Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pinauwi’t pinabalik

07 February 2018

Kakaiba ang karanasan ni Lorie, 28 taong gulang, sa among taga Hang Hau. Na-terminate siya ng amo kamakailan dahil sinagot niya ito nang mapuno na siya sa kasungitan nito. Agad-agad siyang pina-empake at pinauwi, na hindi naman niya tinutulan dahil gusto na rin naman niyang umuwi. Basta sinigurado niya na binayaran siya ng tama, kabilang ang kanyang natitirang sahod, isang buwang suweldo kapalit ng pasabi, at bayad sa air ticket.

Ngunit dalawang araw pa lang siya sa kanilang bahay sa Cebu nang tawagan siya ng masungit na amo at hilingan na bumalik siya matapos ang dalawang linggo dahil hinahanap siya ng alaga. Hindi naman siya nag-atubiling bumalik dahil napalapit na rin siya sa alaga, at gusto rin niyang makita muli ang mga kaibigan dito.

Pagbalik niya ay kinausap niya ng masinsinan ang amo. Sinabi niya na kung may nagawa siyang mali ay puwede naman siyang pagsabihan, huwag lang pagalitan at sigawan.

Naaalala niya kasi ang naging karanasan niya sa Singapore, kung saan una siyang nagtrabaho bilang kasambahay. Sa unang dalawang taon niya sa amo ay wala siyang naging problema, pero sa sumunod na taon ay bilang nag-iba ang ugali nito. Inoorasan na siya sa pamamalengke at laging pinapagalitan. Hindi na rin siya pinag day off.

Nang hindi na nakatiis si Lorie ay nakikipagtalo na siya sa amo, na umabot sa puntong nasampal siya nito. Lumayas si Lorie at pumunta ng shelter para humingi ng tulong. Nakatagal siya doon ng tatlong buwan habang hinihintay na matapos ang kanyang kaso laban sa amo.

Noong ika-15 ng Hunyo noong isang taon ay dumating si Lorie sa Hong Kong para muling makipagsapalaran. Akala niya ay magiging maganda ang kalagayan niya dito ngunit sa unang anim na buwan niya sa amo ay sobrang hirap ang naranasan niya. Maselan ang among lalaki at lagi na lang may nakikitang mali sa ginagawa ni Lorie. Mabuti na lang at nagkagaanan sila ng loob ng kanyang alaga kaya napilitan siyang magtiis muli.

Walang permanenteng araw ng labas si Lorie kaya madalas siyang walang kasama tuwing nag de day off. Pero minsan ay nagkikita din sila ng mga dating kasamahan sa Singapore, at sila ang nagpapayo sa kanya na magtiis na muna, at subuking hulihin ang loob ng amo.

Sinunod naman ni Lorie ang mga payo nila, nguni’t sadyang mainitin ang ulo ng kanyang amo kaya nang mapuno na siya ay sumagot na rin.  Mabuti na lang at hindi nasabihan ng amo ang immigration na pinutol na nito ang kontrata kay Loraine kaya nang magbago ang isip nito ay may visa pa rin ang Pilipina.

Agad namang kumuha ng OEC si Lorie para makabalik.

Ngayon ay mahigit isang buwan na siyang nakakabalik sa amo at masaya na siya dahil maganda na ang kanilang samahan. Palaging Linggo na rin ang kanyang labas, kaya lagi na silang magkakasama ng mga kaibigan. Kapag mayroon siyang gustong sabihin sa amo ay pinapadalhan lang niya ng message sa whatsapp para mas magkaintindihan sila, at ganito rin ito sa kanya.

Tanging dasal niya ay magtuloy-tuloy na ang kanilang magandang samahan. — Rodelia Villar

Don't Miss