Paulit-ulit na ipinagmamalaki ng gobyerno at ng mga nasa likuran ng negosyong IT-BPO na hihigitan ng industriyang iyon ang dolyar na padala ng mga OFW pagdating ng araw.
Sa katunayan, nangako ang pamahalaang Arroyo noong bandang gitna ng pagkakaluklok nito na gagawa ito ng 1 milyong trabaho taun-taon sa bansa sa tulong ng IT-BPO industry, na magsisilbi umanong pangunahing balon ng empleo ng mga Pilipino. Ngunit hanggang sa kanyang pagbaba sa puwesto ay hindi natupad ang hulang iyon.
Hiniram din ni Pangulong Benigno Aquino III ang pananaw na ito nang humalili siya sa Malakanyang ngunit malapit nang matapos ang kanyang anim na taon sa puwesto ay hindi pa rin natutupad ang target na 1 milyong trabaho sa tulong ng call center taun-taon.
Sa Five-Year Philippine Development Plan mula 2011 hanggang 2016 ay tinukoy ng gobyerno ni Aquino ang IT-BPO bilang isang lugar na may mataas na potensyal at pangunahing sektor na pang-akit sa mga mamumuhunan. Kaugnay nito, nagsagawa ang gobyerno ng maraming programa sa pagsasanay upang lalong mapalakas ang IT-BPO.
Dahil diyan, kung sinu-sino na ang humulang dadaigin ng IT-BPO ang OFW remittances bilang pangunahing panggagalingan ng dolyar na dadaloy sa ekonomiya ng Pilipinas sa taong 2015. Ngunit napahiya ang mga manghuhula ng pamahalaan.
Lumipas ang 2015 at hindi pa nahihigitan ng kita sa IT-BPO ang halaga ng perang padala sa taun-taon ng mga OFW na kasambahay, obrero sa konstruksiyon, seaman at propesyonal sa ibayong dagat sa mga mahal nila sa buhay.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot sa US$25.77 bilyon ang perang ipinadala ng mga OFW sa bansa sa 12 buwan hanggang nitong Enero, mas mataas nang 4.6% kaysa sa kabuuang US$24.63 bilyon ipinadala nila sa katulad na panahon noong 2014. Para sa Enero ng taong ito ay umabot sa US$2 bilyon ang padala ng mga OFW.
Walang bagong estadistika ang Bangko Sentral ukol sa IT-BPO para maikumpara ang kinita ng dalawang industriya, ngunit batay na rin sa mga ulat ng BSP sa pagitan ng 2004 at 2013, umabot lamang sa US$14.75 bilyon ang kinita ng mga call center mula sa mga pinagsilbihang bansa.
Isang kumpanyang nag-aanalisa ng pamilihan ng mga ari-arian sa Pilipinas ang nag-ulat na kumita ang IT-BPO ng US$18.9 bilyon noong 2014 at hinulaan nito na lalaki pa ang kita nang 15% hanggang 18% para sa 2015 at aabot sa US$25 bilyon. Hindi sinabi ng Pinnacle Real Estate Consulting Services kung saan nanggaling ang numero nila.
Halimbawa mang maungusan ng IT-BPO ang mga OFW sa laki ng halaga ng dolyar na naiaambag sa ekonomiya ng Pilipinas, hindi dahilan iyon upang hindi pansinin ng gobyerno ang kapakanan ng mahigit 2 milyong manggagawang Pinoy na nasa iba’t ibang sulok ng mundo upang maghanap-buhay.
Unang-una, mas malawak na bahagi ng lipunang Pilipino ang nabubuhay dahil sa kinikita ng mga OFW. Ang dolyar na ipinapadala nila sa Pilipinas ay gumugulong sa iba’t ibang sektor, mula sa mga bangko at kumpanya ng remittance hanggang sa mga tindahan at mga tindera sa bangketa na binibilhan ng mga pamilya ng OFW.
Samantala, hindi naman kalakihan ang kita ng mga empleyado sa call center upang makaambag sila ng katulad na halaga ng pera sa lokal na ekonomiya. At ang industriyang iyan ay nakasalalay sa patakaran ng mga lider ng mga kliyenteng bansa.
Samakatwid, hindi tamang isantabi ng gobyerno ang mga OFW at lalong mali na tratuhin nito sila bilang mga produktong panluwas. Sa halip ay dapat nitong pag-ibayuhin ang pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa upang makagawa ng marami at disenteng trabaho para sa mga mamamayan upang hindi na silang kailangang mangibang-bayan.