Alalang-alala si Gal nang makita ang text ng isang kakilala sa kanya kamakailan. Humihingi pala ito ng tulong sa kanya bandang alas dos ng madaling araw, ilang oras bago niya makita ang text, dahil pinapulis daw ito ng among taga Repulse Bay matapos pagbintangang nagnakaw ng tsinelas at isang lumang pouch. Hindi na ma-contact ni Gal ang kaibigan kaya naisip niyang tuluyan na itong kinulong. Humingi na lang siya ng payo kung paano niya makakausap ang kaibigan, at mabigyan ng tulong sa abot ng kanyang makakaya. Ang isa sa kanyang nilapitan ay nagsabing dapat na ipaalam sa Konsulado ang kaso, pero kung gusto niyang malaman agad ang kundisyon ng kaibigan ay kailangan niyang maibigay ang tunay nitong pangalan. Hindi naman nagtagal ay nakuha na niya ang buong pangalan ng kaibigan mula sa ilang mga kakilala, ngunit ganoon na lang ang kanyang pagkabigla nang malaman na natatawagan na itong muli. Pinayagan pala itong magpiyansa ng mga pulis habang iniimbestigahan ang kanyang kaso. Bagamat malaki ang pag-asa na ibasura na ng pulis ang kaso, nag-aalala pa rin si Gal sa kaibigan dahil nawalan ito ng trabaho matapos lang ang dalawang buwan, at ngayon ay iniimbestigahan pa dahil sa maling bintang. Ayon sa report ng pulis, nakuha mula sa kanyang kaibigan ang dalawang pares ng hindi kamahalang tsinelas, isang gamit na pouch na pinulot nito matapos itapon ng amo, at dalawang gunting na ipinatago sa kanyang kuwarto. Umaasa si Gal na maibasura na nang tuluyan ang kaso ng kaibigan para makapagtrabaho na itong muli. Si Gal isang dalagang taga Davao at mahigit 10 taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong. -- DCLM