Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pahirap

14 April 2016

Halos araw-araw ay nagkukumahog si May sa paghahanda, pamamalengke at pagluluto ng pagkain para sa kanyang mga amo sa Tai Po. Hapon pa lang ay nakasalang na ang sabaw at mula alas singko ay naghahanda na ng pagkain. Hindi naman niya puwedeng lutuin ng maaga ang apat na putaheng ulam hangga’t di dumarating ang buong pamilya dahil nagagalit ang kanyang amo kapag ininit lang niya ang mga pagkain. Kadalasan ay naghihintay siya hanggang alas otso ng gabi at doon pa lang siya mag-uumpisang magluto. Ang problema ay isang burner lang ang kalan na gamit niya kaya kung minsan ay natataranta siya lalo na’t kada minuto ay tinatanong siya ng kanyang alaga kung luto na ba ang pagkain. Minsan ay dinaya na niyang lutuin ng maaga ang isang putahe para di siya gabihin sa pagluluto pero sinumbong naman siya ng kanyang alaga sa ina nito. Sermon ang inabot ni May kaya hindi na niya ito inulit. Kadalasan ay mga madadaling lutuin na lang ang inihahanda niya para di na siya makarinig pa ng reklamo. Sa isip niya, hindi naman niya kasalanan kung ginagabi sila sa pagkain ng hapunan dahil alas otso na kung dumating ang kanyang mga amo. Inaabot tuloy ng hanggang alas diyes ng gabi ang paghuhugas niya ng mga gamit sa kusina at mga pinagkainan. Halos araw-araw ay ganito ang gawain niya kaya lupaypay na siya pagpasok sa kanyang kuwarto. Si May na may asawa at dalawang anak ay halos dalawang taon nang nagtatrabaho sa kanyang mga amo. Balak niyang lumipat ng amo kapag natapos na ang kanyang kontrata dahil sa hindi makatarungang pagpapahirap sa kanya ng mga ito. –Jo Campos


Don't Miss