Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tayo na sa Inspiration Lake

07 March 2016

Ni Jo Campos

Sawa ka na bang umistambay sa mga bangketa ng Central? Napuntahan mo na ba ang halos lahat ng mga mall? Nakakasakal na ba ang maingay, masikip at maruming hangin sa siyudad?

Kung ganoon, tara na at pumasyal sa may bandang HK Disney, sa Inspiration Lake Recreation Centre. Ang pasyal na ito ay para sa mga kapos sa budget, at hindi kaya ang entrance fee sa Disney na nagkakahalaga na ngayon ng tumataginting na $539.

Ang buong Recreation Centre na bahagi rin ng Disney, ay may lawak ng 30 ektarya at makikita sa Penny’s Bay sa Lantau Island. Ang Inspiration Lake na nasa sentro nito ay may lawak naman na 12 ektarya, at kilala bilang pinakamalaking artipisyal na lake o lawa sa buong Hong Kong.

Ang lalim nito ay nasa pagitan ng 6.5 hanggang 7.5 metro, at nagsisilbi itong irigasyon o patubig sa kabuuan ng Penny’s Bay. Binuksan ito sa publiko noong 2005 bilang isang pasilidad na pasyalan at reservoir para sa irigasyon.

Bukod sa pasyalan, ito ay may jogging path na 1,500 metro ang haba, playground para sa mga bata, mga gazebo, water cascade at water jet o fountain na bumubuga ng 18 metrong tubig pataas.

Sa lawa ay may mga isdang koi na makukulay at nakaaliw pagmasdan. Maaring libutin ang lawa sa pamamagitan ng bangkang de pedal na mauupahan sa halagang $120 bawat oras, at nakakapagsakay ng hanggang apat na katao.

Maari ding magsapin at mag-picnic sa ilalim ng malalagong puno na nagkalat sa malawak na damuhan. Dahil sa ganda ng tanawin sa paligid, tiyak na magkakasayahan ang mga magkakabarkada sa pagkuha ng mga litrato. Kaya’t huwag kalimutan ang mga camera o smartphone, at higit sa lahat, ang selfie stick at power bank, para walang patid ang kasiyahan ng barkada.

Dahil sa nakalilibang na tanawin, maaliw sa paglalakad sa kabuuan ng lugar na hindi namamalayan ang oras at pagod, kaya makakapag-eehersisyo na rin. Iba kasi ang sariwang simoy ng hangin sa paligid na napalilibutan ng kabundukan ng Lantau.

Sa ibang hindi mahilig maglakad, may mga paupahang “surrey bikes” o pedicab sa ating lenggwahe na maaring gamitin sa pamamasyal. Sa halagang $120 kada oras, maaaring mamasyal magkakasama ang hanggang apat na katao.

Sa isang bahagi ng Inspiration Lake ay isang kubling lugar na kung tawagin ay arboretum. Ito ay isang hardin ng mga punong kahoy na may iba’t-ibang uri at katangian. May mga malilim na lugar na pahingahan din dito.

Kung walang baon na pagkain ay may tindahan sa bungad ng Inspiration Lake, kung saan maaring bumili ng mga pang meryenda na pantawid gutom

Matapos ang maghapong kasiyahan at salu-salo kasama ang barkada, bistahin na rin ang bungad ng HK Disney at ituloy ang pag-se selfie at litratuhan sa harap ng Mickey Mouse fountain.

Kung nais manood ng fireworks sa Disney, hintayin ang gabi at tiyak na abot tanaw ito mula sa inyong kinaroroonan sa Inspiration Lake. Siguradong isang masayang pamamasyal at ika nga ay “bonding” ng barkada ang biyaheng Lantau!

Mararating ang Inspiration Lake Recreation Centre mula sa Central Station ng MTR patungo sa Disneyland. Paglabas ng MTR, sa gawing kaliwa pumunta at bagtasin ang malawak na parking area. Lumakad patungong Magic Road hanggang sumapit sa Fantasy Road. Sundan lang ang mga karatulang nagtuturo papunta sa Inspiration Lake. Higit kumulang sa 15 minutong paglalakad ay mararating na ang patutunguhan.

Ang Inspiration Lake ay bukas araw-araw mula 9:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi at ito ay libre para sa lahat.




Ang Inspiration Lake ay naging puntahan na ng maraming Pilipino (itaas) at mga magsing-irog dahil sa magandang tanawin.
Don't Miss