Patapos na ang pangalawang kontrata ni Ailene sa kanyang amo na taga-Shatin nanag sabihin ng kanyang amo na hindi na ito pipirma ng panibagong kontrata. Nanghinayang si Ailene dahil sa loob ng 10 taon niya dito sa HK ay sa naturang amo lang siya nakatapos ng kontrata. Nang magkaroon siya ng pagkakataon ay dumulog siya sa tanggapan ng OWWA dahil gusto niyang ipakuwenta kung magkano ang makukuha niyang severance fee. Bitbit ang manipis na libro na naglalaman ng labor ordinance para sa mga kasambahay sa Hong Kong ay matiyaga siyang pumila kahit maraming tao para malaman kung magkano ang makukuha niya. Walang humpay ang pagkukwento niya sa mga kasama sa pila na obligasyon ng amo na bigyan siya ng severance fee, pero sumabad ang isa sa mga kausap na makakatanggap lang siya nito kung hindi na siya pipirmahan ng amo dahil sa redunduncy o kalabisan. Ibig sabihin, hindi na ito kukuha ng ibang katulong, at hindi lang dahil ayaw na sa kanya. Nanlumo si Ailene dahil sa palagay niya ay may balak pang kumuha ng kapalit niya ang amo dahil dalawang taon pa lang ang anak nito na pinaalagaan sa kanya. Halata ang pagkadismaya niya kaya sinabi ng kausap na ituloy pa rin ang paghingi ng kuwenta ng maaari niyang matanggal kung sakaling sabihin ng amo na hindi na ito kukuha ng bagong katulong. ---Gina N. Ordona