Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Halinang magpidal sa Shatin-Taipo Track

14 April 2016

Ni Marites Palma

Ang pagbibisekleta ay isa sa mga paboritong libangan ng mga naninirahan sa Hong Kong, dahil maliban sa magandang epekto nito sa katawan ay nakakaaliw din ito. At isa sa pinakamadalas puntahan ng mga siklista ay ang Shatin-Taipo Cycling Track.
Maraming magagandang tanawin kasing masisilayan habang tinatalunton ng isang siklista ang kahabaan ng 16-kilometrong cycling trail na matatapos sa tatlong oras na pagpapadyak.
 Makikita sa daanang ito ang matatarik na kabundukan at magagandang aplaya sa New Territories, ang lugar na pinagmulan ni dating world cycling champion Wong Kam Po.
Maaaring mag-umpisa sa Tai Wai. Doon ay may arkilahan ng bisikleta sa tapat ng Exit A ng Tai Wai MTR station. Pagkatapos umupa ng bisikleta ay maaari nang tuntunin ang cycling track patungong Shing Mun River.
Makikita rito ang pinagandang ilog na iniakma sa pag-unlad ng distrito ng Shatin, na dati ay isang pamayanan ng naninirahan sa pampublikong kabahayan. Ngayon, ang lagusan ng ilog ay ang Tolo Harbour na ang magkabilang pampang ay siyang bumubuo sa isang recreational zone na may mga jogging trail at cycling track.
Sa Shing Mun River ginaganap ang taunang karera ng mga bangka tuwing sasapit ang Dragon Boat Festival. Mula sa Shing Mun River ay madaraanan ang Hong Kong Heritage Museum, kung saan tampok ang mga sinaunang kayamanang pangkultura ng China at ang pinakamalaking replica ni Bruce Lee. Ilang padyak mula roon, sa kabila ng ilog, ay tanaw ang Che Kung Temple.
May mga parke rin doon na ginagawang tambayan ng ilang mga Pilipino tuwing araw ng pahinga. May mga kainan din sa tabi ng museum na kadalasang kinakainan ng matatanda at mga nagku-kwentuhang mga Pilipina.
Nakatutuwa ring pagmasdan ang mga grupo ng matatandang namimingwit ng isda dahil nagpaparamihan sila ng nabibingwit at nagkakantiyawan. Maraming isda na karaniwa’y tilapia at banak sa Shing Mun River.
May apat na kilometro mula sa Tai Wai ay paahon na ang cycling track habang binabaybay ang timog na pampang ng Tolo Harbour. Doon ay makikita ang Hong Kong Science Park, isang kumpol ng magagara at makikinang na gusaling bakal at salamin.
Tinawag na state-of-the-art ang arkitektura ng Hong Kong Science Park, ang sentro ng pagtuklas sa agham at teknolohiya dito sa SAR. Kadalasang nagaganap ang pagtitipon at pagtatanghal ng mga bagong tuklas na kaalaman sa siyensiya at teknolohiya, gayundin ang mga bagong imbensiyon.
Makikita rin ang isang napakaganda ngunit artipisyal na lawa at mamamangha ka dahil hindi mo aakalaing ginawa lamang ng tao.
Maluwang na ang daan kapag nakarating ka na sa Pak Shek Kok.  Maaliwalas na rito at maaaring magpahinga sa mga upuang nakaharap sa Tolo Harbour. Mula sa kilalang trail na ito, mapapahanga ka sa ganda ng bundok ng Ma On Shan.
Isinunod ito sa malaupuang hugis ng tuktok ng bundok na namamasdan sa katapat na baybayin. Diretso ka pa at mararating mo ang maharlikang tanawin ng Pat Sin Leng, na literal na ipinangalan sa “Ridge of the Eight Immortals”. Kakaiba ito dahil ang walong taluktok ng bundok ay nakahilera.
Ilang saglit na lang at matatapos na ang pagpipidal ng bisikleta sa Tai Po Waterfront. Mula sa pinakamalaking liwasan sa lungsod ng Taipo ay sasalubong sa iyo ang halimuyak ng makukulay na bulaklak.
Dito ang perpektong lugar sa pagpapalipad ng saranggola. Matutunghayan din ang iba’t ibang klase ng insekto mula sa Insect House. Mayroong teatro sa labas malapit sa hugis-bangkang languyan.
Tanaw ang kagandahan ng Tolo Harbour kapag tumuntong ka sa 32 metro ang taas na Lookout Tower na parang higanteng kabibe and hugis.
Mula sa Tai Po harbour ay puwede nang maglakad papunta sa MTR Tai Po Market station. Dumaan sa Tai Po Tai Wo Road at Nam Wan Road. Maaari ring sumakay sa bus 275K sa Yuen Shun Roadpapuntang MTR Taipo Market station, ngunit ito ay tuwing Linggo at espesyal na holiday lamang

Don't Miss