Naiinis ang mga kasambahay na nakakausap ni Nona sa playground tuwing nakikipaglaro ang kanyang alaga sa mga ibang bata doon dahil tanong siya ng tanong. Noong una ay sinasagot pa siya ng maayos tuwing nagtatanong siya dahil baguhan pa lang siya sa Hong Kong, pero noong bandang huli ay hindi na siya masyadong pinapansin. Pare-pareho naman kasi ang tinatanong niya sa mga kausap kaya madali silang nagsawa sa kakasagot. Sobrang katangahan naman daw nito dahil parang hindi naiintindihan ang mga paliwanag sa kanya, o kaya ay ayaw niyang paniwalaan. Nung minsan ay nainis lalo sa kanya ang isang kausap dahil nagtanong siya kung sino si Leni Robredo, ang kandidato ng administrasyon sa pagka bise presidente ng Pilipinas. Medyo napahiya siya sa sinabi ng kausap na bakit hindi niya ito kilala eh ilang buwan pa lamang siya dito sa Hong Kong. Naawa naman ang iba sa kanya dahil parang walang naiiwan sa utak niya sa mga sinasabi nila sa kanya. Pumapasok sa kaliwang tenga at lumalabas din sa kabila. Nagtataka din sila kung paano siya natatagalan ng kanyang amo dahil parang wala siyang kaalam-alam. Si Nona ay tubong Visayas, may mga anak at asawang naiwan sa Pilipinas. – Marites Palma