Bhing Valin |
Part 2
Madali lang dumating ang karma kay Resti. Dumating sa Canada ang dalawa niyang aplikante sa tulong ng iba, at agad siyang pinaghanap. Isang taon pa lang siya sa mga amo niya sa Langley BC nang mapilitan siyang magbitiw kahit ayon sa kaniya ay malaki ang sahod niya . Alam daw kasi ng dalawa niyang biktima ang address na iyon.
Ang pangalawang karma niya ay nang mabuntisan siya ng isang Amerikano na nakilala niya sa isang dating website. Dahil buntis siya ay wala siyang makuhang amo, at dahil naman dito ay wala siyang work permit at medical insurance. Napakamahal pa naman ang manganak sa Canada ng walang insurance. Umaabot sa C$6,000 ang bawat araw na pagtigil sa ospital, at iyan ay para sa normal delivery lang.
Dating gawi, nagbayad siya ng C$5,000 sa isang Pinay na pumirma ng kanyang kontrata. Buwan-buwan ay ini-issuehan siya kunwari ng paycheck, kaya dapat siyang magbayad ng tax. Ang masaklap, tinerminate pala siya ng amo ng walang abiso. Walong buwan na siyang overstay nang malaman niya. Nagtago siya ngunit kusang sumuko pagkatapos ng mahigit apat na taon. Pumayag siyang umuwi kasama ang anak, at sinabihan na maaari lang siyang mag-apply na bumalik ng Canada pagkatapos ng limang taon.
Natuklasan ko din na maraming Pinoy dito ang kumukuha ng kamag-anak sa Pilipinas para maging caregiver nila, ngunit pinapagtrabaho sa iba. Mga part-time ng linis o baby-sitting ang karaniwan nilang ginagawa, at cash silang binabayaran.
Ngunit si Becky, 43, at Ilokana, ay iba ang agenda. Kinuha niya ang kapatid na teacher para mag-alaga ng apat niyang anak. Kumukubra si Becky ng assistance sa gobyerno dahil aniya ay hindi niya kayang alagaan ang apat na anak. Tumatanggap siya ng tulong na pera, kasama ang pambayad sa kapatid, ngunit hindi niya ito binabayaran. Habang hirap na hirap ang kapatid sa pag-aalaga ng mga anak niya, siya naman ay panay ang pagtatrabaho sa iba. Nang muling manganak si Becky ay umalma na ang kanyang kapatid, at isinuplong siya sa Immigration.Napilitan siyang magbayad dito.
Sina Ikay at Rowena naman na isang Ilokana at isang Bisaya na parehong galing sa Hong Kong ay parehong dinala sa Canada ng hipag nilang nurse pero sa iba nagtatrabaho. Pagkatapos ng isang taon, ire-release sila kunwari para makahanap ng ibang amo. Hindi naman nagtagal ay natuklasan ng Immigration ang sistemang ganito at gumawa agad sila ng hakbang para matigil ito.
Ang isa pang kalokohan ng mga agency na pag-aari ng mga Pinoy ay ang maglagay ng pangalan ng mga taga Canada na kunwari ay amo ng mga aplikante nila. Nabisto ito ng Immigration nang magreklamo ang isang Ms. Chan dahil may dumating sa kanyang LMO gayong hindi naman siya kumukuha ng caregiver.
Naging istrikto ang Immigration simula noon. Masusi na nilang sinusuri kung totoo bang may pangangailangan para sa isang caregiver, at kung lehitimong amo ang kumukuha dito. Maging sa mga kumukuha ng mga kapamilya, dapat ay totoong sa kanila ito nagsisilbi.
Pag-aari din ng isang Pinay na may agency ang isang apartment na ni-raid ng Immigration noon dahil isinumbong ng mga iba’t-ibang trabahador na kinuha nila bilang caregiver, food server, janitor, at iba-ibang trabaho. Pinangakuan daw sila ng mga trabaho pero hindi ito ginawa. Pinagbayad sila ng mula C$5,000 hanggang C$10,000 at dahil pawang walang mga trabaho ay sa lapag lang sa salas ng apartment sila natutulog.
Tulad sa Hong Kong may mga nagpapautang din dito na ang patong ay 10% buwan buwan. Mga Pinoy din ang may pakana nito. Kasama sa kanilang mga naging biktima si May na nag-guarantor sa kanyang kapitbahay na si Flor na umutang ng C$ 10,000 sapagkat sinisingil na daw siya ng pinagkakautangan sa Pilipinas. Nang hindi makaya ni Flor na bayaran ang utang dahil sa malaking interes ay pareho sila tinatawag-tawagan.
May mga mapagsamantala din, iyong mga kakaibiganin ka at saka uutangan. Dahil dito ay natuto akong maging mapili sa kaibigan. Tulad sa Hong Kong noon, iisa lang ang close friend ko at tiniyak ko yon na hindi siya mapagsamantala.
Maligayang araw ang pagdating ng anak. |
Nakaipon ako ng sapat na halaga para mabayaran ko ang C$2,200 na processing fee para sa aking permanent residency status at open-work permit. Madami pang iba’t-ibang bayarin akong pinagdaanan. Nandiyan ang police clearance mula sa kung saang bansa ka nanggaling sa loob ng 10 taon, mga fingerprinting bago ka makapag-apply sa mga yon, at pati para sa mga ID picture na noon ay halagang C$20 para sa dalawang kopya lang. Sa Pilipinas naman, kailangang magbayad para sa pasaporte ng mga kapamilya, mga transcript of records nila sa eskuwela, certificate of no marriage (CNM) para sa lahat ng mga anak, NBI clearance at marami pang iba.
Dahil sa hindi matapos-tapos na gastusin, talagang maiiyak ka. Pero itutuloy mo lang ang lahat dahil ang mas mahalaga ay kumikita ka, at makakasama mo pa ang pamilya mo.
Anim na buwan ang hinintay ko bago ko natanggap ang aking Open Work Permit. Ito ang pinakakaaantay kong permiso para makapag-trabaho ng kahit na ano maliban sa pagiging caregiver. Ngunit batid ko na hanggat hindi ako naging ganap na permanent resident ay hindi ako maaring umalis sa pagiging caregiver. Maari lang akong magdagdag ng amo o kumuha ng ibang trabaho.
Kumuha ako ng kontrata para sa janitorial services at hinawakan ko ang isang branch ng Vancouver Film School. Doon, bagamat mahirap at nakakapagod ang trabaho, ay kumita ako na malaki-laking dagdag sa aking ipon. Bilang paghahanda sa pagdating ng pamilya ko ay naisip kong mag-ipon para pang down payment sa isang apartment at nang hindi na kami mangupahan.
Nasubukan ko nang tumira sa mga boarding house at alam kong marami kang hindi puwedeng gawin dahil hindi sa iyo ang bahay. Natutunan ko din na mahalaga ang may mortgage para makaipon ka ng pang-equity at nang sa gayon ay makabili ka ng mas malaking bahay.
Subalit hindi madali ang paghihintay, sinubok din ako at ang pamilya ko ng panahon. Na deny ang panganay ko ng visa dahil bagama’t nag-aaral siya at nasa tamang edad ay nakita sa kanyang transcript of records na huminto siya nang isang semester. Sinubukan kong makiusap ngunit sa pangalawang pagkakataon ay nabigo ako.
Bandang huli ay pumayag na lang ako, ayon na rin sa payo ng isang immigration consultant. Sinabi sa akin na pagkatapos kong makuha lahat yong tatlo niyang kapatid at ama nila ay puwede ko pa rin siyang makuha bilang “the only relative left”.
Taong 2012 nang magpa-medical examination ang pamilya ko matapos ipinasumite ng Immigration ang mga pasaporte nila. Masayang-masaya ako sapagkat abot-tanaw na ang pagsasama naming mag-anak.
Sa kasamaang palad ay nadisgrasiya ng isa kong anak ang nobya niya, kaya may isang apo na nadagdag sa aking pamilya. Kinakailangan ko na namang ideklara ito ayon sa batas, bagamat sa umpisa ay nag-atubili ako dahil natatakot ako na muling mababalam ang pagdating nila. Sa kalaunan ay ginawa ko pa rin ang tama, dahil din marami akong naririnig na kaso ng mga kaanak na pinabalik sa Pilipinas dahil may mga nadagdag sa kanilang pamilya habang inaayos ang kanilang papeles, at hindi nila idineklara. Natakot ako na pagkatapos ng madaming sakripisyo at mga gastos ay pababalikin lang din sila.
Naging dahilan ito para maghintay na naman ako nang dalawang taon. Panibagong bayad para sa medical examination, at para sa mga bagong pasaporte dahil mag-e-expire na iyong mga dati nang nakasumite sa Embassy. Apat na beses din silang kumuha ng NBI clearance dahil madali itong mapaso, at dalawang beses para sa CNM at transcript of records.
Tuwing makakarinig ako na na-approve ang pamilya sa mga kasamahan kong caregivers na mas huli pang nag-apply ay naiiyak ako sa matinding inggit.
Sa loob ng panahong ito ng paghihintay, nakatapos ang panganay ko ng civil engineering, at pumasa agad sa board exam na may markang 86%. Dahil sa galit ko sa pagtatago niya na huminto siya pag-aaral na nagsanhi para hindi siya mabigyan ng visa sa Canada ay hindi ko siya pina-enrol sa review classes. Binigyan ko lang siya ng perang pambili ng mga libro, at mag-isa siyang nagrepaso.
Kaya ganoon na lang ang tuwa ko nang malaman na ang ginawa kong pagpapakita ng tough love ay nagbunga ng tama.
Para akong sira-ulo na nagsisigaw sa daan noon at ngisi nang ngisi sa mga kasalubong ko dahil sa natanggap kong balita. Hindi kasi biro ang sakripisyong ibinuhos ko sa pagpapaaral sa mga anak ko.
Iyon ang unang biyayang natanggap ko sa gitna ng kalungkutan ng mga nagdaang buwan.
Ang pangalawang biyaya ay nang malaman kong tapos na ang pagproseso ng Immigration sa papeles ng pamilya ko, bandang Valentines Day ng 2014. Nasundan pa ito ng pangatlong malaking biyaya nang makatapos ang anak kong may anak na ng computer engineering, at Marso na ang graduation niya.
Sa sumunod na buwan, Abril, ay na-confirm naman na ganap na akong permanent resident. Abril din nang matapos ang transaksiyon ko sa pagbili sa aming apartment na tutuluyan.
At sa petsang ito, Mayo 22, 2014, naganap ang pagsasama-sama naming mag-anak muli.
Hindi ko natupad ang pangako ko sa aking mga alagang sina Morgan at Evan na hindi ako iiyak dahil bumuhos talaga ang aking luha.
Pagkatapos ng 20 taon kong pagtatrabaho sa ibang bansa at pagtitiis para mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking pamilya, ito ang tagumpay at biyayang tangi kong pinakahihintay.
---
Ang may-akda ay isang residente sa Canada, na dumating doon bilang caregiver 10 taon na ang nakakaraan. Ito ang kuwento ng kanyang pagpapakasakit para maging ganap na residente, at madala doon ang kanyang pamilya. Bago tumulak patungong Canada, si Bhing A. Valin ay nagtrabaho sa Hong Kong ng 10 taon, at naging isa sa mga masisipag na manunulat para sa The SUN.