang masisira kapag nagkataon.
Sa kabila ng hindi magandang karanasan na inaabot nila ay pasalamat pa rin ang grupo dahil marami daw silang natututunan sa tamang pakikisalamuha sa ibang tao, katulad ng paano kontrolin ang sarili. Natutuwa din sila dahil kahit sa isang maliit na paraan ay nakatulong silang maibsan ang dagdag problema sa mga kapwa nila OFW.
Ayon kay Jeistela Coñaliza na isa sa mga volunteer, ang ganitong pananaw ang nakakatulong ng malaki upang tumatag ang kanilang adhikain na patuloy na magsilbi. Gaano man kahirap ang kanilang nararanasan tuwing Linggo ay masaya pa rin daw sila at inspirado dahil alam nilang sa maliit na paraan ay nakakatulong silang mapagaan ang dinadala ng kanilang kapwa OFW.
Katuwang din nila sa pagtulong ang iba pang grupo ng Pilipino na pinakiusapan naman ng bagong labor attache Jalilo de la Torre na tumulong din para maibsan ang problema tungkol sa pilahan para sa OEC.
Kabilang sa kanila ang Global Alliance na pinangungunahan ni Leo Selomenio, na nakatokang mamigay ng mga application form sa mga aplikante na pumupunta sa shop ng Smart sa Worldwide Plaza tuwing araw ng Sabado, kung kailan sarado ang POLO.
May iba pang grupo na umaayuda naman sa mga nagpupunta sa Metrobank sa Admiralty at iba pang lugar sa labas ng POLO na napakiusapan din ni Labatt de la Torre na tumulong.
Bagamat nabawasan ng malaki ang bilang ng mga pumupunta sa POLO para kumuha ng OEC dahil sa mga pamamaraang ito, ang tunay na hamon ay makikita sa darating na buwan, kapag dumagsa muli ang gustong umuwi sa Pilipinas. Muling masasabak ang BM Online volunteers at iba pang grupo na tumutulong para tugunan ang matagal nang problemang dulot ng OEC.
Ngunit para sa mga nakararaming OFW, ang tunay na solusyon ay wala sa pag-aayos ng pila o pagkumbinsi sa marami na mag-online sa pagkuha ng OEC. Ang kalutasan ay nasa pagtanggal na nang tuluyan sa kapirasong papel na ito, na hindi lang kalabisan na patunay, kundi nagdudulot pa ng dagdag na sakit ng ulo at bayarin sa mga OFW.