Makakalaban ng kanyang pelikulang Ma’Rosa ang mga kalahok na Toni Erdmann, Maren Ade (Germany), Julieta, Pedro Almodóvar (Spain); American Honey, Andrea Arnold (UK); Personal Shopper, Olivier Assayas (France); La Fille Inconnue, Jean-Pierre Dardenne at Luc Dardenne (Belgium); Juste La Fin Du Monde/It’s Only the End of the World, Xavier Dolan (Canada); Ma Loute/Slack Bay, Bruno Dumont (France); Paterson, Jim Jarmusch (USA); Rester Vertical, Alain Guiraudie (France); Aquarius, Kleber Mendonça Filho (Brazil); Mal De Pierres, Nicole Garcia (France); I, Daniel Blake, Ken Loach (UK); Bacalaureat, Cristian Mungiu (Romania); Loving, Jeff Nichols (USA); The Handmaiden (Agassi, The Handmaiden); Park Chan-Wook (South Korea); The Last Face, Sean Penn (USA); Siera Nevada, Cristi Puiu (Romania); Elle, Paul Verhoeven (Netherlands); at The Neon Demon, Nicolas Winding Refn (Denmark).
Ang Ma’Rosa ay tinatampukan ni Jaclyn Jose bilang Rosa, kasama sina Julio Diaz, Mark Anthony Fernandez, Andi Eigenmann, Felix Roco, Jomari Angeles at Kristoffer King.
Bukod sa pagiging director, si Mendoza rin ang executive producer at production designer ng Ma’Rosa. Ito ang kanyang ikalimang pagsali sa Cannes. Noong 2007 ay ipinalabas ang pelikula niyang “Foster Child” sa Director’s Fortnight, ang “Serbis” ay ipinalabas noong 2008 (main competition, at nominated para sa Palme d’Or ), “Kinatay”, noong 2009 (nominated sa Palme d’ Or, at nagpanalo ng best director kay Mendoza) at “Taklub” noong 2015 (Un Certain Regard, at nanalo ng Ecumenical Jury Prize).
Ilan pa sa mga pelikula ni Mendoza na naging kalahok at nanalo sa ibang international film festivals ay ang “Captive”, “Tirador”, “Thy Womb” at “Lola”. Ang kanyang unang pelikulang, “Masahista” (The Masseur) na pinagbidahan ni Coco Martin ay nanalo ng Golden Leopard noong 2005 sa Locarno International Film Festival sa Switzerland.
ANGELICA, HUGOT QUEEN
Usung-uso ang mga “hugot” lines ngayon, sa mga pelikula, (“That Thing Called Tadhana”, “English Only, Please”, “Walang Forever”, ang ilan), at mga tv shows, lalong lalo na sa Banana Sundae, kung saan ay tampok si Angelica Panganiban. Ang pansin nga ng marami ay may pinanggagalingan ang mga hugot ng aktres dahil sa break-up nila nila ni John Lloyd Cruz.
Ilan sa mga hugot lines ni Angelica:
Bakit pag breaking news, sa akin ibinibigay? Bakit? Porke ba break na kami? Hindi yun breaking news, old news na yon, kaya kayo mag move-on na rin kayo!
Partner? Yung dinuguan may partner, ako wala!
Dapat yung ex ko naging cellphone na lang. Nang sa ganun, kusa siyang namamatay kapag nagloloko siya.
Nauntog ka? Buti ka pa nauntog na. Ako kasi, hindi pa e.
Oo, mag-isa ako, tapos lahat ng nakikita ko puro magka-holding hands. Masaya ka na, mag-isa ako? Okay na?
Haircut: Gusto ko yung maiksing-maiksi, katulad ng relasyon naming maiksi lang.
Sa umpisa lang yan mainit. Tignan mo, pagtagal-tagal magkakalamigan din kayo, parang kami.
Napakarami mong planners, pero ako pala, hindi man lang ako kasama sa mga plano sa buhay mo!
Ayoko nang may ka-share! Ayoko nang meron ang pinagbibigyan ng kalahati ng sarili ko! Ayoko na, pagod na ako! Simula ngayon, ako na lang.
Oo, split na kami, hiwalay na kami! Bakit kailangan mo pang ipagdiinan? Ano ngayon, masaya ka na?
Dok: May taning na ang buhay mo.
Angelica: Ganun ba? Ayos lang Dok, wala namang forever e.
Talagang pinapaasa nyo lang kami lagi. Sa umpisa: di ba pinapasaya, ibibigay nyo yung lahat, tapos ipaparamdam nyo sa amin na yung pagsasama natin, buong pagkakamali lang pala,
Oo, nasasaktan ako, pero hindi ko yun sinasabi, dahil hanggang ngayon, mahalaga pa rin siya sa akin.
Cellphone? Aanhin ko ang cellphone? Wala nang nagte-text sa akin!
Alarm clock? Sana nga gumana na yan dahil gusto ko nang magising.
Kapag ang isang relasyon tapos na, ibig sabihin hindi na pwedeng ulitin! Ibig sabihin, nun, the end na, period, walang ulitan!
Excess baggage? E palibhasa ganyan kayong mga lalaki. Ganyan ang tingin nyo sa aming mga babae, diba? Excess baggage!
Sa bumibili: Patawad? Paulit-ulit akong nagpa-patawad a! May nangyayari ba, wala naman. Ayoko na, pagod na ako, ayoko na!
Sa Family Feud: Magbigay ng mga bagay na dahilan ng paghihiwalay ng magkasin-tahan.
Angelica: Babae! Third party, ganun!
JULIE ANN, GRADUATE NA
Maraming dapat ipag-pasalamat si Julie Ann San Jose sa buwang ito dahil may mahahalagang okasyon ang kanyang ipagdiriwang: ang kanyang ika 22 taong kaarawan sa May 17, ang pag-release ng kanyang ikatlong solo album, ang pagkakaroon ng bagong concert at higit sa lahat, ang kanyang pagtatapos ng pag-aaral sa kolehiyo.
Importante para sa kanya ang matapos ang kanyang pag-aaral dahil alam niya na ang trabaho sa showbiz ay walang katiyakan. Kaya kahit nabigyan siya ng pagkakataon na makilala na bilang mahusay na singer at may regular na TV shows ay hindi niya kinalimutan ang kanyang pangarap na tapusin ang kanyang kursong mass communications sa Angelicum College.
Ngarag si Julie Ann nitong mga nakalipas na linggo dahil sa dami ng dapat niyang tapusin at dapat na makumpletong requirements sa kanyang pagtatapos, lalo na at humahabol siya sa honors list. Kapuri-puri ang ginagawa niya na sa kabila ng napakarami niyang projects ay naisabay pa niya ang kanyang pag-aaral.
Sa May 14 ay gaganapin ang kanyang concert na ‘In Control” sa Kia Theater, kaya kailangan din niyang paghandaan ito ng husto, lalo na at itinaon din ito para sa kanyang ika-sampung taon sa showbiz. Pasasalamat na rin daw niya ito sa lahat ng mga taong tumulong sa kanya sa kanyang career at sa mga fans na tumulong na malampasan niya ang hirap na napagdaanan niya. Binanggit din niya ang kanyang ama na noong una ay tutol sa pagsabak niya sa showbiz dahil gusto nitong pagtuunan niya ang kanyang pag-aaral. Pero dahil naipakita naman niya na kaya niyang pagsabayin ito, ngayon ay suportado na siya nito, at inihahatid pa sa kanyang trabaho.
PATAKARAN SA MMFF 2016, BABAGUHIN
Ipinahayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chair Emerson Carlos na magkakaroon ng mga pagbabago para sa lalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016.
Hindi na sila tatanggap ng scripts, at sa halip ay finished product o mga pelikulang tapos na at handa nang ipalabas sa September 28, ang huling araw ng submission of entries. Ihahayag ang walong mapipiling entries sa October 11.
Maliban dito, tatanggalin na rin ang cash prize para sa mga mananalo. Aalisin na rin ang kategoryang Best Child Performer award, at papalitan ito ng Kids’ Choice award, kung saan ay mga bata mismo ang boboto sa para sa kanilang paboritong batang aktor.
Aalisin na rin ang pagpili ng Second Best Picture at Third Best Picture.
Magiging batayan din sa pagpili ng kalahok ay artistic excellence, technical competence at pagkakaroon ng global appeal.
Magkakaroon na raw ng tsansa ang mga maliliit na filmmakers kahit hindi malalaki at hindi sikat ang mga artista nila basta’t maganda ang kalidad ng kanilang pelikula, lalo na at bababaan din ang bond o joining fee ng mga producers. Mula sa dating Php 500,000 ay Php50,000 na lang ito ngayon. May insentibo pang maging Php30,000 na lang ito kapag nai-submit ang kanilang entries ng maaga.
Mananatili ang Parade of Stars na naging tradisyon na sa nagdaang maraming taon ng MMFF.
Ang mga miyembro ng MMFF executive committee na naatasang pumili ng magiging kalahok bukod kay Carlos ay ang mga movie producers na sina Jesse Ejercito at Wilson Tieng, Mowelfund president Boots Anson Roa-Rodrigo, Sen. Sonny Angara, screenwriter Moira Lang at MTRCB chair Eugenio Villareal.