Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bello, tumugon sa hinaing ng migrante

04 October 2016


Ni Gina N. Ordona  

Positibong tinugunan ni Labor Secretary  Silvestre Bello III ang karamihan sa mga panawan ng mga migranteng manggagawsa Hong Kong sa isang pagpupulong na ginanap sa University of HK noong ika-25 ng Set.

Kasama ni Sec. Bello na humarap sa mahigit 200 lider ng iba't-ibang organisasyon gaya ng dating pinuno ng Philippine Overseas Employment Administration na si Hans J. Cacdac at si Rebecca J. Calzado,  dating administrator ng Overseas Workers Welfare Administration.

Karamihan sa mga isyu ay agarang binigyan ni Bello ng kasagutan pero ang ilan ay sinabi niyang pag-aaralan muna nang husto. Isa dito ang usapin tungkol sa pagbabawal ng direct hiring. Hindi man lubusan niya itong sinang-ayunan pero sinabi niya na pag-aaaralan daw muna nila ng husto ang mungkahing tanggalin ang pagbabawal ng direct hiring. Sinabi niyang mahirap itong ibalik dahil ngayon nga daw na may recruitment agencies ay marami pa rin ang nagiging biktima ng mga illegal recruiter.

“Kasi maingat ako e. Kapag direct hire, meron danger na magiging biktima ng human trafficking,” sabi ni Bello.

Gayunpaman, matapos bigyang linaw nina Dolores Balladares at  Eman Villanueva na ang hinihiling lang naman ay para sa mga dati nang nandito sa HK at sila mismo ang nakahanap ng amo. Ito ay para daw maiwasan ang mga ilegal na bayarin  na sinisingil ng recruitment agencies.

"Pag-aralan kong mabuti at baka papayag ako kung ire-recommend ni Administrator Cacdac at Administrator Calzado. Basta meron yung tinatawag na proseso,” sabi ni Bello.

Kaugnay naman sa ilegal at sobra-sobrang sinisingil ng mga ahensiya, sinabi ni Bello na kung wala nang placement fee, wala na din dapat training fee.

"My idea is that, when you recruit, you select the right people for the job. You train at kapag hindi natuto huwag mong kunin,” sabi niya.

Ngunit nilinaw ni Cacdac na wala nang babayaran na placement fee sa POEA kundi training fee na lang. Ayon daw sa Tesda, dapat Php7,000 lang ang training cost pero kung kasama ang board and lodging ay aabot ito ng Php 15,000.  Ang babayaran naman sa pagsusulit para  makakuha ng sertipiko ay Php 400 lang. Sa kabila nito, lumalabas daw sa kanilang pagsisiyasat na idinadagdag ng ilang recruitment agencies ang placement fee sa training fee. Dahil dito ay  marami na daw silang kinansela na lisensya ng mga recruitment agency .

Ayon kay Cacdac mahigit 240 na ang bilang ng mga ahensiya na kinansela ang lisensiya dahil sa ilegal na pagsingil ng placement fee. Hinikayat din niya ang mga biktima na isumbong ang mga ahensyang lumalabag sa batas upang mapatawan nila ng kaukulang parusa.

Sa panig naman ng Philippine Overseas Labor Office,sinabi ni Labor Attaché Jalilo dela Torre na dumalo din sa pagpupulong, paparusahan din niya  din niya mga ahensiya na naniningil na sobra sa itinakdang 10% ng isang buwan na sahod.

Sa usapin naman ng OEC o overseas employment  certificate, sinabi ni Bello na may  ginawa na siyang circular tungkol dito. Sinabi niya na kapag umuwi at bumalik ang manggagawa sa parehong employer at parehong lugar ay hindi na kailangang magbayad ng OEC.

“Pero puwede siguro nating pag-usapan pa na kung puwede ay huwag na,” sabi ni Bello.  Bukas daw ang kanyang  tanggapan para pag-usapan ang tuluyan nang pag-alis sa OEC. Pero dapat daw na kunsultahin  muna ang POEA at OWWA tungkol dito.

Bilang dagdag paliwanag, sinabi ni Cacdac na maiging pumunta sa Polo para alamin kung nasa talaan ng POEA ang pangalan.

“One time only lang ang pagpunta ninyo sa POLO. Tutulungan nila kayo pala malaman kung nandun na kayo sa data base. Kung hindi naman,ipapasok ang pangalan ninyo sa talaan. After that, puwede na ninyong gawin ang update sa online,” sabi ni Cacdac.

Sinabi din niya na may dene-develop silang mobile application para lalo pang mapadali ang proseso sa pagkuha ng OEC.

Samantala, nais din ni Bello na tuluyan nang tanggalin ang pre-departure orientation seminar o PDOS dahil ginagamit daw ito ng ilan para kumita.

“Ayaw kong mangako pero basically I’m against PDOS specially  kung may babayaran,” sabi ni Bello.

Sa usapin ng OWWA, hindi pumayag si Bello na ibigay ang kahilingan na gawing voluntary ang membership at hindi gawing kundisyon sa pagproseso ng kontrata.

“Bakit ayaw ninyong maging member? Proteksiyon niyo yan,”sabi ni Bello.

Binanggit din niya ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng sariling bangko ang mga OFW. Baka raw bilhin ng  OWWA ang Philippine Postal Bank at tatawaging itong OFW Bank.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Bello na umaabot na ng Php 19.2 billion ang pondo ng OWWA at ipinangako niya na para sa kapakanan ng OFWs lang gagamitin ang pera.

Nangako din si Bello na titingnan ang kasong isinampa ng Coalation of Service Providers for Ethnic Minorities laban sa dating Labor Attache na si Manuel Roldan. Sinabi ni Bello na pag-aaralan niya ang pagsampa ng kasong palsipikasyon imbes na misconduct lang laban kay Roldan.  Maging ang abogadong humahawak sa kaso ay kakausapin daw niya dahil matagal na itong nakabinbin.

Dininig din ni Bello ang kahilingan ng mga migranteng manggagawa sa Macau, kabilang ang pagbubukas ng Konsulado  doon tuwing araw ng Linggo, at ang pagkakaroon ng matutuluyan ng mga manggagawang may problema.


Don't Miss