Nagkalayo dahil sa away pulitika
14 May 2016
Matagal nang magkaibigan sina Jay at Harold. Labing limang taon na halos silang magkaibigan at “bestie” ang kanilang tawagan. Dito sila nagkakilala sa Hong Kong, at kahit pumunta na si Harold sa France upang makasama ang nobya na ngayon ay asawa na niya, ay hindi nawala ang kanilang komunikasyon. Naging ninang pa si Jay ng anak ni Harold at wala silang naging tampuhan minsan man. Nitong nakaraang eleksyon, nabago ang pagkakaibigan nila dahil sa magkasalungat na paniniwala. Pareho silang aktibo sa kanilang mga kandidato at madalas magpalitan ng kuro-kuro at pananaw sa Facebook. Ito ang naging ugat ng kanilang samaan ng loob. Naging masyadong personal ang kanilang palitan ng mga salita at kahit ang iba nilang mga kaibigan ay nabahala na rin. Para kay Jay, hindi naman niya pinepersonal ang mga palitan nila ng salita dahil labas iyon sa kanilang pagkakaibigan. Hindi niya ito sinasabi kay Harold dahil iniiwasan din niyang mabuksan ang paksa at marahil ay ayaw din niyang malaman na may sama ng loob sa kanya ang kaibigan. Halata niya kasing pinersonal ng kaibigan ang pinahuling comment niya sa isang post nito dahil agad itong binura. Naghihintayan ngayon ang magkaibigan na humupa na muna ang isyu para subukang manumbalik ang kanilang pagkakaibigan. Sabi nga ng mga kaibigan nila, hindi naman daw ito malaking bagay para masira ang kanilang pagkakaibigan. Mismong si Jay ay umaasa na sana ay hindi maging hadlang ang kanilang magkaibang pananaw sa pulitika para masira ang pagkakaibigan nila ni Harold na itinuturing niya na isang nakakabatang kapatid, -Jo Campos