Dumating siya dito noong Dis 23 at nagtrabaho sa mag-asawang intsik na parehong taga Mainland China. Bihira sa Hong Kong ang among lalaki dahil nasa China ang trabaho, kaya sila lang ng kanyang amo at alagang bata ang laging pumupunta doon para dumalaw sa lalaki.
Nitong bumalik sila doon mula Peb 16 hanggang Peb 24 para sa Chinese New Year ay binalot si Elena ng takot nang pilitin siya ng among lalaki na makipagtalik. Diring diri si Elena dahil pinaghihipo siya ng amo na mabaho pa ang hininga.
Napigilan lang ang lalaki nang balaan ni Elena na magsusumbong siya sa asawa nito. Sumenyas ang lalaki na huwag siyang magsusumbong bago lumayo.
Pero magmula nang gawin ito ng amo ay hindi na makapagtulog ang Pilipina. Ang pakiramdam niya ay diring diri siya sa sarili. Kumunsulta siya sa isang kaibigan para maki chat kung ano ang kanyang gagawin at sinabihan siya na isulat niya sa isang diary ang lahat ng mga nangyari sakaling kailangan na niyang magsumbong para may ebidensya siya kahit paano, at para matandaan niyang lahat ang mga detalye. Sinabihan din siya na sisiguraduhin na hindi makalapit ang among lalaki na mag-isa lang siya.
Sinunod naman ni Elena ang bilin hanggang makabalik sila ng among babae sa Hong Kong.
Kinabukasan ay nagkita si Elena at ang kanyang tagapayo sa assistance to nationals section ng Konsulado dahil sinabihan daw siya ng among babae na i-renew ang kanyang visa sa China at babalik na naman daw sila doon ngayong Marso.
Ayon sa isang opisyal ng ATN kailangan na niyang magsumbong sa Hong Kong Immigration. Kapag nandoon na daw siya ay tumawag siya at pupuntahan siya doon para tulungang magpaliwanag.
Imbes sundin ang payo ay nagpasya si Elena na magpaalam na lang sa among babae. Gumawa siya ng katakot-takot na dahilan para pumayag ito, at suwerte naman na pinayagan siya at binilhan pa ng tiket.
Hindi na isinumbong pa ni Elena ang ginawa ng among lalaki para wala nang gulo. Kinabukasan din ng umaga, Peb. 26, ay lumipad siya pauwi sa Iloilo. Nagpasalamat siya sa mga nagpayo sa kanya pero minabuti niyang umuwi na lang agad at baka tuluyan na siyang mapahamak. Sumumpa siyang hindi na aalis ulit para magtrabaho sa labas ng bansa. – Merly T. Bunda