Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tanim na galit

29 April 2016

Hindi pa natatapos ang botohan ay mayroon na kaming nakikitang resulta. Hindi ito resulta ng balota, na sa Mayo 9 pa bibilangin, kundi resulta ng botohang ito sa mga magkakaibigan. Ayon sa mga nakausap na namin, naging karaniwan na ang pagka-kaibigan sa Hong Kong na nasira ng away-pulitika.
Hindi natin masisisi ang mga nanlamig o nagtanim ng galit sa isa’t isa. Marami kasi sa kanilang mga dating kaibigan ang bigla na lang naging palaban kung hindi sila makumbinsi na si ganitong kandidato ang kanilang iboto. Ang mga dating palabati ay naging masungit. Ang mga dating magkakampi ay naging magkalaban.
Karaniwan na sa mga magkakaibigan ang asaran, kantiyawan at iba pa. May nag-aaway din pero nagbabalik-bati naman. Kung ganito ang pagkakaibigan nila, bakit sa panahon ng halalalang ito ay naging mas malalim ang sugat na kanilang iniwan? Dahil ba hindi na naging pabiro ang mga asaran, kundi insulto na? Dahil ba mas masasakit ang mga salitang binitawan sa isa’t isa?
Ewan kung saan galing ang ugaling ito. Ito ba ay turo sa kanila ng kanilang lider? Ito ba ay kailangan nilang ipakita upang matanggap sila sa kanilang grupo? O ito ba ay talaga lang nakabaon na sa kultura nating mga Pilipino?
Hindi kasi natin maitatanggi na sa kasaysayan ng Pilipinas, pulitika ang naging sanhi ng maraming maiinit na bakbakan hindi lang ng pananalita kundi ng mga armas. Libo libo na ang namatay dahil lang sa away-pulitika. Karamihan, maliliit na tao ang biktima. Pero mayroon ding mga naging biktima ng mga sakim sa kapangyarihan, at kilala natin bilang bayani, gaya ni Andres Bonifacio at Heneral Luna.
Sa paglipas ng panahon, ang pinagbuwisan nila ng buhay ay nakakalimutan ng sumunod na mga henerasyon, lalo na ng mga madaling nasilaw sa mga magagandang salita, pangako, slogan, at pabida ng mga kandidato.
Ang masakit nito, mahirap nang  maibalik  ang mga relasyong asira ng  away-halalan. At ang mas masakit pa, ni hindi alam ng ating mga ipinaglaban noon ang ating pinagdaanan.
Kesehodang ngumawa ka ngayon—hindi ka maririnig ng mga gumamit sa iyo bilang hagdan tungo sa kani-kanilang ambisyon.

Don't Miss