Sa loob ng 52 taon sa show business, mula nang ma-discover siya bilang talent sa Clover Theatre kung saan una siyang namasukan noon bilang isang janitor, kinilala si Kuya Germs bilang pangunahing star builder dahil sa dami ng natulungan niyang maging sikat na artista, singer o TV host.
Sa kanyang programang GMA Supershow nahasa sa hosting sina Zsazsa Padilla, Vina Morales, Dawn Zulueta at Sharon Cuneta, pero ang pinakamalaking nai-ambag niya sa showbiz ay ang pag-discover niya ng mga bagong artista at singers sa kanyang programang That's Entertainment. Kabilang sa mga mga ito sina Lea Salonga, Judy Ann Santos, Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, Tina Paner, Janno Gibbs, Keempee de Leon, Piolo Pascual (PJ Pascual), Romnick Sarmenta, Herbert Bautista, Harlene Bautista, Gelli de Belen, JC Bonnin, Jonjon Hernandez, Cris Villanueva, Ronel Victor, Lotlot de Leon, Ramon Christopher, Michael Locsin, Rita Avila, Sunshine Dizon, Chuckie Dreyfuss, Patricia Javier, Angelica Jones, Zoren Legaspi, Kier Legaspi, Nadia Montenegro, Vina Morales, Aiko Melendez, Rufa Mae Quinto, Gladys Reyes, Donita Rose, Jennifer Sevilla, Carmina Villaroel, Jessa Zaragoza, Karla Estrada, Iza Calzado (Izadora Calzado), Sunshine Cruz, John Arcilla, Jojo Alejar, Isabel Granada, Lilet, Ara Mina (Hazel Reyes), Isko Moreno, Jovit Moya, Francine Prieto (Anna Marie Falcon), Lovely Rivero, Romano Vasquez, Ana Roces, Asssunta de Rossi (Assunta Schiavone), Francis Magalona, Ian Veneracion, Bunny Paras, Smokey Manaloto, Priscilla Almeda (Abby Viduya), Dranreb Belleza, Kyla (Melanie Hernandez), Keno, Aljon Jimenez at marami pang iba. Dito rin nagsimula sa showbiz si Billy (Billy Joe) Crawford, noong apat na taong gulang siya, at pinakabata sa grupo.
Siya rin ang founder ng Walk of Fame Philippines sa Eastwood, Quezon City, na ginaya sa Hollywood Walk of Fame sa Amerika. Ang huling nabigyan niya ng stars dito noong December 1, 2015 ay ang phenomenal loveteam ng AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza at ang JoWaPao group nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros ng Eat Bulaga. Kasama ring binigyan ng star ang loveteam nina Jake Vargas at Julie Ann San Jose.
Na-stroke si Kuya Germs noong Jan 2 ng nakaraang taon, dalawang araw matapos siyang mapanood sa 2015 New Year countdown ng GMA Network. Matagal- tagal din siyang nawala dahil kinailangan siyang magpahinga at dumaan sa iba't ibang therapy upang muli siyang makapagsalita at makapaglakad. Hindi man bumalik sa dati ang kanyang kalusugan, hindi pa rin siya napigilan na balikan ang kanyang TV show na "Walang Tulugan' (with the Master Showman) at radio show na "Walang Siesta", at gampanan ang iba pang showbiz events. Huli siyang napanood sa New Year (2016) countdown ng GMA Network na ginanap sa Mall of Asia (MOA).
Naulila niya ang kanyang adopted son na si Federico Moreno, ang asawa nitong si Shiela (ate nina Vina Morales at Shaina Magdayao) at ang apat nilang anak.
Ibinurol si Kuya Germs sa Mt. Carmel Church sa Quezon City, kung saan ay dumagsa agad ang mga naging kasamahan niya sa showbiz gaya nina Nora Aunor, Gloria Romero, Susan Roces, Plita Corrales, Jackielou Blanco, Gary Valenciano, Martin Nievera, Sharon Cuneta, Eddie Gutierrez, Dawn, at marami pang iba. Mistulang naging malaking reunion ng That's Entertainment at iba pa niyang shows ang kanyang burol.
Inihatid siya sa huling hantungan noong Jan. 14.
JUDY ANN, NANGANAK
Nanganak na si Judy Ann Santos sa pangatlong anak nila ng asawang si Ryan Agoncillo noong gabi ng Jan 8. Ang baby girl ay pinangalanan nilang Juana Luisa, at binigyan ng palayaw na Luna.
Ang dalawa pa nilang anak ay sina Johanna Louise (Yohann) at Juan Luis (Lucho). Nasa show niyang Eat Bulaga si Ryan nang biglang magpaalam dahil kailangan na daw niyang puntahan ang asawa dahil manganganak na ito.
Ang TV series na Someone to Watch Over Me na pagbibidahan dapat ni Juday ay hindi natuloy na ipalabas dahil sa pagbubuntis niya. Sinabihan niya ang ABS CBN na sa ibang artista na ito ibigay, pero mas minabuti ng pamunuan ng Kapamilya station na maghintay na lang kung kailan siya pwedeng magtrabaho ulit. Makakasama niya sina Richard Yap at Diether Ocampo.
VIC-PAULEEN WEDDING
Tila malaking produksyon ng Eat Bulaga ang magiging kasal nina Vic Sotto at Pauleen Luna dahil karamihan ng nasa entourage ay mga kasamahan nila sa show, mga kamag-anak at ilang matatalik na kaibigan, gaya ni Miss Universe Pia Alonzo Wurtzbach, na isa sa mga bridesmaids. Uuwi sa Pilipinas si Pia sa January 23 upang magbakasyon, at daluhan ang kasal ni Pauleen, na matagal na niyang kaibigan.
Ang iba pang kasali sa kasal:
Principal sponsors: Sen. Vicente "Tito" Sotto at Carmencita Garcia, Mr. & Mrs. Tony at at Madeleine Tuviera at Joey de Leon at Dr. Salvacion Gatchalian.
Matron of Honor: Ruby Rodriguez, Maid of Honor: Franchesca Que; Best Man: Vico Sotto, Groomsmen: Val Sotto, Maru Sotto, Anjo Yllana, Wally Bayola, Jose Manalo at Paolo Ballesteros.
Bridesmaids: Pia Wurtzbach, Anne Margaret Luna, Leah Camille Agcaoili at Mara Isabel Sotto
Secondary sponsors: Danica Sotto-Pingris at Marc Pingris (veil), Oyo Sotto at Kristine Hermosa-Sotto (cord)
Flower Girls: Ryzza Mae Dizon, Anielle Micaela Pingris, at Ondrea Bliss Sotto
Ring Bearer: Jean Michel Pingris, Coin Bearer: Kristian Daniel Sotto
Bible Bearer: Alessandro Jose Sotto
Rosary Bearer: Marciano Dominico Antonio
Sa surprise bachelor's party para kay si Vic Sotto na ginanap kamakailan, namataan ang mga kapatid niyang sina Tito, Maru at Val Sotto. Naroon din ang mga anak ni Vic na sina Oyo at Vico Sotto at Eat Bulaga dabarkads na sina Anjo Yllana, Jose Manalo, Wally Bayola at producer na si Tony Tuviera at paboritong director ni Vic na si Tony Reyes.
Si Pauleen ay binigyan din ng bridal shower ng kanyang malalapit na kaibigan, kabilang na sina Camille Prats, Ruby Rodriguez, Sherilyn Reyes-Tan, at Yayo Aguila. Ginanap ito noong January 9 sa Café Lima sa Greenhills.
Sa January 30 gaganapin ang kanilang kasal. Ito ang pangalawang kasal ni Vic. Una siyang ikinasal kay Dina Bonnevie, ina nina Danica at Oyo, pero matagal na silang hiwalay at annulled na ang kasal. Si Vic ay 61 yrs old, samantalang si Pauleen ay 26.
ALDEN, MAY KARIBAL
Habang nasa Dubai si Alden Richards ay inilabas na ng kalyeserye ang misteryosong "Jake" na naging malapit kay Maine Mendoza, at panay ang tawag sa telepono. Dalawang Jake ang lumabas, na ang una ay isang bading na sumayaw-sayaw; at ang pangalawa ay isang mestisuhin at guwapong binata, na naging kaklase daw ni Yaya Dub sa marketing class. Ito ay si Juan Emilio "Jake" Ejercito, anak nina Joseph Estrada at dating aktres na si Larni Enriquez.
Game na nakipagkuwentuhan si Jake kina Lola Nidora, at pinakain siya ng banana cue at isaw na isinawsaw sa kape, pinag-dub-smash at pinasayaw pa. Nagustuhan daw siya ng tatlong lola dahil guwapo, matalino at gentleman daw ito.
Naikuwento ni Jake na nag-aral siya ng elementary at high school sa Xavier School sa San Juan, at nag-kolehiyo sa London (business management). Kasalukuyang tinatapos ni Jake ang kanyang master's degree sa Singapore. Maingat ang mga taga-Eat Bulaga na hindi magalit ang AlDub nation kaya binanggit nila na may girlfriend si Jake na nasa London. Magkaibigan lang daw sila ni Yaya Dub, at gusto rin daw makilala ni Jake si Alden.
Ayon kay Laarni, matagal nang gustong mag-artista ni Jake, pero ayaw raw siyang payagan ng kanyang ama hangga't hindi ito nakatapos ng pag-aaral. Si Jake ay hindi na baguhan sa limelight dahil marami siyang kaibigang artista at celebrities, at lagi rin siyang isinasama ng kanyang ama sa mga political at social events. Naging off and on din ang kanyang relasyon kay Andi Eigenmann, at natsismis na siya ang tunay na ama ng anak ni Andi at hindi si Albie Casino na naging boyfriend din ng actress.
Samantala, may pinaplano raw ang GMA Network na bigyan ng sariling TV series sina Alden at Maine, pero wala pa silang balita kung papayagan ng APT Entertainment si Maine. Ttila naiipit ang loyalty ni Alden sa GMA Network, kung saan siya naka-kontrata, kaya hindi siya makatanggi sa bawa't utos nilang mag-show siya sa iba’t ibang lugar, at sa APT Entertainment na nagbigay sa popularidad na tinatamasa dahil sa AlDub nation.