Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Buhay Pinay: Boso

28 March 2016

Kadalasan tuwing araw ng Linggo ay sa gilid ng Worldwide House naghihintayan sina Jay at kanyang mga kaibigan. Sa Central Ferry Pier pa nagmumula si Jay kaya’t kadalasan ay siya ang nauunang dumating sa kanilang tagpuan. Lagi niyang nadadaanan ang mga kapwa Pinay na nag-iimpake ng mga kahon para sa door to door na ipapadala sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Gitgitan ang lahat sa masikip na daanan sa gilid ng gusali hanggang sa malapit sa kalsada kung saan nakahilera ang mga nagpupuno ng mga kahong padala. Tuwing naglalakad si Jay doon ay hindi niya maiwasang mapansin na hindi alintana ng mga nag-iimpake ang masilipan sila habang nagsisiksik ng mga padala. Kabilang dito ang isang Pinay na habang abalang nakayuko sa loob ng kahon ay hindi namalayang lumawlaw na ang pantalon sa likod kaya lumitaw ang panloob na t-back at pati na ang kanyang puwit, at pinapipiyestahan na siya ng mga Pakistani na nagtitinda sa paligid at iba pang mga lalaki doon. May iba pa na walang kamalay-malay na ang kanilang dibdib at iba pang parte ng kanilang katawan ay nakikita na. Napapailing na lang si Jay at sa loob-loob niya, sana naman ang mga babaeng ito ay magdamit ng maayos kung ang gagawin lang naman nila ay ang mag-iimpake sa tabi ng kalsada at nang sa ganoon ay hindi sila nagiging malaswa sa pagtingin ng ibang tao, lalo na ng mga kalalakihan. Si Jay ay dalawang dekada na sa Hong Kong at nakatira sa Lantau.  –Jo Campos

Takutan
Halos isang taon pa lang si Hilda sa kanyang amo ngunit tila hindi na yata niya matatagalan pang tapusin ang dalawang taong kontrata niya sa mga ito. Bukod sa dami ng kanyang gawain ay napakaraming bawal sa bahay ng amo. Ayaw ng kanyang among babae na nakikipag-usap siya sa mga kapwa niya Pilipino sa kanilang lugar, lalo na sa kanilang kapitbiahay. Pilit naman niyang sinusunod ang bilin na ito, bagamat may mga pagkakataon na di niya maiwasan gaya ng kapag namimili siya sa supermarket at may kapwa Pinay na nakikipag-usap sa kanya. Isang beses ay nataon pang kasama niya ang kanyang amo sa pamimili at may bumati sa kanyang Pinay, binati naman ni Hilda ang kababayan at naikpag-usap siya sa pag-aakalang hindi siya nakita ng kanyang amo. Pagdating pa lang sa bahay ay agad na siyang pinutakan ng amo na galit na galit. Hinampas pa ng kanyang amo ang isang bagay sa mesa at natabig ang baso na nakapatong doon kaya’t nabasag ito. Lalong nagalit sa kanya ang amo at sinisi siya nito. Akma sanang sasampalin nito si Hilda nang pumalag ang Pinay at nagsabi na kapag pinagbuhatan siya ng kamay ay tatawag siya ng pulis at mag-eskandalo ng husto. Nagbanta din si Hilda na ipagkakalat niya sa mga kapitbahay ang baho ng pamilya ng amo kapag hindi siya tinigilan ng kalupitan sa kanya. Hindi na kasi mapigilan ni Hilda ang sarili dahil lagi siyang tinatakot na pauuwiin siya sa Pilipinas at hindi na muli pang makakabalik dito at makakakuha ng ibang amo. Dahil din marami siyang alam na lihim ng kanyang amo ay naisip na lang niyang labanan ito ng takutan at bahala na kung saan sila makakarating. Pagkalipas ng ilang araw ay napansin niyang nagbago na ang pakikitungo ng amo sa kanya. Bigla itong bumait at sinabi pang puwede na daw siyang umuwi kahit anong oras kapag day off niya samantalang dati ay alas otso ng gabi ang kanyang curfew. Ang mga walang kabagay-bagay na pinagbabawal sa kanya ay unti-unti na ring nabura gaya ng pagligo sa umaga at paggamit ng water heater sa kusina. Nangingiti lang si Hilda dahil yun lang pala ang magpapatino sa bruhang amo niya, ang takutin din ito. Si Hilda ay may asawa at dalawang anak at kasalukuyang nagtatrabaho sa mag-asawang intsik sa New Territories. -Jo Campos

Terminate
Labindalawang araw pa lang na nagtatrabaho sa among Intsik ang bagong saltang si Luisa nang masisante siya dahil hindi nagustuhan ang kanyang pagtatrabaho.  Ngunit imbes na siya ang bigyan ng isang buwang abiso ay sinabihan ng amo si Luisa na siya ang gumawa ng sulat na pumuputol sa kanilang kontrata.  Agad naman ipinaalam ni Luisa sa kanyang ahensya ang desisyon ng amo, kaya pinapunta siya nito sa opisina at may pinakopya sa kanya na “termination letter” na nagsasaad na teniterminate niya ang kanyang kontrata at bababa siya agad sa araw ding iyon. Nakasaad din sa naturang kasulatan na pinagkasunduan nila ito ng kanyang amo, na ang ibig sabihin ay hindi magbabayad ang bawat panig ng isang buwang suweldo kapalit ng abiso.  Dahil sa baguhan at hindi pa alam ang batas at kung ano ang mabuti at tamang gawin ay agad pinirmahan ni Luisa ang “termination letter” at ibinigay sa amo. Tinanggap naman ito at agad siyang binayaran kapalit ng 12 araw na pagtrabaho kasama ang kanyang tiket pabalik ng Pilipinas. Pagkababa sa amo ay pumunta siya sa opisina ng kanyang ahensya para doon pansamantalang tumuloy. Pinayuhan siya ng ahensya na magpatulong sa kaibigan para makahanap ng panibagong amo, ngunit hindi inalok na ibalik ang parte man lang ng ibinayad niya para makuha ang trabaho. Pagkatapos magtanong-tanong ay dumulog si Luisa kasama ang isang kaibigan sa opisina ng Labor Department para tanungin kung may mahahabol pa siya sa amo  subalit sinabihan siya na wala silang magagawa dahil siya ang nag-break ng kanyang kontrata.  Si Luisa ay 30 taong gulang at tubong Isabela. -- Emz Frial

Dagok
Umuwing luhaan si Maria pagkatapos ng kanyang araw ng pahinga dahil magkasunod na nawala ang kanyang HK ID at pera sa magkahiwalay na lugar sa araw na iyon. Kinuha niya ang kanyang air ticket sa Tsim Sha Tsui dahil nakatakda siyang magbabakasyon ngayon buwan. Hindi niya napansin na hindi niya naibalik sa kanyang pitaka ang HKID hanggang noong makaalis na siya. Agad siyang bumalik sa kuhanan ng ticket sa pag-aakalang naiwanan lamang niya ito doon ngunit sinabihan siya na wala siyang naiwan. Masama ang loob na bumalik siya sa bahay na kanyang tinutuluyan tuwing araw ng pahinga, at nakipagkwentuhan sa mga nandoon. Noong takda na silang magsiuwian noong hapon na iyon ay napansin niyang nawawala ang pera sa kanyang pitaka. Hindi niya naisip na itago ang bag dahil matagal na siyang nagpupunta doon at walang nawawalan ng pera sa kanila. Naisip niya at mga kasamahan doon na malamang na ang isa sa mga bagong umiistambay doon ang kumuha ng pera ni Maria ngunit hindi naman nila matukoy kung sino ang kumuha sa kanyang pitaka mismo. Buong paghihimutok na naitanong ni Maria sa sarili kung bakit siya pa na nangangailangan ang nabiktima sa pagnanakaw. Ganoon pa man ay naisip niya na pagsubok lang marahil ng Panginoon sa kanya ang ganoong nangyari. Nagpapasalamat na rin siya dahil bagay lamang ang nawala sa kanya, at hindi ang mas mahahalagang bagay, at nangako sa sarili na magiging masinop na siya sa kanyang mga gamit. Si Maria ay tubong Isabela, may asawa at anak, 42 taong gulang na kasalukuyang naninilbihan sa mga among Intsik sa Shatin.-- Marites Palma

Tinakasan
Inakala ni Daylen na ang pagkakaibigan nila ni Inday ay walang hangganan. Dahil sa pagtanaw niya ng utang na loob, hindi na nagdalawang-isip si Daylen na pumayag na mag-guarantor ni Inday sa utang nito sa isang finance company noong Setyembre 2015. Ngunit noong Disyembre, habang nagbabakasyon sa Pilipinas ay ginulat si Daylen ng tawag ng isang kolektor dahil partial lang daw ang ibinayad ng kanyang kaibigan sa utang. Ganoon na lang ang kaba sa dibdib ni Daylen. Nakabalik na siya sa trabaho nang biglang tumawag muli ang kolektor, gamit ang linya ng kanyang amo.. Tinakot nito si Daylen para bayaran ang utang ng kaibigan dahil na-terminate na pala ito. Nang marinig ito ni Daylen ay lalo siyang kinabahan, at hindi alam kung ano ang kanyang gagawin. Sa galit ay nag post si Daylen sa Facebook at minura si Inday nang husto. Dahil dito ay lalo pang gumulo ang mga pangyayari dahil marami ang nang-away sa kanya. Inireklamo siya ni Inday sa Konsulado at nakatakda silang magharap doon dahil sa kanilang away. May iba pang sakit ng ulo si Daylen ngayon dahil nanganganib ang kanyang trabaho dahil hindi pa alam ng kanyang amo ang tungkol sa gusot na napasukan niya ng dahil sa utang ni Inday.  Si Daylen ay mahigit limang taon na sa amo. Siya ay may-asawa at anak at tubong-Capiz.  —Regina de Andres

Matulungin
Nagpapahinga na sa silid tulugan ang mga amo ni Tekya noong kumatok siya sa pintuan  para magpaalam na bababa lang siya saglit para tulungan ang isang kababayan na walang matuluyan sa gabing iyon. Tinanong ng amo niyang Briton kung anong nangyari at isinalaysay naman niya na pinagbintangan ng kanyang amo na nagnakaw ang kanyang kaibigan ng perang nagkakahalaga ng $9,000. Tumawag diumano ng pulis ang amo ngunit walang nakitang pera sa mga gamit ng katulong matapos itong halughugin. Hindi nagsampa ng reklamo ang amo kaya pinalaya ang Pilipina pagkatapos ng 24 oras, ngunit hindi na pinabalik sa bahay ng amo. Pagkatapos niyang ikuwento ang nangyari ay dali-daling bumangon ang mag-asawa. Nagpa-init ng pagkain ang among babae at nagbalot ng prutas para ibigay sa nangangailangan samantalang nagbigay naman ng pera ang among lalaki. Kahit pagod at inaantok ay dali-daling nagbihis si Tekya at pinuntahan ang nagpasoklolo. Nang magkita sila ay hindi napigilan ng kausap ang mapaluha at magpasalamat sa kabaitan ni Tekya at ng kanyang mga amo. Noon lang nagkita ang dalawa na nagkakilala lang sa Facebook, ngunit hindi iyon naging hadlang para hindi matulungan ang nangangailangan na si Gracia. Dahil papalalim na ng gabi ay wala nang makuha si Gracia ng iba pang pagdadalhan kay Gracia. Mabuti na lang at nang magpasoklolo sila kay Eman Villanueva ng Bayan HK ay agad nitong naayos na patuluyin si Grace sa Bethune House. Naghiwalay ang dalawa bandang hatinggabi, at hindi natulog si Tekya hanggang hindi nasigurong nakarating na si Gracia sa tutuluyan. Kinaumagahan ay tinawagan si Gracia ng amo at pinapabalik sa kanilang bahay dahil umamin na raw ang tunay na maysala. Ito ay ang Pinay na kasambahay ng anak ng kanyang amo, na araw araw ding nandoon sa kanilang bahay dahil gusto ng matanda ay sama-sama sila kumain ng hapunan. Para .mapunuan ang naging pagkakamali nila ay bumait ang mga amo kay Gracia, na malaki naman ang pasasalamat kay Tekya sa tulong na ibinigay nito sa panahong kailangang-kailangan niya. Hindi pa rin makapaniwala si Gracia na may mga among katulad ng kay Tekya na ubod ng bait at handang tumulong sa nangangailangan, anumang oras. Si Tekya ay tubong Isabela at naninilbihan sa Tai Wai, samantalang si Gracia ay 24 taong gulang, may asawa at anak, at mula sa probinsiya ng Quirino. Isang buwan pa lamang siyang naninilbihan sa mga among Intsik. -- Marites Palma

China no buy
Sa tatlong taon ni Belen sa amo na edukado at mabait ay lagi na lang niyang naririnig ang mga salitang, “China no good, China no buy”. Pati tuloy ang alaga niyang 15 anyos ay sinasabing hindi siya taga China kundi Hong Kong. Sa isip naman ni Belen ay parang hindi mga Intsik ang kanyang mga kausap. Hindi naman maselan ang kanyang amo ngunit may mga brand ng pagkain ito na gusto, at lahat ay hindi gawa sa China. Kapag walang mapagpilian ay nalulungkot ang kanyang amo, at bakas sa mukha ang pagkadismaya.Minsan ay inulit na naman ng amo ang litanya kaya hindi na napigilan ni Belen na sabihan ang amo ng, “Why not buy China eh you are all Chinese, you said China no good but why they all making no good things and sell to people.You want good items for your self but you don’t care about others.” Walang naisagot ang amo kundi “You know everything about China lah.” Dinagdagan pa nito ng “China people making no good things because they only want money. Always money,money.” Dito nakakuha ng tsansa si Belen na humirit ng, “Not only money, they want everything. You see China is taking our land, that is for the Philippines, but China said it’s theirs.”" Idinagdag pa niya na kapag yumaman ang Pilipinas sa darating na panahon ay lalagyan nito ng harang ang lahat ng kanyang teritoryo, pati na ang himpapawid para hindi na makadaan o makialam ang China. Nailing na lang ang amo at sinabihan si Belen ng “you know everything, you are smart.” Pagkatapos nito ay nagpaalam na ang amo na papasok na sa trabaho dahil alam niya na marami pang sasabihin ang katulong. Tuwi kasing nagkakausap ang mag-amo ay humahantong ito sa mahabang usapan. Si Belen ay dalaga at naninilbihan sa among mabait na taga Mid Levels.-- Ellen Almacin

Don't Miss