Maysakit ang amo ni Anna at tila wala nang lunas. Unti-unting nagiging paralisado ito at kinakailangan ng pag-aalaga. Hindi na rin nakakakain mag-isa at ang mga bagay na karaniwang ginagawa ay hindi na nito kaya. Dahil dito ay kinailangan na kumuha ng kasama ni Anna para ito ang tumutok sa pag-aalaga sa kanilang among babae. Hindi man gaanong nagkakasundo ang dalawang Pinay ay maayos naman nilang nagagawa ang kanilang mga tungkulin sa bahay. Matagal nang nagtatrabaho si Anna sa mag asawang Intsik at wala siyang masasabi sa mga ito dahil napakabait, kaya lubha siyang nalungkot nang malaman niya ang kondisyon ng kanyang among babae. Lumipas ang mahigit isang taon, at kahit paano ay natuto na ring pakisamahan ni Anna ang kakaibang ugali ng kasama niya. Pero nitong mga nagdaang araw ay nagtataka siya dahil nahahalata niya na parang takot ang kanyang amo sa tagapag-alaga niya. Kapag aalis kasi si Anna ay tila nalulungkot at nababalisa ang kanyang amo, at tuwing magpapaalam siya ay mahigpit siyang hinahawakan, at ayaw bumitiw. Inobsebahan ni Anna ang biglang pagkabalisa ng kanyang amo at napansin niya na kapag kaharap na ang kanyang kasamang Pinay ay parang takot ito. Napansin din ni Anna na medyo marahas ang ginagawang pagpapasubo ng kasamahan sa kanilang amo tuwing pinapakain ito. Naririnig din niya na pasigaw at tila galit ang kapwa katulong kapag kausap ang inaalagaang maysakit. Naikuwento ito ni Anna sa isang kaibigan at hinala ng kaibigan ay baka minamaltrato ang amo ng kanyang kasamang Pinay. Likas kasing mabait ang amo at malamang na hindi lang ito nagsusumbong. Mungkahi nga ng kaibigan ni Anna, dapat daw ay sabihin na niya sa kanyang among lalaki ang mga nangyayari sa loob ng kanilang bahay dahil karatapan naman iyon ng kanyang asawa. Hindi naman magkaroon ng lakas ng loob si Anna na magsumbong dahil baka itanggi lang iyon ng kanyang kasama at siya pa ang lumabas na gumagawa ng usap. Hindi rin naman kasi nagsusumbong ang among babae sa kanyang asawa. Ang ginawa na lang ni Anna ay hinigpitan ang pagbabantay sa kasama para masiguradong hindi nito sinasaktan ang matanda. –Jo Campos