Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Mga Pinoy na online sellers

14 April 2016

Ni Daisy CL Mandap

Kapag napadpad sa may exit A-B ng MTR Central station lalo na kapag araw ng Linggo, pansinin ang mga Pilipinang nag-uumpukan sa paligid. Malamang na makakakita ng isang may dalang maleta o malalaking bag, at pinagkakaguluhan ng mga kapwa Pilipina. Subukang lumapit, at tiyak na tatambad sa iyo ang isang online seller, o iyong naglalako ng mga paninda sa pamamagitan ng Facebook o iba pang social media sites sa internet.
Ang exit na ito sa Central station ang paboritong "meet-up place" o tagpuan ng mga nagtitinda at namimili ng mga iba-ibang klase ng produkto sa pamamagitan ng internet, lalo na yung mga Pilipina.
Kahit anong bagay ay maari na ngayong mabili sa internet, magmula sa make-up, bra, bedsheet, hanggang sa mga lumang sapatos, bag at damit. Malaki ang pagkakaiba ng presyo ng mga paninda dito, mula sa mga branded bag na nagkakalahaga ng ilang libong dolyar, hanggang sa maliliit na bagay katulad ng hair clip na $5 pataas ang presyo. Meron ding mga libreng gamit sa bahay na kailangan lang kunin ng mabilis dahil paalis na sa Hong Kong ang may-ari.
Nguni't hindi katulad ng mga ibang naglalako sa paligid, ang mga paninda nila ay "reserved" na, na ang ibig sabihin ay iaabot na lang dito kapalit ng bayad.
Kung medyo mahal ang paninda, na ang ibig sabihin ay mga $200 pataas, malamang na magtagal nang kaunti ang usapan dahil iinspeksyunin muna nang maigi ng bumibili ang paninda, para matiyak na katulad ito nung naka-post na litrato, o kung may mga sira o depekto na hindi ipinakita ng nagbebenta.
Kung hindi naman kamahalan, kadalasan na kaliwaan na lang ang nagiging transaksyon, na ang ibig sabihin ay bayad agad pagka-abot ng paninda.
Karamihan sa mga tinderang Pilipina ay hindi tunay na pangalan ang ginagamit sa Facebook, dahil malamang na sila ay mga domestic helper, kaya bawal ang pumasok sa ibang trabaho, katulad ng pagtitinda.
Kadalasan na ang ibenebenta nila ay mga bagong sapatos at damit mula sa China. Ayon sa ilan sa kanila katulad ni Jocelyn (hindi tunay na pangalan), patinda lang daw ito ng kanilang amo, at binibigyan lang siya ng mula $10 hanggang $20 sa bawat pirasong bra o bra set na maibenta niya. Pero mayroon din na sila mismo ang namumuhunan mula sa mga tinderang Intsik na kumukuha ng paninda diretso mula sa Shenzhen. Dahil may itinatayang pera, mas malaki ang kanilang ipinapatong. Bawat pirasong blouse o damit na maibenta nila ay may dagdag na mula $30 hanggang $50 kaya malaki rin ang kanilang kita, lalo na at mga siguradong order lang ang kanilang kinukuha. Ibig sabihin, sa isang Linggo na makapagpasa sila ang order na isang dosenang damit, may kita na sila agad na mula $300 hanggang $600. Sa dalawang dosena ay sambot na nila ang kita nila sa isang linggong pagkukuskos.
Mas marami naman sa mga Pilipina ang namimili at nagpapasa ng mga gamit o lumang damit at sapatos, katulad ni M.B.. Ayon sa kanya, karamihan ng ititinda niya ay kinukuha niya sa isang grupo ng Pakistani na namamakyaw ng mga hindi nabentang tinda ng isang nagsasarang tindahan ng sapatos o bag. Ang iba naman ay malamang na itinapon na at pilit pinapaganda ng mga nagbebenta para makakuha ng mataas na presyo. Nililinis ng mga Pakistani ang mga tindang sapatos, at kung minsan ay pinapalitan pa ng takong o dinidikitan ng tatak ng mamamahaling brand para mas mahal maibenta.
"Maliit lang ang tubo ko, mga $20 hanggang $30 lang bawat piraso, pero mas maigi na ito kaysa magtinda ng lumang dyaryo," sabi ni M.B, "Wala ka pang takot na masiumbong sa pulis ng mga matatandang Intsik na kakumpetensiya mo sa raket".
Ayon kay M.B. nabaon siya sa utang dahil sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya kaya kahit alam niyang delikado ay pinasukan niya ang online selling.
Ang iba naman ay sadyang mahilig sa mga damit at sapatos kaya pinasok ang pagtitinda at nang makapamili ng kanilang gusto, at kumita na din.
Ayon kay May na pirming mga de-tatak ang ibinebenta, marami sa mga paninda niya ay "type" din niya, kaya lang ay lubhang marami na rin ang naipon niya para sa sarili kaya masakit man sa loob ay ibinebenta na niya ang ilan.
Kapag nakuha niya ng bagsak presyo ang isang bag na Burberry, halimbawa, tumutubo siya ng mahigit $100 kada piraso, kaya madali niyang mabawi ang pinupuhanan niya para sa sariling hilig.
Suwerte din siya dahil marami daw siyang mga suki na residente kaya madali niyang maipasa ang mga tinda niya sa presyong naglalaro sa $500 pataas.
Gayunpaman, katulad ni M.B. ay maingat si May sa pagpili ng titindahan dahil alam na bawal sa isang domestic helper katulad nila ang pumasok sa ibang trabaho sa Hong Kong.
Kamakailan lang ay kumalat ang balita tungkol sa dalawang Pilipina na kinasuhan ng HK Immigration ng illegal work matapos magbenta ng cream sa mukha sa mga customs agent na nagpanggap na buyer ng kanilang produkto na ibinibenta nila sa Facebook. Bagamat nabasura ang kaso sa kawalan ng sapat na ebidensya, nananatili pa rin ang takot sa marami.
Lalo pang nadagdagan ang kanilang agam-agam nang ang MTR naman ang magbabala noong Setyembre lang na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda sa loob ng mga istasyon nito. Ayon sa isang ipinaskel na babala, papatawan ng hanggang $5,000 multa ang sinumang mahuling lumalabag sa patakaran na ito. Dahil dito ay ilang linggo din na iniwasan ng mga nagtitinda ang pakikipagkita sa loob ng MTR ngunit hindi ito nagtagal dahil wala namang nababalita na may nahuli na sa mga nag-aabutan ng paninda doon.
Paboritong tagpuan ng mga nagnenegosyo, hindi lang mga Pilipino, ang mga istasyon ng MTR dahil maaaring mag-abutan ng paninda nang hindi kailangang lumabas at magbayad ng mas malaking pamasahe. Dahil sa ganitong kalakaran naman, nagsisikip ang mga lugar palabas sa mga istasyon, kaya naghigpit ang MTR laban sa mga nagtitinda. Idagdag pa dito na mas malaki sana ang kikitain ng kumpanya kung ang mga nagdadala ng paninda ay nagbabayad sa bawat istasyon na lalabasan nila.
Ang isa pang pinakaiiwasan ng mga nagtitinda ay ang mahuli na nagtitinda ng mga pekeng gamit. Hindi lingid sa kanilang kaalaman na lalong mahigpit ang mga awtoridad sa nagbebenta ng mga peke kaya pinakaiingatan nila na hindi sila maaresto at makulong ng dahil dito. Marami din naman sa mga nagbebenta sa FB ang agad na nagsasabing "good copy" lang ang kanilang itiitinda para hindi masira sa mga mamimili.
Matatagpuan ang marami sa mga Pilipino na online seller o reseller sa mga FB page katulad ng "HK Buy and Sell". "Buy, Swell, Swap", "Swap-it HK" at marami pang iba. May mangilan-ngilan din na nagbebenta sa pamamagitan ng libreng website ng AsiaXpat, geoexpat, alibaba, eBay at iba pang malalaking grupo na gumagamit ng internet para magbenta ng produkto at serbisyo.
Dahil walang binabayarang mahal na renta para sa tindahan, nagagawa ng maraming online seller na magpresyo ng higit na mababa kaysa sa mga shop. Halimbawa, ang 20 piraso na maninipis na balabal ay ibinebenta lang ni Cathy, isang Intsik na namimili ng pakyawan sa China, sa halagang $160, o $8 bawat piraso. Sa mga tindahan ay hindi bababa ang presyo ng mga ito sa $30 bawat isa. Dahil sa baba ng presyo niya, marami sa mga bumibili kay Cathy ay  mga Pilipina na ibinebenta rin sa iba ang binibili sa kanya.
Ang pagbebenta na hindi na idinaraan sa ahente o tindahan ang isa pa sa mga nakakatulong para maibaba ang presyo ng mga bilihin sa online.
Para naman sa isang mamimili, hindi na kailangan pang makipagsiksikan sa mall at umubos ng ilang oras para lang makita ang mga gusto o dapat bilhin. Menos gastos na, menos pagod pa rin.
Sa kabila nito, hindi pa rin maitatanggi na ang pagbebenta ng isang DH, sa online man o sa iba pang paraan, ay ipinagbabawal sa batas, kaya laging dobleng ingat sila dapat.
Kung hindi man, dapat ay itigil na lang nila ito, o kaya ay ipadala sa Pilipinas ang mga pinamili at doon ibenta.
Sa kahit ano mang trabaho o negosyo, isang malaking kaginhawaan ang malaman na walang patakaran o batas na nilalabag para lang kumita.

Don't Miss