Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ang talon sa Tai Tam Mound

29 April 2016

Ni Marites Palma


Kapag sawa na sa mga dating tambayan, o pagod sa walang tigil na balitaktakan tungkol sa eleksyon, galugarin ang kabundukan ng Hong Kong, at hanapin ang mga naggagandahang talon na kadalasang makikita malapit  sa mga ilog at sapa. Sa mga kabundukang nadadamitan ng kulay berdeng mga punong kahoy ay matatagpuan ang mga dose-dosenang talon ng tubig na ang karamihan ay nakatago, at parang nang-aakit na hanapin sila.
Lingid sa kaalaman ng marami ay sadyang pinagkalooban ang Hong Kong ng mga natural na mga magagandang tanawin na paboritong galugarin ng mga mahilig mamundok at mag diskubre ng kakaibang lugar. Kahit gumugol pa sila ng ilang oras sa paglalakad sa mga matatarik na kabundukan ay hindi nila alintana, marating lang ang mga talon na ito na tunay na nakakawala ng pagod dahil sa angking ganda.
Kung baguhan sa pamumundok ay may paraan para hindi masyadong mapagod, basta alam mo lang mga lugar na malapit sa babaan ng bus.
Isa sa mga ito ang kilalang Taitam Mound Falls, na mararating mula sa pinakamalapit na bus stop matapos lang ng 15 minutong paglalakad. Hindi ito mahirap hanapin, at tunay na kaiga-igaya ang daan papunta dito.
Habang naglalakad papasok sa kakahuyan ay agad mararamdaman ang malamig na dampi ng preskong hangin, na sapat na upang mapakalma ang isip at puso. Sa daraanan ay makakakita  ng mga iba’t ibang kulay ng paru-paro, na maamo at hindi nangingiming dumapo sa mga naglalakad.
Kadalasang layunin ng mga nagpupunta sa talon ay ang makapaligo sa napakalinis na daluyan ng tubig, at nang maibsan ang init na nararamdaman dahil sa paglalakad, lalo na tuwing  panahon ng tag-init.
Isang paraan din ito upang maibsan ang kalungkutan ng mga taong hirap sumabay sa daloy ng buhay sa Hong Kong, at pati na ang mga OFW na nais makalimutan kahit saglit lamang ang bigat ng kalooban dala ng pagkahiwalay sa pamilya at iba pang mga mahal sa buhay.
Ang isa pang nakakaaliw sa pagpunta dito ay ang libreng fish spa na nakikita lamang sa mga mamahaling resort sa ibang lugar. Maraming maliliit na isda ang nakatira sa napakalamig at napakalinaw  na tubig dito, at gawi nila ang kumain ng mga tuyong balat sa paa. Oras na lumusong ka sa tubig ay sasalubungin ka kaagad ng mga isdang ito.
Swak na swak din ito sa mga mahilig magkainan dahil nagkalat ang mga barbecue pit sa lugar. Mahigpit lang na ipanapaalala ng gobyerno ng Hong Kong na huwag magkalat o magtapon ng mga pagkaing hindi naubos. Kung kinayang dalhin ay kakayanin din dapat bitbitin pabalik sa pinanggalingan.
Mula sa magandang lugar na ito ay matatanaw ang kabuuan ng Tai Tam Reservoir, na nagsisilbing imbakan ng tubig para sa mga residente ng Hong Kong island. Ito marahil ang isa sa mga pinakamagandang tanawin dito sa Hong Kong, dahil sama-samang nakikita ang mga bundok, dagat at kahuyan.
Paano ang pagpunta sa talon na ito sa mala-paraiso nitong kapaligiran? Simple lang. Sumakay ng MTR island line hanggang sa istasyon ng Sai Wan Ho, at lumabas sa exit A. Sa bungad ay makikita na agad ang bus stop kung saan maaring sumakay sa bus no 14 patungong Taitam Reservoir North. Ang madadaanang dam ang senyales na kailangan nang bumaba sa susunod na bus stop kung saan mayroong kulay asul na bilog na nakalagay sa poste ng hintayan. Aabot ng 20 minuto bago marating ang  tinutukoy na bus stop. Pagbaba sa bus ay magsimula ng maglakad, sa direksyong pasalubong sa mga sasakyan. Doblehin ang pag-iingat habang naglalakad sa daan dahil walang sidewalk at lubhang delikado sa paglalakad lalo na kung may mga parating na malalaking bus. Maglakad hanggang sa sign post na nagsasabing doon ang daanan papunta sa talon. Aabot  ng 12-15 minuto na lakad mula sa kalsada hanggang sa sapa na pinanggalingan ng tubig na bumabagsak sa mataas na talon.
Diretsuhin lamang ang paglalakad hanggang marating ang unang maliit na tulay na gawa sa kahoy. Pwedeng maglaro ng tubig sa sapa na ma mga malalaking bato, at maliliit na talon. Napakagandang magpakuha ng larawan sa bungad ng nabanggit na talon. Mawawala agad ang konting pagod sa oras na inilublob mo na ang iyong mga kamay at paa sa umaagos na malamig at malinis na tubig galing sa kabundukan. Maari ding magdala ng konting pagkain at doon magpicnic kasama ang mga kaibigan. Bungad pa lamang ay kitang kita na ang kagandahan ng pook na ito, kaya hindi malayong magpasalamat sa Poong Maykapal dahil sa kanyang mga likas na magagandang likha.
Mula sa unang tulay ay kailangan pang maglakad ng 50 metro hanggang sa makarating sa poste na may tatak na H067. Diretso pa rin ang lakad hanggang sa pangalawang tulay na gawa sa kahoy din. Dito ay kailangan munang lumiko pababa sa kaliwa bago makaakyat sa hagdanan. Limang minuto din ang gugulin sa paglalakad pababa.
Kung gusto na tunay na ma-relax ay maaring magtanggal ng sapatos para maramdaman ang mga nakausli at magaspang na mga malalaking bato. Medyo maputik nga lang ang mga ugat ng kahoy. Nakakagaan ng pakiramdam kapag nagyapak pababa, at ramdam na ramdan na ang tunog ng nahuhulog na tubig mula sa taas.  Pagdating sa talon ay siguradong walang puknat na kuhanan ng litrato ang agad aasikasuhin ng bawat isa.
Napakasarap sa pakiramdam na dadampi sa iyong pisngi ang talsik ng tubig na nanggaling sa taas. Napakagandang lumangoy sa parteng  malalim, ngunit ang dami ng tubig na nanggaling sa taas ay depende sa dami ng tubig ulan.
Kailangan ding tingnan muna ang weather forecast bago magtungo dito dahil nagkakaroon ng flash flood kung minsan kapag malakas ang bugso ng ulan.
Sa lagusan ng tubig ay may naglalakihan na namang bato na pwedeng gamitin na background para sa selfies at iba pang litratohan.
Ang tubig na nanggaling sa talon ay bumabagsak sa Taitam Reservoir. Kitang kita dito ang mga  maliliit na isda na malayang lumalangoy sa mga gilid gilid ng mga batong naglalakihan. Kapag nakuntento na sa pagkuha ng larawan at nakapaligo na ay bumalik lang sa dating dinaanan dahil doon din ang akyat pabalik.
Pagdating sa unang tulay kung saan umaagos ang tubig ay maaring maghugas, at pagkatapos ay magpatuyo ng paa bago isuot ang sapatos.
Kakaibang ngiti sa labi ang masisilayan sa mukha ng mga pabalik na mula sa pagbisita sa talon. Tanda ito ng pagkakaroon ng magaan na pakiramdam at magkakaroon ng planong mamumundok ulit sa ibang lugar at muling maghanap ng mas maganda pang talon dito sa Hong Kong.

Don't Miss