Playboy ang peg ng asawa
29 April 2016
Halos anim na taon nang hindi nagpapang-abot sa Pilipinas sina Ems at ang kanyang kabiyak dahil pareho silang OFW. Narito sa Hong Kong si Ems at nasa Middle East naman ang asawa. Puro sa telepono na lang sila nag-uusap at sa Facebook. Minsan ay humingi ang kanyang asawa ng sulat na imbitasyon para makapunta ito sa Hong Kong, pero laking gulat ni Ems dahil nakita niya sa Facebook na may kasamang ibang babae ang asawa sa pamamasyal nito dito. Noon lang naisip ni Ems na ang babae pala nito ang dinalaw ng kanyang asawa at hindi siya. Sumama lalo ang loob ni Ems dahil nakuha pang ipagyabang sa Facebook nung babae ang mga larawan nila na parang siya ang tunay na asawa ng lalaki. Walang magawa si Ems kundi manahimik dahil alam naman niya na kanya na sadyang babaero ang asawa. Hindi lang iisa ang babae nito kundi marami sila, at nakikilala pa mandin ni Ems sa Facebook dahil ipinapakilala naman siya ng mister niya bilang asawa nito. Pero hindi pa rin alintana ng mga babae nito ang estado ng lalaki, bagkus ay nag-aaway pa nga ang mga ito sa kanilang lugar. Ang hindi lang matanggap ni Ems ay ang paggamit ng mga babae sa kanyang Facebook account para awayin siya at pati ang mga anak nila ng mga dalagita at binatilyo na. Alam niyang pati ang mga ito ay nasasaktan sa pinaggagawa ng ama. Nitong huling buwan ay umuwi sa Pilipinas ang mister niya dahil nagtapos ang isang anak nila, at nabalitaan niya na umuwi din sa Pilipinas ang babaeng dinalaw nito noon sa Hong Kong. Nalaman ni Ems na nagkasabay ang uwi ng dalawa kaya malamang daw ay nagtagpo muna sa Maynila ang dalawa bago sila umuwi sa probinsya. Sa iisang bayan sila nanggaling kaya nalalaman lahat ni Ems ang bawat galaw nila. Natuto na lang siya na magkibit-balikat dahil nasanay na daw siya sa kalokohan ng lalaki. Sinubukan na niyang makipaghiwalay sa asawa ngunit hindi ito pumayag, sampu ng mga magulang nito. Sa kabila kasi ng pambabae ng kanyang asawa ay hindi nito kinakalimutan ang kanyang responsibilidad bilang ama sa kanyang mga anak. Patuloy ang pagsuporta nito sa mga anak, at pinaganda pa lalo ang kanilang bahay. Katwiran na lang ni Ems, nagpapasalamat na lang siya dahil hindi sila iniwan ng kanyang asawa, di katulad ng iba na kapag nambabae ay kinakalimutan na ang pagiging asawa at ama sa mga anak. Si Ems ay 43 taong gulang at tubong Cagayan Valley. – Marites Palma