Ang pinakahuling bunmoto: the last one was this woman, is Rhaezcy Dulnuan. |
Parang naghahabulang pusa’t daga paakyat at pababa sa tatlong palapag ng botohan sa Bayanihan Centre ang paghahanap namin sa pinakahuling botante noong Mayo 9.
Sa mga huling sandali ng botohan ay may ilang dumating na humahangos na hinabol namin paakyat. Patuloy naman ang hiyawan sa ibaba para sa mga paparating pa na inuudyukan ng mga tao para magmadali at nang makakahabol pa. Humigit-kumulang sila sa 10 katao.
Pinakahuli sa dumating para bumoto si Rhaezcy Dulnuan, 27, isang taga-Baguio. Matapos mahanap sa listahan ng Comelec ang kanyang pangalan ay ibinigay sa kanya ang kanyang precinct coupon: SBEI 06, Room 502.
Agad namin siyang sinundan sa pagboto upang makunan siya ng larawan sa aktong pagboto.
Bagamat ibinigay niya ang kanyang pangalan, naging matipid siya sa pagsagot sa tanong.
Bago siya dumating, may hinabol kaming isang lalaki na sa pag-aakala naming siya na ang pinakahuling botante.
May sinundan din kaming tatlong volunteer ng Bayanihan na nagpahuli, pero di sinuwerte.
Ang huling grupo na dumating ay panay babae, kasama si Dulnuan.
Isang residenteng matipuno ang katawan ang pinakahuling lumapit sa secretariat para kumuha ng verification slip para sa kanyang presinto, nguni’t inamin din niya na nakaboto na siya.
Ayon kay J. de Luna, alam na niya kung saang presinto siya dapat, at itinaon niya ng eksaktong alas singko ang pagpasok ng kanyang balota sa vote counting machine, dahil sa pag-aakalang iyon ang takda na siya ang pinakahuling botante.
Ang hindi niya alam, ang itinakdang pagtatapos ay para lang sa pagsasara ng gate ng Bayanihan, kaya ang lahat na nakaabot doon bago sa takdang oras ay pinayagan pa ring umakyat para bumoto.
Gayunman, ang pinakahuli, kung tutuusin, ay ang tatlong babae at isang lalaki na dumating noong bago mag-alas-6 ng gabi. Dahil sarado na ang gate sa harap ay doon sila pumanhik sa hagdanang batong papalabas sa Bayanihan, at agad na lumapit sa mga taga Konsulado.
Galit sila dahil alas-7 raw ang nakalagay sa Facebook post ng Konsulado kaya dumating sila nang malapit nang mag-alas-6. Ang dalawang babae ay mga kasambahay, isang taga-Causeway Bay at isang taga-Mid Levels. Noon lang daw sila nakaalis dahil inuna muna ang trabaho.
Ang isa ay isang negosyante na 22 taon na daw sa Hong Kong. Hindi rin umano ito nakaalis agad sa trabaho sa Tsimshatsui. Ang kasabay niyang lalaki ay hindi na lang kumibo.
“Kung sinabi lang dito 3pm, e di 3pm, no problem,” sabi ni Nora Alconaba, ang negosyante, na noon lang daw nabigo na bumoto,
Naasar din si Met Tuico, isa sa mga kasambahay, at 1990 pa dumating sa Hong Kong. “Hindi naman kami basta-basta nakakaalis dahil may amo kami,” sabi niya.
Sinikap ipaliwanag ni Vice Consul Fatima Quintin na Abril 12 pa inilagay ng Konsulado sa Facebook ang binagong oras ng pagtatapos, ngunit hndi sila napahinuhod.
Humingi naman ng paumanhin si Consul Charles Macaspac dahil nakatanggap umano siya sa Comelec ng mensahe na puwedeng patagalin hanggang alas-6 ang pagboto, ngunit nang matanggap iyon ay alas-5:38 na ng hapon, at dahil wala nang dumarating ay pinasara na nila ang mga presinto.