Noong nakaraang eleksyon na ginanap sa Bayanihan Center, tuwing Linggo ay napakahaba ng pila ng mga botanteng OFW. Ang mga volunteer ang siyang namamahala ng kaayusan sa pilahan at pagbibigay ng kaalaman kung paano magiging maayos ang proseso sa pagboto. Isa si Delia sa mga volunteer na nakatoka sa may pintuan ng Bayanihan. Buong araw siyang matiyagang nanatili sa kanyang puwesto. Isang araw ng Linggo noon nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Isang lalaki ang nasa pilahan na walang dalang payong ang nababasa na at napansin iyon ni Delia. Agad naman niyang pinahiram ng kanyang payong sa lalaki at sinabing “Kuya pakibalik na lang sa akin ang payong ko pagkatapos mong bumoto.” Nangako naman ang Pinoy na kausap niya na ibabalik sa kanya ang kanyang payong. Lumipas na ang maghapon ngunit walang nagbalik ng payong ni Delia. Hangga’t nakalipas na muli ang isang linggo ngunit tila wala na siyang aasahan pang magbalik ng kanyang payong. Bukod sa panghihinayang dahil ang payong na iyon ay paborito ni Delia, tila madadala na raw siyang magmagandang loob sa susunod dahil sa karanasan niyang ito. Nakakadala raw minsan na tumulong ka na sa iba, hindi na nga nagpasalamat, tinangay pa ang gamit mo. Sagot naman ng kaibigan ni Delia, hayaan na raw at ituring na lang niyang isang remembrance kay Kuya ang hiniram na kanyang payong. Nais nga sana niyang manawagan dito sa The SUN upang ipaabot sa kababayang Pinoy na isauli ang kanyang payong. –Jo Campos