Naantig ang puso ni Ela sa isang pasaherong umiiyak sa tabi matapos humarap sa check-in counter, kaya tinanong niya ang kapwa-Pinay kung ayos lang siya. Bumalot ang lungkot na mukha ng Pinay at sinabing wala palang nabili ang amo na extra kilo para sa kanyang luggage. Pinapabayad siya ng $450 para sa kanyang bagahe, ngunit wala na raw siyang dalang pera dahil pinadala na niya ito sa kanyang account sa Pilipinas. Naawa si Ela at nagtiwala kaagad kaya pinahiram niya ng pera ang pobreng pasahero. Nakialam ang katabi nilang Pinay na nakamasid sa kanilang pag-uusap at nagmungkahing kunan niya ng larawan ang Hong Kong ID nito. Nagpaunlak naman ang huli. Maaliwalas na ang mukha nito at masaya nang nakipagkwentuhan tungkol sa kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas at sa mga sasalubong sa kanila. Nangako siya na iaabot din ang pera kahit sa katumbas na halaga sa peso pagdating ng asawa dahil nagpahiram na daw siya ng pambayad. Ngunit biglang naglaho ang pinautangan paglabas nila sa Immigration. Nakalabas na lahat ang mga kasabayan nila sa eroplano pero hindi na iyon nahagilap ni Ela. Kasama na niya ang kanyang asawa sa paghahanap ngunit hindi na nila talaga nakita ang babae. Naabutan niya sa labas ang kasabay na nagmungkahing kuhanan ng larawan ang ID niya, at humingi ng tulong na hanapin ang babaeng iyon sa Facebook. Nagpalitan sila ng Hong Kong telephone number para makapagkumustahan sila pagbalik nila sa Hong Kong. Si Ela ay tubong-Iloilo, may asawa at anak, at apat na taon nang naninilbihan sa Mongkok. — Marites Palma