Ni Regina de Andres
Pinakamalaking hamon marahil sa mga OFW sa
Hong Kong ang pag-akyat sa pinakamataas na bundok sa lugar na ito, ang Tai Mo
Shan. Ngunit napagtagumpayan ng 18 Pilipinang domestic helper na kinabibilangan
namin ang hamon na ito dahil sa kagustuhan naming makatulong sa mga taong
nangangailangan.
Isinakatuparan namin
ang pagharap sa hamon na iyon noong Pebrero 14, tatlong linggo pagkatapos
mag-yelo sa ibabaw ng bundok na ito dahil sa sobrang lamig na bumalot sa Hong
Kong nang panahong iyon.
Marami ang nagkainteres
na umakyat sa 957 metro ang taas na Tai Mo Shan, na ang ibig sabihin ay
“malaking sombrero”, lalo na ang mga first-timer sa hiking.
Natupad ang pangarap na
ito nang magyaya ang isang di-pormal na samahan ng mga kasambahay, ang “OFWs in
Hong Kong”, sa Facebook page nito para mag-hiking patungong Tai Mo Shan upang
makalikom ng pantulong sa isang dating OFW na ngayon ay nakikipaglaban sa colon
cancer sa Pilipinas.
Labing-walo ang sumipot
nang nagkita-kita ang mga kasama sa pag-akyat sa MTR station sa Tsuen Wan. Ang
pagsama nila ay hindi lang dahil sa kagustuhang makatulong sa kapwa, kundi
dahil na rin sa hangaring marating ang tugatog ng pinakamatayog na bundok sa Hong
Kong.
Punumpuno ng interes
ang lahat, lalo na’t puro kababaihan at mga baguhan sila sa Hong Kong.
Mula sa Tsuen Wan
station ay nagkaisa ang grupo na magtaksi at magsimula sa Tai Mo Shan Country
Park. Galing doon ay tinunton namin ang Maclehose Trail No.8 na nakapaikot sa
ibabaw ng bundok.
Nagsimula kaming
umakyat ng alas 11 ng umaga, at nakisama ang panahon dahil hindi mainit,
makulimlim, at maulap sa bandang itaas ng bundok, na nakatulong sa pagbagtas
naming sa 10 kilometrong landas.
Ang pag-akyat naming iyon
sa Tai Mo Shan ay nagantimpalaan ng walang kapalit na saya dahil mula sa picnic
site No.4 kasunod ng Hong Kong Observatory weather radar station sa tuktok ay
napagmasdan namin ang napakagandang tanawin ng Hong Kong at Kowloon.
Ang hindi inaasahan ng
mga baguhang hiker ay ang kakaibang karanasan na pag-akyat sa tagiliran ng
bundok na tanging sa mga kugon lamang maaring mangunyapit upang marating ang
tuktok.
Mula sa kinatatayuan ng
radar, tinunton namin ang landas na bahagi pa rin ng Maclehose Trail No. 8
pababa naman sa dulo ng hiking trail, ang Shing Mun Country Park.
Mala-disyerto ang
dinaanan naming bahagi ng bundok na may naglalakihang batong ibinuga ng dating
bulkan.
Ilang kilometro pa
pababa, sa bahaging iyon na nagsisimula ang kagubatan ay maraming unggoy sa mga
puno at sa tabing-daan na tila naghihintay ng ihahagis na pagkain. Ilang
hakbang pa ay iniwan na namin ang magandang lugar na iyon hanggang sa nadaanan
namin ang Pineapple Dam.
May mga puno na iba’t
iba ang laki at hugis na naghikayat din sa mga baguhan para pansamatalang
tumigil sa mga oras na iyon at magkuhanan ng litrato.
Natapos namin ang
hiking pasado alas 5 ng hapon sa tabi ng isang malawak na lawa ng napakalinaw
at bughaw na tubig, ang Shing Mun Reservoir na isa sa mga imbakan ng tubig na
iniinom ng mga taga-Hong Kong.
Mula sa pagkikita-kita
namin sa Tsuen Wan MTR hanggang sa makabalik kami sa Tsuen Wan ay halos walong
oras ang ginugol ng mga hikers. Ngunit umuwi kaming lahat na dala ang ibayong
kasiyahan mula sa bagong karanasan.
Sa mga nagnanais
umakyat sa Tai Mo Shan, siguraduhin lamang ninyo na nakahanda ang dalawang
litro ng inuming tubig at mga pagkaing magaan na puwedeng kainin habang nasa
hiking, dahil bukod sa walang mabibilhan sa bundok, napakahabang lakarin ito.
Sa pagkakaisa ng mga
kasapi sa OFWs in Hong Kong, pinili na ng mga ito na magkaroon ng hiking sa
iba’t ibang lugar sa lungsod na ito minsan hanggang dalawang ulit sa isang
buwan.
Dahil sa ganitong
aktibidad, nagkaroon ng magandang samahan at pagkakaibigan ang mga kasapi.
Bukod dito ay nakakatulong ito sa kanilang kalusugan, at pati sa mga
nabibiyayaan ng pondong kanilang nalilikom.
Sa darating na Marso
30, ang OFWs in HK ay magdadaos ng “gift giving and feeding program” sa isang
bahay-ampunan sa lalawigan ng Capiz sa tulong at suporta na rin ng kasaping
sumasama sa mga pag-akyat sa bundok.