Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bawal kumuha ng pasaporte ng iba

19 June 2016

Ni Vir B. Lumicao

Kapag kinumpiska ng iyong amo o ahensiya ang iyong pasaporte sa kadahilanang ito umano ay pangalagaan nila, huwag mag-atubiling magsuplong sa mga maykapangyarihan. Ang pagsamsam at pagtatago sa pasaporte ng ibang tao ay mahigpit na ipinagbabawal sa Hong Kong.
Dahil sa ginawang ito, nahaharap ngayon sa sakdal na pagnanakaw ang mag-asawang amo ng dalawang Pilipinang katulong na dumating sa Hong Kong noon lang Abril 28.
Ang kaso ay napakamahalaga dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na kinasuhan ang mga amo dahil sa pagsamsam sa pasaporte ng kanilang kasambahay.
Ayon sa patakaran ng Hong Kong, walang karapatan ang ibang tao na samsamin at itago ang pasaporte ng ibang tao. Ayon sa mga gabay na ipinapalabas ng gobyerno sa mga dayuhang katulong, itawag sa pulisya o sa Immigration Department kapag kinuha ng ibang tao ang iyong pasaporte.
Ipinagbawal ng pamahalaan ng Hong Kong mula pa noong Dekada 90 ang nakagawian ng mga institusyon at mga taong nagpapautang na hawakan ang pasaporte o kontrata ng isang nangungutang upang hindi nito matakasan ang kanyang pagkakautang.
Natatandaan namin na noong hindi pa ibinawal ang ganyang kalakaran ay maraming katulong ang hindi nakakauwi o nakakapag-ayos ng kanilang mga visa dahil wala sa kanilang pag-iingat ang kanilang mga pasaporte.
Nauso kasi noong panahong iyon ang pagsasangla o pagpiprenda ng mga dayuhang katulong ng kanilang mga pasaporte kapag mayroon silang biglaang pangangailangan ng pera. Hanggang ngayon ay nangyayari ang pagtatago ng dayuhan sa Hong Kong kahit lipas na ang kanyang visa, dahil ang kanyang pasaporte at hawak ng pinagkakautangan.
Ang masaklap ay ginagawa rin ng mga amo at mga ahensiya sa empleo ang ganitong kalakaran upang mapilitang manatili sa amo o magbayad ng illegal na singilin sa ahensiya ang isang dayuhang katulong.
Ilan nang mga ganitong paglabag sa batas ang idinaing sa amin ng mga kasambahay na pinagmalupitan o di-makatarungang sinisante ng kanilang mga amo.
Kadalasang idinadahilan ng mga amo o ahensiya na may nilagdaang kasulatan ang mga nagreklamong katulong na diumano ay pinahahawakan nila ang kanilang mga pasaporte upang hindi sila matuksong mangutang. Ngunit itinatatwa ito ng mga katulong, at hindi din naman ito maaring gamitin na dahilan para kunin ang pasaporte                                             nila.
Ayon sa mga nabalitaan namin, hindi iisa o dadalawang amo o ahensiya ang nagsasamsam ng mga pasaporte ng mga katulong kundi marami sila – isang pahiwatig na malawakan ang maling kalakarang ito.
Samakatwid, ang pagsasampa ng kasong pagnanakaw sa mga amo ng dalawang katulong na iniligtas ng mga opisyal ng Konsulado noong Hunyo 8 sa Fotan, Shatin, ay isang babala sa mga amo at ahensiyang kumukumpiska sa pasaporte ng mga kasambahay.
Isa ring magandang ehemplo ito sa mga dayuhang kasambahay dito sa Hong Kong na sana ay mag-udyok sa kanila para kumilos at magsuplong sa mga awtoridad kapag inaabuso ng amo o ahensiya ang karapatan nila, kahit pa nakataya ang kanilang trabaho.
Aabangan namin ang kahihinatnan ng kasong ito dahil humigit-kumulang sa 350,000 dayuhang kasambahay ang maaapektuhan ng magiging resulta nito.

Don't Miss