Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tamis ng chocolate cake, pait sa OFW

14 April 2016

Sa pakikipag-usap namin sa isang kasambahay na natanggal sa trabaho kamakailan ay nakita namin ang tahasang pagsasamantala at pagpiga ng mga recruitment agency sa Hong Kong at sa Maynila sa mga katulong hanggang sa kahuli-hulihan nilang pera.
At nalaman naming sa pagdulog ng kasambahay sa Philippine Overseas Labor Office sa Konsulado ay mas magiliw pa ang mga opisyal ng POLO sa mga ahensiyang pumiga sa katulong.
Ang naging biktima sa halatang kutsabahan ay si Dexter Vargas, na pinababa ng kanyang amo noong Dis 14. Maayos daw ang usapan nilang mag-amo dahil naitindihan naman daw niya ang paliwanag ng huli na "financially incapacitated" ang pamilya kaya kinakailangang tapusin nang wala sa panahon ang kanyang kontrata.
Nangako pa umano ang amo na bigyan siya ng magandang release letter upang madali siyang makakuha ng bagong employer. Ngunit taliwas sa inaasahan niya ang sumalubong pagdating niya sa ahensiya, dahil isinumbong pala ng amo na siya umano ay "dishonest" at pinaratangan ng "stealing".
Nagtataka kami sa lakas ng loob ng ahensiya na lumabag sa batas laban sa paniningil  ng labis sa mga kasambahay.
Batay sa salaysay ni Dexter, pagdating na pagdating pa lang ni Dexter sa Hong Kong ay dinala na siya ng ahensiya sa isang lending company para mangutang ng $11,000, ngunit ni isang kusing ay walang napunta sa kanya. Kinuha diumano ng ahensiya ang $9,000 at ang $2,000 ay ipinadala nito sa mga magulang ng Pilipina. Ayon sa kasunduan na pinapirmahan kay Dexter, may patong agad na $1,672 ang pera sa loob ng anim na buwang termino.
Tatlong beses pa lang nakakapaghulog si Dexter ng mahigit tig-$2,000 sa utang nang siya'y nasisante. Tumangging magbayad ng kahit magkano ang kanyang amo.
Sa ganoong sitwasyon ay kanino pa dudulog ang katulong kundi sa POLO, ngunit wala ring nagawang tulong si Acting Labor Attache Ma Nena German. Sa paghaharap nina Dexter at ng opisyal ng ahensiya sa tanggapan ni German ay inamin umano ng ahente na kinuha nito ang $9,000 sa utang ng Pilipina bilang agency fee.
Sa kabila nito ay hindi sinita ni German ang ahensya sa pagpapautang nito sa Pilipina, na labag sa batas ng Pilipinas at Hong Kong, kundi ay inutusan ito na bayaran na lang ang natitirang utang sa financing company.
"O ayan, quits na kayo, bayad na ang utang mo," sabi raw ni German.
Pinayuhan daw nito si Dexter na doon na lang habulin ang $4,000 sa ATD Employment & Training Center, ang ahensiyang nagpaalis sa kanya sa Maynila, pero hindi siya binigyan ng kahit anong papeles para maisagawa ito.
Tinanong din diumano ni German si Dexter kung payag siya sa alok ng ahensya na lumipat na lang siya sa Macau, na tinanggihan naman ng katulong.
Sa dakong huli, talagang ni isang kusing ay walang nakuha ni Dexter, dahil ang mismong POLO ang nagsabi na depende na sa amo niya kung may matatanggap siyang kabayaran, pati na ang para sa tiket niya pauwi sa Pilipinas.

Sa nangyaring ito, maliwanag na inamin ng ahensiya sa POLO na sumingil ito sa katulong nang labag sa batas ng Hong Kong at Pilipinas.  Sa Section 57 ng Employment Ordinance and Regulation 10(2) ng Employment Agency Regulations, ang pinakamataas na maaaring singilin ng isang ahensiya sa aplikante ay di dapat hihigit sa 10% (o $411), ng unang buwanang sahod ng katulong.
Ibinabawal din ng Employment Agencies Administration ang pakikisangkot ng mga ahensiya sa Hong Kong sa mga usapin sa pera sa pagitan ng dayuhang katulong at ng ahensiya nito sa ibang bansa.
Bawal din sa isang ahensiya ang tumanggap mula sa aplikante ng iba pang kabayaran para sa mga nagastos nito sa at iba pa, maliban sa nasabing komisyon.
Sa Pilipinas, nakatakda sa batas na walang dapat bayaran ang katulong dahil ang amo ang dapat magbayad ng lahat ng gagastusin sa pagkuha ng katulong.
Natataka kami dahil malinaw na nilabag ng lokal na ahensiya ang batas ng Hong Kong, gayundin ang kundisyon ng akreditasyon nito sa POLO, pero bakit kaya walang ginawang aksiyon ang POLO? May patakaran din ang POLO na bawal mag-exit sa Macau ang isang na-terminate na katulong, ngunit bakit pakunswelong tinanong pa ni German kung gusto ni Dexter ang magtrabaho sa Macau?
Sa pagtatagni-tagni ng mga naganap ay naikuwento tuloy ni Dexter ang isang pangyayari noong papunta na siya rito sa Hong Kong noong Ago 22 kasabay ang dalawang iba pang bagong-saltang kasambahay.
Nasa NAIA na sila nang may pinabitbit sa kanila ang manedyer ng ATD na tig-iisang kahon ng Red Ribbon chocolate cake. "O, ito dalhin ninyo at ibigay sa best friend ko sa Consulate...kay Nenita (na malamang ay ang dating Labor Attache na si Nenita Garcia). Favorite niya yan, Red Ribbon chocolate cake. Mag-ingat, baka masira ang design."
Halatang napakatamis ng relasyon ng mga opisyal ng POLO at mga recruitment agency. Natatandaan pa tuloy namin ang dalawang Huwebes ng hapon sa bagong opisina ng POLO sa Admiralty Centre Tower 1, nang dumating ang mga may-ari ng mga ahensiyang taga-Hong Kong na may bitbit na mga pagkain.
Tandang-tanda rin namin nang pinasinayaan ang bagong opisinang iyon, na ang tropa ring iyon ang mga panauhin, at nagtaka kami kung bakit walang inimbita sa hanay ng mga OFW na siyang kinakatawan ng POLO.
Ngayon ay napag-ugnay-ugnay na rin naming ang mga bagay-bagay. Paborito pala nina Ma'am ang chocolate cake.

Don't Miss