Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Awat na, katribo!

02 June 2016

Unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay natin, matapos ang mahabang panahong pinainit ang ulo natin ng away-politika. Siyempre, mayroon  pa ring nagkikimkim ng sama ng loob dahil natalo o napagsabihan ng hindi maganda tungkol sa napiling kandidato.
Para sa mga hindi pa nag-move on, ito ang payo namin: awat na. Hindi na mag-iiba ang resulta kahit maglupasay ka pa. At kahit magmukmok ka sa lungga mo, iinog ang mundo nang wala ka. Darating ang day-off mo at magkikita-kita ang mga kaibigan mo; e ano kung hindi ka sumipot? Tuloy pa rin ang ligaya nila. At siguro, ikaw pa ang pinagtsi-tsimisan nila.
Sa halalan pinipili ng mga mamamayan ang gusto nilang maging pinuno. Ang Saligang Batas ng 1987 ay pumapayag sa paglalaban-laban ng maraming kandidato sa isang posisyon, at ang makakuha ng pinakamaraming boto ay siyang panalo at iluluklok sa posisyon kahit kapos sa kalahati ng mga boto ang kanyang nakuha.
Gaya ng nanalong pangulo na si Rodrigo Duterte. Kahit higit lang sa 39% ang nakuha niyang boto — na ang ibig sabihin ay higit 60% ang hindi siya ibinoto—may karapatan siyang pumalit sa papaalis nang pangulo na si Benigno S. Aquino III dahil ito ang itinakda ng batas.
At tayong mga mamamayan ay dapat irespeto ito at magkaisa sa likod ng bagong pangulo. Panahon nang magbuklod ulit, dahil ang patuloy na awayan ay sisira lang sa ating bayan. Bilang OFW, lalo nating kailangang magkaisa dahil walang ibang tutulong sa atin kundi kapwa natin Pilipino.
Ang dapat na hindi mawala sa atin ay ang pagiging mapanuri sa nangyayari sa ating bansa. Halimbawa, nangako ang magiging presidente na tatapusin niya ang problema sa droga at krimen sa loob ng anim na buwan. Sa darating na Disyembre, o anim na buwan matapos siyang manumpa, ungkatin kung nagawa ba ito.
At base sa tamang pagtingin sa katotohanan, malalaman natin kung dapat bang ang mga kasamahan niya sa partido ay manatili sa puwesto kapag hihingin ulit nila ang ating boto.
Ang pundasyon ng matatag at progresibong bayan ay mga mamamayang pumipili ng lider batay sa pagtanaw ng kanilang tunay na halaga.
Don't Miss