Ni Vir B. Lumicao
Noong una ay inakala naming maraming kasong isinasampa sa hukuman ng Hong Kong laban sa mga Pilipinong kasambahay dahil sa likas na pagiging mapag-angkin natin sa mga bagay na nawawaglit o nalalaglag ng iba.
Ibinatay namin ang pananaw na iyan sa nakasanayan nating kultura, na tila nagaya natin sa nasasaksihan nating lantarang pangungurakot ng mga marami sa pamahalaan natin. Ngunit ramdam naming kailangan itong balikan dahil sa mga nakababahalang pangyayari sa hanay ng mga kababayan nating kasambahay nitong mga nakaraang buwan.
Sa tingin namin ay dumarami ang bilang ng mga nakakasuhan ng pagnanakaw sa iba’t ibang korte rito, ngunit napansin din namin sa ilang mga nalutas nang kaso ay gawa-gawa lamang ng mga among Intsik na ayaw magbayad ng long service pay kapag naka-limang taon na sa paninilbihan ang helper, o nais magpalit ng katulong kapag di makasundo ang kasalukuyan.
Nakakatawa ang mga bagay na ibinibintang na ninakaw ng mga katulong: lipas nang biskotso, pekeng brilyante, mga alahas na tig-$50, lumang laruan. Mayroon pang pinagbintangang nagnakaw ng tissue.
Kamakailan ay lalo kaming nabahala nang may magpatunay sa dati nang napabalitang sabwatan diumano ng mga amo at mga ahensiya sa pagbibintang ng pagnanakaw sa katulong. Ginagawa ito diumano upang makapagpalit agad ng kasambahay nang libre ang isang amo dahil sa “buy one, take three” na alok ng mga ahensiya.Ibig sabihin, sa minsanang pagbabayad ng amo ay maaari itong makakuha ng hanggang tatlong katulong mula sa ahensya.
Napansin pa namin sa isang ahensiyang nahaharap sa ilang sakdal na overcharging sa Employment Agencies Administration ang paggamit ang ganitong taktika upang pauwiin ang mga maangal na katulong na nangungulit ukol sa mga sobra-sobrang halagang siningil sa kanila.
Ang modus ng ahensiyang ito ay dinadala niya sa isang lending company ang bagong dating na katulong at pilit pauutangin doon ng halagang mula $10,000 hanggang $12,000. Hindi mapapakinabangan ng katulong ang perang iyon dahil agad-agad ding kinukuha ng ahensiya bilang kabayaran sa pag-recruit sa kanya.
Sa kaso ng ahensiyang ito, kapag ganap nang nakabayad sa lending company ang katulong ay saka ginagawan ng paraan ng nasabing ahensiya na masisante ang kaawa-awang katulong upang muling maghanap ng bagong amo -- o di kaya ay aalukin siya ng ahensiya ring ito ng bagong amo -- sa panibagong bayad.
Ang mga kasambahay na lumalaban kapag ginigipit na ng amo at ahensiya ang unang ginagawan ng kasong pagnanakaw, dahil ito ang may posibilidad na magsusumbong sa EAA ukol sa overcharging at pagpapautang sa lending company. Sila rin ang posibleng magsumbong sa Immigration ukol sa illegal na pagtatago sa pasaporte ng mga Pilipino.
At kapag ang sumbong ay iimbestigahan ng EAA at isasampa na nang tuluyan sa korte ng mahistrado, ang mga nagsumbong na katulong ang kukuning saksi para sa taga-usig. Kaya minamabuti ng ahensiyang tinutukoy namin na makauwi na sa Pilipinas ang biniktimang katulong upang hindi siya makakapagtestigo sa korte laban sa ahensiya.
Nakapanghihinayang lang na sa isang pangkat ng mga kasambahay na siningil nang labis ng ahensiyang ito, umamin umano ang isa sa bintang na pagnanakaw kahit hindi niya ginawa, dahil lamang sa kagustuhang makauwi sa kanyang pamilya.
Ang alok daw kasi sa kanya ng pulis na ipinadala ng ahensiya sa bahay ng amo ay “kung aamin ka, pauuwiin ka na bukas; kung hindi ka aamin ay makukulong ka”. Pinili niya ang una at sinamahan siya sa airport kinabukasan ng may-ari ng ahensiya.
Batay sa salaysay ng mga katulong na humarap sa sakdal na pagnanakaw sa korte, sila ay bigla na lamang pupuntahan ng mga pulis at aarestuhin dahil may natagpuan umanong nawawalang alahas o pera ng amo sa kanilang mga bag o maleta.
Noong nakaraang taon ay nakapagtala ang Konsulado ng 29 Pilipinong nakakulong sa iba’t ibang piitan sa Hong Kong dahil sa salang pagnanakaw. Marami sa mga ito ang umaming nagnakaw dahil talagang natukso sila, ngunit may ilan ding umamin kahit gawa-gawa lang ang ibinintang sa kanila, dahil sa kagustuhang umuwi na lang sa sariling bayan.