AlDub you
14 April 2016
Araw ng Linggo kamakailan ay mistulang pilahan sa pagkuha ng OEC ang haba ng pila sa BDO sa Worldwide Plaza. Kabilang si Ellie sa pumila para lang makabili ng tiket para sa pelikulang My Bebe Love na ipalalabas dito sa Hong Kong. Sa pag-aakalang wala pang pila ay inagahan ni Ellie ang pagpunta doon. Bago pa mag-alas otso ng umaga ay nasa harapan na siya ng bangko, na ang takdang pagbubukas ay alas nuwebe, pero ganoon na lang ang gulat niya dahil mahaba na ang pila. Inabot siya ng halos kalahating araw para lang makabili ng tiket para sa kanilang magkakaibigan. Masugid silang mga tagahanga nina Alden Richards at Maine Mendoza na mas kilala bilang AlDub. Ayon kay Ellie, daan-daang katao ang pumila para bumili ng tiket at mapanood ang kanilang mga idolo. Mabuti naman na hindi siya nainip dahil marami siyang nakilala at naka-kuwentuhan na kapwa niya fans ng AlDub. Karamihan sa mga nakapila ay miyembro ng fans club sa Hong Kong ng kanilang mga idolo. Gulat si Ellie dahil napakarami daw pala nila. Kahit diehard fan siya ay hindi sila sumasali sa mga grupong ganito, at sinusubaybayan na lang ang mga idolo sa Twitter at sa Facebook. Matapos ang ilang oras na pagtayo at pakikipagsiksikan ay masayang napasakamay na rin ni Ellie ang pinilahang tiket. Tuwang tuwa siya dahil marami siyang nakilalang mga bagong kaibigan na kapareho niya ang hilig. Masayang nagpaalam si Ellie sa mga bagong kakilala sa pamamagitan ng “pabebe wave” at pagsasabi ng “AlDub you” na pinauso ng kanilang mga idolo sa TV. Si Ellie ay isang dalaga at kasalukuyang nagtatrabaho sa Pokfulam. – Jo Campos