Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Global Alliance- Itinatatag ng pagkakaisa

29 April 2016

Sumusumpa sa tungkulin ang mga opisyal ng bagong organisasyon.
Ni Jo Campos

Sa laki ng komunidad ng mga Pilipino dito sa Hong Kong, maraming organisasyon ang naitatag, nabuwag at patuloy na itinatatag. May mga organisasyon na binubuo lamang ng ilang mga kasapi, ang iba nama’y mga malalaking alyansa ng mga mula sa iba’t ibang probinsiya at rehiyon ng Pilipinas.
May iba’t ibang konsepto at adhikain din ang mga grupong kinabibilangan ng mga Pilipino dito sa Hong Kong, at sila ay aktibo sa kanilang mga gawain. May mga grupong mga patimpalak katulad ng pagandahan ang madalas na itinatanghal. Mayroon namang   palakasan ang tutok, o pulitika at pakikibaka para sa karapatan ng mga migranteng Pilipino. Ang ilan nama’y sa pangkultura at paglilingkod sa komunidad ng mga Pilipino at pagbibigay ng boluntaryong serbisyo sa Konsulado ang ginagawa.
Magkakaiba man ang kanilang adhikain, iisa ang kanilang layunin, ang magbigay ng kaalaman at makiisa sa grupo ng mga Pilipino sa Hong Kong.
Ang Global Alliance ay isa sa mga bagong tatag na grupo, bagamat ang mga lider nito ay beterano na sa larangan ng pag-oorganisa. Mayroon itong 34 na indibidwal na organisasyon at tatlong pederasyon: ang Luzon Alliance International, La Union Federation at Ilocos Norte Association of Hong Kong.
Sa ilalim ng bawa’t pederasyong nabanggit ay marami pang ibang grupo. Ang LAI ay may 25 kaalyadong organisasyon, ang Lufoh ay may 14, at ang InaHK ay may 10.
Itinatag ang Global Alliance noong Dis 25, 2015, at nakuha ang kanilang lisensiya sa ilalim ng Hong Kong Police Societies Ordinance noong Peb. 29 ng kasalukuyang taon.
Bago ito, tumiwalag ang 32 kaalyadong organisasyon ng Philippine Alliance at sumama sa GA. Ayon kay Leo Selomenio, chairperson ng GA, anomalya sa pamumuno at hindi pagkakasundo ng mga miyembro ang nagtulak upang ang karamihan ng kaalyadong grupo ay tumiwalag sa nasabing organisasyon.
Si Selomenio ay naging pangulo ng PhilAlliance sa loob ng tatlong taon at ang yumaong si Nazzer Ampang ang chairman nito. Lumala ang lamat sa loob ng grupo nang yumao si Ampang at nagkanya-kanya ang mga nakapailalim dito.
Ayon pa kay Selomenio, noon na nagpasya ang mga pinunong miyembro ng alyansa na bumuo ng isang bagong grupo na ang pangunahing layunin ay pagkakaisa.
“Ako lang daw ang tagapagtanggol nila at nakiusap sila, kaya binuo namin ang Global Alliance,” sabi ni Selomenio. “Masakit man na lisanin ang aming pinanggalingang grupo, pero mabuti nang naghiwa-hiwalay kami kesa magsama na hindi nagkakaunawaan. Maraming hinanakit at sama ng loob sa akin lalo na sa aking kasamahan na nagbuhos ng hirap para lang maitaguyod ang dating alyansa.” ang sabi ni Selomenion.
Dagdag pa niya: “Sa kabila ng lahat ng ito, ang pagkakaisa pa rin ang nanaig sa mga miyembro upang bumuo ng isang alyansang magpapatuloy ng kanilang mga adhikain”. Ang Global Alliance na binubuo ng 15 mga pinuno nito ang naging kasagutan sa hiling na ito.
Sa pangunguna ni Selomenio bilang chairman, nakahanay agad ng pagkakaabalahan ang mga miyembro ng GA, kabilang ng pagsasawa ng malalaking kasiyahan sa Chater Road sa Central.
Kamakailan, nag-umpisa na rin silang tumulong sa pamamahagi ng OEC sa extension office ng Philippine Overseas Labor Office sa Worldwide Plaza sa Central. May ilan pa silang mga susunod na proyekto bilang ayuda sa bagong labor attache na si Jalilo de la Torre.
Sa kagustuhan na makatulong sa mga kapwa nila OFW na nangangailangan, nag desisyon ang GA na magkawanggawa para sa Bethune House Migrant Women’s Refuge.
Handa din silang maghatid ng tulong sa iba pang mga kababayan na nangangailangan.
Bukod dito, nananatiling nakatutok ang GA sa kanilang adhikain na itaas ang dignidad at paigtingin ang pagkakaibigan at pakikisama ng mga OFW dito sa Hong Kong. Balak nila itong isagawa sa pamamagitan ng pagtaguyod ng kulturang Pilipino, gayundin ang pagbibigay ng kaalaman sa kapwa Pilipino tungkol sa reintegrasyon at pangkabuhayan.
Patunay ang lahat ng ito na ang galing o halaga ng isang organisasyon ay hindi nasusukat sa dami ng mga miyembro nito, o tagal ng pagsasama, kundi sa kung gaano katatag ang mga namumuno.

Don't Miss