Minabuti niyang magtrabaho agad, kahit hindi na niya alam kung ano ang dapat unahing gawin. Agad niyang binitawan ang hawak na mobile phone at itinago ang computer para mapagtuunan niya ng pansin ang trabaho. Sa dami ng gagawin ay inabot siya ng hatinggabi sa pagtatrabaho nguni’t hindi pa rin niya natapos lahat. Minabuti niyang gumising na lang ng maaga para matapos ang mga dapat niyang asikasuhin.
Sising sisi din siya dahil hindi muna siya naglinis bago inasikaso ang hilig niya. Pagdating ng mga amo ay laking taka ng mga ito dahil sa nakita nilang hitsura niya. Nagdahilan na lamang siya na masakit ang puson dahil sa buwanang dalaw, kaya hindi siya nakatulog ng maayos. Dahil sa nangyari ay ipinangako niya sa sarili na uunahin na niya ang paglilinis bago harapin ang mga kaibigan sa facebook. Si Vangie ay isang Ilokana at kasalukuyang naninilbihan sa mga among Briton sa Tai Wai. – Marites Palma
Tinakot
Ganoon na lang ang gulat ng magkakasamang sina Tina, Cely at Ria nang bigla na lang silang lapitan ng isang taga-suporta ng kalaban ng kanilang napupusuang kandidato at pilit tinakot. Kasalukuyan silang naglalakad sa Central noon, suot ang kulay ng kanilang kandidato, nang bigla siyang lapitan ng isang babaeng pasaway at pasinghal na tinanong kung bakit ganoon ang kanilang suot na pang-itaas. Pilit ding idinudutdot sa mukha niya ang T-shirt ng kanilang kandidato. Bagamat nagulat ay nakuha pa rin nilang lumayo na lang. Sa kanilang tatlo, si Cely ang lubos na nagulat at nagalit sa nangyari. Unang beses kasing nangyari sa kanya ang ganoong pananakot ng harapan kaya hindi niya napigilang maghimutok. Ayon sa kanya, isa lang siyang ordinaryong OFW at ina na naninindigan sa kanyang paniniwala para sa kinabukasan ng kanyang mga anak. Bakit daw nagagawa ng kanyang mga kapwa Pilipino ang gumawa ng ganoong kabastusan ng dahil lang sa pulitika? Wala daw ba silang natutunan na kabutihang asal at nakakagagawa nila ang ganoon sa publiko? Dahil sa nangyari, lalo lang napagtibay ni Cely sa sarili na tama ang kanyang piniling kandidato. Lubos ang panalangin niya na ito ang manalo para sa katiwasayan ng kanyang kalooban. Si Cely ay taga Iligan at may tatlong anak na mag-isang sinusuportahan.