Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tapos na ang halalan, ibalik na rin sa dati ang buhay

14 May 2016

Natapos na ang halalan na maitatala sa kasaysayan bilang sanhi ng hidwaan sa mismong mga tahanan, sa magkakamag-anak, sa mga opisina o samahan, at sa pagitan ng mga magkakaibigan.
Kapag napawi na ang usok at ingay ng labanang pulitika at na humupa ang tensiyon, kapag malinaw na kung sino ang nanalo sa eleksiyon, sana ay bumalik na rin sa normal ang buhay ng mga mamamayang Pilipino.
Nakilala ang Pilipinas bilang isang bansang may pinakamahabang panahon ng pangangampanya sa eleksiyon dahil nakaugalian na ng mga pulitiko natin ang maagang paghahanda para sa susunod na halalan.
Sa unang araw pa lamang ng pag-upo ng isang nahalal na opisyal ay nagkakaroon na siya ng pakikipag-iringan sa nakalabang pulitiko. Nasaksaksihan na natin ang mga pangyayaring kapag umupo na sa puwesto ang nahalal ay uumpisahan na niyang singilin ang mga nagkaatraso sa kaniya.
Nakita na rin natin ang mga pangyayaring ang mga natalong opisyal ay ayaw bumaba sa puwesto at pilit na kumakapit doon, at nakahandang gumamit ng dahas upang huwag lang mapaalis.
Ibinunga ng ganitong kaugalian ang pagkakabaon ng ating kabuhayan sa lubak ng pulitika hanggang sa ang mga proyekto para sa pagpapaunlad ng ating kabuhayan ay nabibinbin at inaabutan ng susunod na halalan.
Mabuti sana kung kakaunting halaga ng pera ang nagugugol ng bansa tuwing may halalan. Sa katatapos lang na halalan, tinatayang umabot sa P10 bilyon ang nagastos ng Commission on Elections sa pagdaos ng halalan 2016, samantalang ang mga pulitikong tumakbo para sa iba’t ibang mga puwesto ay tinatayang gumugol ng humigit-kumulang sa P25 bilyon.
Hindi lamang malaking halaga ng pera ang nagugugol sa halalan. Batay sa ating karanasan, ang mga araw na ito ang pinakamainit na bahagi ng halalan dahil binibilang pa ang mga boto sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Ang ibig sabihin ay mainit pa ang ulo ng mga tao, pulitiko man o tagasuporta.
Madalas nagaganap ang patayang kaugnay ng eleksiyon sa mga panahong ito. Kadalasang nagaganap ang karahasang may kinalaman sa halalan, hindi lamang sa pagitan ng mga tauhan ng mga pulitiko kundi maging sa mga pangkaraniwang mamamayan na nagkataon lang na magkaiba ang ibinoto.
Sa ating mga nasa Hong Kong, kailangan sigurong gayahin natin ang mga tagarito. Kapag tapos na ang eleksiyon, linisin ang kalat, ayusin ang gusot, at ituon ang pansin sa pagpapaunlad sa ating mga sarili.
Kailangang mag-isip-isip at magpakahinahon tayo, nanalo man o natalo ang ating kandidato. Kalimutan natin ang malalim na hidwaan sa ating lipunan na nangyari bago dumating ang mismong halalan, at balikan natin ang dati nating buhay.
Pagkatapos ng salungatan ng mga pananaw ukol sa mga kumandidatong pulitiko, balikan natin ang nagkalamat na pagkakaibigan at sikaping ibalik ito sa ayos.
Sa bandang huli, magkakatulad lang naman tayo na mga Pilipinong naghahanap-buhay sa ibang bansa. At higit sa lahat, huwag nating kaligtaang kalampagin ang mga pulitiko tungkol sa mga dapat nilang gawin para sa kapakanan nating mga OFW. -- Vir B. Lumicao

Don't Miss