Ni Cris B. Cayat
Kung mayroong "London Eye" sa London, mayroon ding “Hong Kong Eye” na nagbukas noong Disyembre 6, bilang pang-akit sa maraming turista at lokal na mamamayang magagawi sa Central. Ang ferris wheel, o tsubibo na opisyal na tinatawag na Hong Kong Observation Wheel, ay may taas na 60 metro at may 42 gondola. Isa sa mga ito ay pang-VIP at may sahig na salamin. Sa halagang $100 para sa mga may gulang na at $70 sa mga bata, makikita ng sasakay ang nakapalibot na kagandahan ng Hong Kong.
Ang ferris wheel ay iikot nang mabagal tatlong ulit sa loob ng 20 minuto. Sapat nang panahon ito upang makita ng mga nakasakay nang walang harang ang apat na sulok ng Hong Kong mula sa itaas.
Ang pinakamainam na oras ng pagsakay sa tsubibo ay takipsilim, kung kailan papalubog na ang araw at nagsisipagsindi ang libu-libong ilaw ng mga gusaling nakapaligid at tila mga bituing nagkikislapan at nagpapaligsahan ng ningning.
Ayon sa pag-aaral ng mga grupong nagtayo ng ferris wheel, inaasahang may 2,740 katao ang sasakay sa dito at makakaragdag nang malaki sa turismo ng Hong Kong. Ang lokasyon ng Hong Kong Eye ay mainam dahil nasa Central ito at madaraanan ng mga turistang papunta sa Tsim Sha Tsui o di kaya’y patungong Hong Kong Island.
Ang tsubibo, na napapalamutian ng LED (light emitting diodes) sa buong balangkas nito, ay unang napabalita na magkakaroon ng “soft launch” noong Setyembre upang maiparanas sa madla ang naturang atraksiyon, ayon sa Harbourfront Commission, Hong Kong Tourism Board, mga kinatawan ng mga distrito at ng pamahalaan ng Hong Kong.
Ang Swiss AEX, ang kumpanyang gumawa ng naturang tsubibo, ay may tatlong taong kontrata upang gawin ang bagong atraksyon. Sinimulan nito ang paggawa noong June 2013, at nag-soft launch pagkaraan ng mahigit isang taon.
Ang tsubibo ay nakatayo sa isang bakuran na may sukat na 9,620 metro kuwadrado sa harap ng Pier 9 at 10 sa bagong Star Ferry Pier o Edinburgh Place Ferry Pier.
Ang daungan ay nakasanayan nang tawaging “Star Ferry” at ito ay ikatlong lokasyon na ng nasabing pantalan; ang nauna ay sa kinatatayuan ngayon ng Mandarin Oriental at ang pangalawa ay sa tabi ng General Post Office. Inilipat ang daungan noong 2007 sa bagong Edinburgh Place.
Ang clock tower na inilipat sa bagong pantalan ay naging sentro ng pagtatalo ng mga conservationist at ng gobyeno ng Hong Kong dahil gusto noon ng pamahalaan na gibain ang tore. Nauwi ang pagtatalo sa martsa na nagbunga ng maganda dahil inilipat ang orihinal na tore sa bagong kinatitirikan nito sa Edinburgh Place Ferry Pier, sa halip na gibain na lamang.
Ang Hong Kong Eye ay siyang pantapat ng Hong Kong sa London Eye at sa Singapore Flyer na higit na matataas ngunit naiiba ang hubog ng mga gondola. Ang London Eye ay may taas na 135 metro at ang Singapore Flyer ay may 165 metro. Ang hubog ng mga gondola ng dalawa ay parang kapsula at makakapaglakad sa loob ang mga sakay nito.
Sa taas na 60 metro, wala sa kalahati ng higanteng tsubibo sa London at Singapore ang Hong Kong Eye, at ang mga mga pasahero nito ay mananatiling nakaupo.
Ang bawa’t gondola ay makakapagsakay ng walo hanggang 10 katao, at may koneksyon sa wifi. Ang Hong Kong Eye ay nagbubukas mula ika-11 ng umaga hanggang ika-11 ng gabi.
Ayon kay Luz Peñaranda, isang Pilipinong nakasubok na sa Hong Kong Eye, banayad lang ang pag-ikot nito at hindi nakakahilo, kaya nagalak siya at kanyang mga kaibigan nang sakyan nila ito. Sumakay sila banding ikaanim ng hapon kaya napagmasdan nila ng mabuti ang kagandahan ng Hong Kong, kabilang ang maraming ilaw sa paligid na sari-sari ang kulay at kumukutitap dahil magpapasko.
Sa magkabilang tabi ng ferris wheel may kanya-kanyang pakulo ang malalaking kumpanya gaya ng Carnaval na nag-aalok ng maraming larong masasalihan sa entrance fee na $90 na may kasama nang mga token na nagkakahalaga ng $70.
Ang Carnaval na ititangkilik ng AIA ay bukas mula Dis. 23 hanggang Peb. 22. Sa kabilang gilid ng ferris wheel ay may pakulo rin ang Hongkong Telecom kung saan ang lahat ng kliyente nito ay makakapasok nang walang bayad.
Ang kinatatayuan ng Hong Kong Eye ay bahagi ng malawak na reclamation site sa harap ng City Hall at Central Post Office. Mula nang binuksan ang liwasan, maraming Pinoy nagpupunta roon, tumatambay, namamasyal, o di kaya’y nagdaraos doon ng malalaking programa.
Halimbawa, noong Dis. 7 ay ginanap sa likuran ng General Post Office ang isang malaking konsiyerto ng mga sikat na mang-aawit na Pilipino, kabilang na si Arnel Pineda. Sa araw ding iyon, itinanghal ng Benguet Federation ang Adivay, isang malaking pagdiriwang na dinaluhan ng mga kilalang tao mula sa probinsiyang iyon.
Noong Nob. 2, ipinagdiwang ng CorAll HK ang ika-16 na taon nito sa likuran ng Post Office. Bukod sa di gaanong dinaraanan ng tao, mas malawak ang lugar para sa community dance na pat-tong, na nangangailangan ng sapat na espasyo para maraming taong makakasali.
Doon din malapit sa City Hall pumupuwesto ang Friends of Bethune at iba pang mga grupo na dahil malawak at hindi pa matao ang lugar. Habang kanya-kanyang praktis sila dito at doon, nasaksihan nila ang pagbangon ng balangkas ng higanteng tsubibo hanggang sa ito ay nakatawag-pansin sa lahat.
Kapag naglilitratuhan, magandang lumugar sa harap ng City Hall at nakatalikod sa Hong Kong Eye dahil kahit na ilang metro ang layo ng tsubibo ay makukuhanan pa rin ito katabi ang isa pang higante, ang International Financial Center 2.
At kung ang nais ay maglakad-lakad lamang, maaaring baybayin ang tabing-dagat mula sa Bauhinia Square sa Wanchai hanggang sa Sun Yat Sen Park sa Western District. Samantalahin na rin ang pagkakataon na tumigil sa may Central at sumakay sa matayog na Hong Kong Eye para makumpleto ang inyong pamamasyal..